

Muling naging laman ng usapin sa Sangguniang Panlalawigan ang panibago na namang kontrobersyal na small scale mining site sa bayan ng Paracale, Camarines Norte na tinaguriang “Bulaay 2”.
Sa Sitio “Maning” sa Brgy Casalugan matatagpuan ang naturang minahan na ayun sa impormasyong nakarating sa SP ay umaabot na sa humigit kumulang apat na raang (400) na butas sa nasabing lugar.
Labis na nangangamba ang Sangguniang Panlalawigan sa posibleng sapitin ng mga nagmimina sakaling magkaroon ng aksidente at malibing ng buhay ang naturang mga minero. Sa naging privilege speech ni Bokal Gerry Quiñonez, ibinunyag nito ang makapanindig balahibo na kalagayan ng minahan na halos dikit dikit na ang mga butas at may gumagamit pa umano ng dinamita na anumang oras ay
gumuho dulot ng malakas na pagyanig sanhi ng dinamita. Nabatid na wala din umanong timber, o proteksyon sa pag guho na ginagamit sa nasabing mga butas.
PARACALE LGU OFFICIALS ATTENDED SP SESSION
Sa nakatalikod na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan, dumalo sa naturang sesyon si Vice Mayor Adonis Salen na kumatawan sa lokal na pamahalaan ng Paracale.
Mariin nitong itinanggi na may tinatanggap silang suhol o pasan (sack of gold ore) mula sa mga magkakabod.
Malinaw ang tema ng pananalita ng bise alkalde na tila humihingi ito ng tulong sa Sangguniang Panlalawigan kung papano maireregulate ang minahan sa kanilang bayan.
Aminado si VM Salen na may nagaganap na illegal na pagmimina sa kanilang bayan subalit ang masaklap anya ay tila mas namamayagpag pa ang mga taga ibang lugar at ang mismong kanilang mga mamamayan ay hindi nabibigyan ng pagkakataon na kumita ng mas malaki sa nasabing minahan.
Nais ng bise alkalde na magkaroon ng panuntunan na ang mga taga paracale ang dapat na mabigyan ng prayoridad sa nasabing hanap-buhay. Anya, tanging ang pagmimina lamang ang alam na hanapbuhay ng marami sa kanilang mga mamamayan. Dapat anyang maproteksyunan ang mga taga Paracale at hindi katulad ng kasalukuyang sitwasyon na parang ang mga lehitimong mga taga Paracale pa ang hinoholdap ng kung sinu-sinong awtoridad o personalidad sa nasabing minahan. Meron pa anyang isang malaking minero sa ngayon na gusto pang kamkamin ang lugar at sila na lang ang nais na magmina sa Sitio Maning.
Samantala, umarangkada rin si Punong Brgy. Laguador ng Brgy Casalugan. Tila relax na relax ang punong Brgy. na pabiro pang tinuruan si Vice Governor Jonah Pimentel kung ano ang dapat gawin kung sakaling mangungulipaw doon. Ayun kay kapitan Laguador, kung sakaling mangungulipaw ang bise gobernador ay hindi dapat ngayong panahon dahil malakas ang mga pag-ulan, maputik at matarik ang lugar. Sakali anyang pupunta doon ay mas irerekomenda nya na magdala ng magandang tsik upang hindi mainip sa layo lalakarin.
BM GACHE MAY BUTAS SA MINAHAN?
Pabiro din nitong tinukoy si Bokal Pol Gache na may Butas anya doon sa nasabing minahan. “…ikaw po bokal Pol Gache, hindi baga’t mayroon ka ding butas doon?!”.
Bagamat ito’y pabiro lamang tila hindi naging komportable at hindi nagustuhan ng ilang miyembro ng SP sa naging mga aktwasyon ng Punong Brgy.
Sa follow up naman kay Bokal Pol Gache, mariin nitong itinanggi ang nasabing pahayag ni PB Laguador. Anya, kaibigan nya ang punong Brgy at nagbibiruan lamang sila bago ito nagsalita. Pabiro lamang anya nyang sinabi kay Laguador na “baka pwede ako magkaroon ng butas dyan…” kasunod ang kanilang tawanan.
