Nakiisa ang lalawigan ng Camarines Norte sa selebrasyon ng ika-21 Provincial Councilors League (PCL) week simula Setyembre 1 hanggang Setyembre 7 ngayong taon.
Sa pamamagitan ito ng Provincial Councilors League ng Camarines Norte sa pamumuno ni PCL President Board Member Joaquin Emmanuel G. Pimentel, ex-officio member (PCL) ng Sangguniang Panlalawigan at PCL Chairman Councilor Sherwin Asis ng sangguniang bayan ng Daet.
Sa talumpati ni Pimentel kaugnay sa isinagawang regular na sesyon ng SP kahapon, binigyang-diin niya ang pagpapayabong ng karunungan sa pamamagitan ng Continuing Legislative Education Program (CLEP) ng PCL.
Aniya, ang CLEP ay serye ng academic credit-earning short courses kung saan itinuturo ang local governance, administrative lectures at updates para sa mga councilors.
Ang programa ay hindi lang limitado sa academic inputs ng isang konsehal kundi maaari pa niyang ipagpatuloy ito sa mas mataas na antas ng pag-aaral.
Ayon pa rin kay Pimentel, ang PCL ay itinatag upang mapagsilbihan at maproteksiyunan ang mga miyembro nito at hangad din nito ang mabigyan ng kakayahan ang mga konsehal sa pagsasagawa ng kanilang mga responsibilidad, makapaglingkod sila ng mas epektibo at maayos sa kanilang bayan.
Aniya, ang PCL sa ngayon ang nagpapatakbo ay hindi lang presidente, may aktibong pakikiisa ang lahat ng mga opisyales, ginawa itong aktibo sa paggawa ng polisiya ng PCL upang makasama ang lahat sa pamamalakad ng isang organisasyon o pamahalaan para mas maraming ideya at magiging maganda ang takbo nito.
Dahil dito, nagkaroon ng mga programa sa lokal isa na dito ang Legislative Research Assistance Program, ito ay tumutulong sa mga konsehal kaugnay sa kanilang performance sa kanilang tungkulin bilang konsehal dagdag pa ni Pimentel.
Ayon pa rin sa pahayag ni Pimentel, may mga dapat silang hanapin tungkol sa isang partikular na ordinansa dahil ang mga konsehal ay maraming pinagkakagastusan, tumutulong ang PCL sa pagsasagawa ng pagsusuri sa isang legislation kung walang pinagkukunan.
Binibigyan sila ng tulong upang maisagawa ito para magkaroon ng magandang legislation dahil sa suporta ng PCL sa lokal at sa Camarines Norte lamang ang mayroon ng ganitong programa.
Tinutulungan din ang mga konsehal na makapagsuri sila ng maayos, maka-usap nila ang mga mamamayan at mapuntahan ang mga target ng kanilang legislation upang ang magiging ordinansa o resolusyon ay maging mas akma sa kanilang komunidad ayon pa sa pahayag ni Pimentel.
Si Board Member Pimentel ay isa ring opisyal o Public Relation Officer (PRO) sa Provincial Councilors League sa nasyunal.
Reyjun Villamonte PIA-CN