Isang bilangong nakapiit sa San Vicente Municipal Station ang nakatakas kahapon (Sept. 3) ng madaling araw. Ito’y matapos na magkunwaring masakit ang tiyan ng pugante kaya’t agarang isinugod sa Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH).
Matapos na lapatan ng lunas, kinakailangan pa umanong i-confine ang inmate sa pagamutan dahil sa matinding pananakit ng tyan na idinadaing nito. Ayon sa mga manggagamot, dito na kumuha ng tyempo ang suspek, dakong alas dos ng madaling araw na nagawang makatakas.
Sa kasalukuyan ay pinaghahanap na ng pulisya ang pugante na itatago na natin ang pangalan, residente ng San Vicente Camarines Norte na may kasong paglabag sa R.A 9262, 15 counts of rape.
Ayon sa pulisya ito ay may dati na ring kasong homeside na nakapagpiyansa lamang bago ito muling naharap sa panibagong kasong sexual assault kung kayat ito’y muling inaresto at ikinulong pansamantala sa San Vicente PNP detention cell.
Habang sinusulat ang balitang ito ay mayroon na rin umanong abiso ang suspek na ito ay susuko, bagamat ayaw umanong sumuko sa mga kapulisan sa takot na ito ay bugbugin. Hindi naman nabatid kung kanino, saan at kailan isasagawa ang muling pagsuko nito.
JAIL BREAK ATTEMPT AT CNPJ (not related news)

Samantala, bago magtapos ang buwan ng Agusto, muntik na ring matakasan ang Camarines Norte Provincial Jail ng tangkaing butasin ng mga inmates ang pader ng isang selda sa ikalawang palapag ng naturang piitan.
Habang naglilinis sa labas ng bilanguan, napansin ng isang Jail Guard na may uka na ang pader na natatakpan ng kalendaryo.
Agad itong sinita ni Jail Guard Ricky Adem at doon natuklasan ang ginagawang butas sa pader na may kalakihan na at maaari nang makalusot ang isang tao.
Ang nasabing selda ang kinalalagyan ng isang high profile inmate na lider diumano ng rebeldeng grupong New Peoples Army (NPA).
Kagyat namang inilipat sa mas secured na selda ang naturang high profile inmate na siya ring pinaghihinalaang may kagagawan ng naturang pagbubutas sa pader.
Ricky Pera
Camarines Norte News