Ayon kay gache, ni hindi pa sya nakakarating sa nasabing lugar sa sa layo ng nasabing lugar na umaabot sa siyam (9) na kilometro ay hindi na nya kakayanin ito.
Samantala, sa kalagitnaan ng talakayan hindi naman nagustuhan ni Vice Governor Jonah Pimentel ang komento ni Bokal Pol Gache na “itolerate na lamang ang nasabing pagmimina” dahilan na rin sa kaawa-awang sitwasyon ng mga mamamayan doon na umaasa lamang sa nasabing hanap-buhay.
Sinabi ng bise gobernador na hindi nya inaasahan na ganito ang magiging komento mula sa isang opisyal ng bayan na katulad ni Gache na tila pagpapakita ng pag amin ng kawalang kakayahang ayusin ang sitwasyon. Ayun kay Pimentel, lahat naman sila ay nagmamalasakit sa mga minero subalit hindi ang pag tolerate sa mga ito sa napaka delikadong sitwasyon. maaari naman silang makapag hanap buhay sa pagmimina subalit sa ligtas ang maayos na paraan katulad ng pagkakaroon ng minahang bayan.
PARACALE MPS COP LABARRO AT SP ON MINING ISSUES
Mistula namang guro na nag lecture sa SP si P/Cinsp Rommel Labarro, hepe ng Paracale PNP, hinggil sa usapin ng mining sa Paracale. Tila jina-justify pa nito ang pagmimina sa nasabing bayan matapos na talakayin nito ang hinggil sa kung saan nagmula ang pangalang “Paracale”. Maging ang pagpapatayo ng Holy Trinity Cathedral ay nanggaling din anya sa mina ng Paracale ang ginamit dito ng kauna-unahang Obispo ng Diocese ng Daet.
Kasunod ng history lecture, tinalakay na din ni Labarro ang anya’y mga naging pagkilos nila laban sa illegal mining sa paracale. Sa pamamagitan ng projector, ipinakita ni Labarro ang mga schedule ng kanilang paulit ulit na pakikipag pulong sa mga minero at financers ito’y upang ipaliwanag sa mga ito ang mga nilalabag na batas. July 7, August 2, 4 and 27 isinagawa ang pakikipagpulong kasama pa nila anya ang kinatawan mula sa DENR noong Agosto 4, 2014. Nagsulat na rin anya sila kay Mines and Geosciences Bureau Regional Director Teodore Rommel Pestaño hinggil dito hinggil dito.
Tanong ni Labarro, bakit sila lamang ang tila nasisisi sa sitwasyon? Ito anya ay dapat inter-agency o sama-samang pagkilos ng lahat ng concerned agencies ang gumagalaw at hindi ang kapulisan lamang.
Makailang ulit na rin nila umanong pinatigil ang pagmimina sa nasabing lugar subalit aminado itong hindi ito kaya ng kapulisan lamang. Tila tinatangka ni COP Rommel Labarro na antigin ang puso ng mga miyembro ng sangguniang Panlalawigan sa pagsasabing umaabot na rin sa labing lima (15) ang kanilang nahuli at nakasuhan subalit tila mas naging kaawa-awa ang naging sitwasyon ng kanilang mga nakasuhan. Nakakulong sa selda at walang nag hahanap buhay para sa pamilya. Doon na rin anya sa himpilan ng pulisya minsan natutulog ang pamilya ng mga nahuling minero at pinapakain pa ng pulisya ang mga ito.
Lumalabas anya sa ngayon na “Jobless Versus PNP” ang nangyayaring sitwasyon sa nasabing bayan at dito umiiral anya ang kanilang pagiging tao na nakakaramdam sila ng awa sa nasabing mga umaasa lamang sa pagmimina na ama ng tahanan.
Nagpahayag din si P/Cinsp Rommel Labarro ng sama ng loob sa isang miyembro ng Media na anya’y walang tigil ng pagkokomentaryo laban sa kanya. Sa kabila anya ng kanilang ginagawang pagtatrabaho ay tila pinalalabas pa na masama sila. Hindi na rin naman pinangalanan ni Labarro kung sino ang tinutukoy nitong media at wala na rin itong planong mag sampa ng kaso laban dito.
