



Nagsagawa ng simultaneous rescue operation ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office, MDRRMO, Bureau of Fire Protection, BFP at Philippines National Police PNP sa isang aksidente na kinasangkutan ng tatlong sasakyan.
Sa naturang in sidente marami ang nasugatan na ikinagulat ng maraming mamamayan sa sentro ng bayan ng Daet, particular sa bahagi ng harapan ng Elevated Town Plaza.
Agad namang nagresponde ang mga kawani ng MDRRMO ng bayan ng Daet upang saklolohan ang mga sangkot sa aksidente.
Agad ding tumawag ng responde sa BFP ang ilang mga nakasaksi sa naturang aksidente agad namang dumating ang response team at medic mula naman sa naturang ahensya.
Mabilisang binigyan ng unang lunas ang mga babaeng nakahandusay sa lansangan ng mga rescuer maging ang mga sakay ng mga sasakyang sangkot.
Sa gitna ng rescue, biglang may lumiyab sa isang bahagi ng isang sasakyan na sangkot sa aksidente, kasabay ang pagdating ng fire truck upang apulahin ang apoy.
Naging matagumpay naman na naisalba ang mga biktima at nasugod sa mga pagamutan matapos na ito ay lapatan ng paunang lunas.
Inabot lamang ng humigit kumulang dalawampung minuto na nakapagsagawa ng imbestigasyon ang mga miyembro ng Daet PNP at agaran ding nalinis ang nasabing lugar.
Labis na ikinagulat ng publiko ang nasabing aksidente na isa lamang palang pagsasanay (rescue drill) ng nasabing mga ahensya. Layunin nito na matiyak ang kasanayan ng naturang mga rescue team at mga ahensya sa pagtugon sa mga kahalintulad na insidente.
Pinangunahan ang naturang pagsasanay ng pinagsamang pwersa ng MDRRMO sa pangunguna ni Santiago Mella Jr. at ng BFP.
Ayon kay Fire C/Insp Hayacent Grageda, ang Provincial Director ng BFP Camarines Norte, ang nasabing pagsasanay ay palagiang isasagawa ng kanilang mga tauhan upang manatiling handa sa anumang mga rescue operations kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan, katulad ng MDRRMO at Phil National Police.
Ricky Pera
CN News