Sumuko na ngayong alas dos ng hapon, Sept. 5, 2014 ang rape suspect at nahaharap din sa kasong paglabag sa R.A. 9262 o anti-violence against women and their children na tumakas kamakailan mula sa Camarines Norte Provincial Hospital.
Magugunitang nitong madaling araw ng Miyerkoles, Sept. 3, 2014 habang nasa nasabing pagamutan, at ginagamot dahil sa pananakit ng tiyan, tumakas ang suspek mula sa silid nito at nalusutan ang mga nagbabantay na kapulisan.
Ang suspek ay sinampahan ng kaso paglabag sa RA9262 ng kanya mismong asawa dahilan sa diumano’y pananakit nito sa huli. Sumunod ang kasong 15 counts of rape sa diumano’y sariling anak nito na menor de edad.
Sa loob ng apatnapu’t-walong (48) oras ng pagtatago, nakarating pa ang suspek sa lalawigan ng Jomalig Island sa lalawigan ng Quezon. Mula doon, tumawag ito kay Ginoong Jun Velacruz ng Kabalikat Charity upang ipaabot ang kanyang intensyon ng pagsuko. Alas dos ng medaling araw kanina, nakabalik na rin sa bayan ng San Vicente ang suspek at doon nagpasundo. Sa tulong din ni Vice Governor Jonah Pimentel, nasundo ng sasakyan ang suspek ngayong hapon kasama ang Camarines Norte News.
Mula sa isang Barangay San Vicente, dumiretso ang grupo kay PNP Provincial Director Moises Cudal Pagaduan at dito ay pormal na sumuko ang suspek.
Binigyan payo na rin ni PD Pagaduan ang suspek na harapin ang kaso gayong patas naman ang magiging pagdinig ng korte hinggil sa kanyang mga kaso.
Binigyan-diin ng suspek na walang katotohanan ang ibinibintang sa kanyang panggagahasa sa sariling anak at posibleng gawa-gawa lamang umano ito ng kanyang asawa na una nang nagsampa sa kanya ng kaso, dahil sa pananakit.
Agaran na rin ibinalik sa San Vicente PNP detention cell ang suspek na inihatid pa mismo ni Ginoong Velacruz at ng Camarines Norte News.
Labis naman ang pasasalamat ng mga miyembro ng San Vicente PNP sa pagsuko ng suspek na labis ang naging pangamba sa kasong kanilang kakaharapin kung sakaling hindi na naibalik pa sa selda ang suspek.
Ricky Pera/Rodel Llovit
Camarines Norte News
Mahalagang paalala: Naniniwala po ang pahayagang ito na inosente ang akusado hanggat hindi napatutunayan ng korte.
Minarapat na din namin na hindi na ilagay ang pangalan ng suspek upang mas matiyak na hindi sya mahuhusgahan ng mga nakakakilala sa kanya.