Dumipensa naman si Bokal Bong Quibral sa media sa pagsasabi kay Labarro na huwag maging maselan at huwag masaktan dahil maaaring magkapareho lamang sila ng layunin ng hindi tinurang media, “maaaring katulad mo, ay naghahanap din sila ng katotohanan” pahayag ni BM Quibral kay COP Labarro.
SP’s STAND ON THE ISSUE
Nais isulong ng Sangguniang Panlalawigan na maregulate at maisaayos ang pagmimina sa bayan ng Paracale.
Ayun kay Board Member Gerry Quinonez, kinakailangang tukuyin ang pinakaugat ng problema at ito ang dapat na direktang tugunan.
Hindi rin naging kumbinsido ang Sangguniang Panlalawigan sa naging ulat ni COP Labarro dahilan sa matagal na umano ito subalit nitong mga huling araw na lamang gumalaw ang PNP. Nagsimula anila ito ng dalawampung (20) butas lamang subalit umabot na ito ng hanggang apat na raang butas.
Isa umano itong patunay na nagpabaya ang kapulisan doon kung bakit dumating sa ganitong napakadelikadong sitwasyon. Hindi rin naniniwala si Quinonez sa sinabi ng pulisya na pinatigil na ito gayung hanggang sa ngayon anya (Sept. 5, 2014, 7:00am) ay may mga nakakarating sa kanyang impormasyon na nagpapatuloy pa rin ito.
Bago pa man makapagsagawa ng lehitimo at legal na minahang bayan, kinakailangan muna umanong makapag convene ang Provincial Mining and Regulatory Board, PMRB na syang mag rerekomenda at tutukoy ng lugar kung saan itatalaga ang minahang bayan.
Ayun kay Quinoñez, matagal nang batas ang minahang bayan na naisabatas noon pang taong 1991, ang Republic Act 7076 o Peoples small scale mining act. Bukod pa sa tinutukoy sa ipinalabas na Executive Order mula kay Pangulong Benigno Aquino III na nagsasabing kinakailangang magtalaga ng minahang bayan para sa mga small scale miners at makapag latag din ng mga regulasyon para sa maayos na pagpapatakbo nito, partikular ang papaubaya nito sa itatatag na kooperatiba.
Hindi ito maisakatuparan sa lalawigan ng Camarines Norte dahilan na rin sa kawalan ng pag convene ng PMRB na pinamumunuan ng MGB sa napakatagal nang panahon.
Mismong si Vice Governor Jonah Pimentel ang nag mungkahi na tumungo na sila mismo sa Tanggapan ni DENR Secretary __________ Paje at kay MGB Director Leo Hasareno upang alamin kung ano maaaring gawin na dito ng nasabing mga pinuno ng ahensya. Kanila ding ipaparating ang sitwasyon ng kawalan ng pagkilos hinggil dito ng pang rehiyong tanggapan ng MGB na pinamumunuan ni OIC RD Rommel Pestaño.
Nangangamba ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan sa posibleng malaking disaster na mangyari sakaling magpatuloy pa ang ganitong uri ng pagmimina sa sito Maning.
Ayun pa kay Vice Governor Pimentel na maaari namang makapag hanap buhay sa pamamagitan ng pagmimina ang mga minero subalit hindi dapat na nakalagay sa alanganin ang kaligtasan ng mga ito.
Kung kayat kinakailangan anyang sa lalong madaling panahon ay mabigyan ito ng agarang aksyon bago pa man maging huli ang lahat.
Sa susunod na sesyon ng SP nakatakdang magpasa ng resolusyon si Bokal Gerry Quiñonez na humihiling ng pansamantalang pagpapatigil ng operasyon ng pagmimina sa nasabing lugar lalo pa’t panahon ngayon ng tag-ulan at lubhang mapanganib itong gumuho dahilan sa loose soil umano ang uri ng lupa na pinagmiminahan sa nasabing lugar..
Camarines Norte News