Walang katotohanan ang napaulat na pagkamatay ng umaabot sa sampung mga minero sa Sitio Maning sa Bayan ng Paracale matapos umanong matabunan dulot ng malakas na pag ulan noong araw ng Sabado, Setyembre 13, 2014.
Kumalat ang mga text messages mula sa ilang mga residente ng bayan ng Paracale matapos na makitang nagsipagbabaan ang mga minero mula sa mismong mining site kasabay ang mga usap-usapan na gumuho ang ilang butas doon.
Subalit sa follow Up ng Camarines Norte News kay P/CInsp. Rommel Labarro, Hepe ng Paracale PNP, sinabi nito na walang katotohanan ang nasbing ulat ng pagkamatay ng minero, subalit Kinumpirma nito na nagsipag-babaan nga ang naturang mga minero dahilan sa matinding ulan nitong araw ng Sabado.
Una nang nabatid kay Punong Barangay Laguador ng Brgy Casalugan na umaabot sa humigit kumulang siyam na kilometro ang layo ng nasabing mining site mula sa centro ng Brgy Casalugan at aakyat pa umano sa matarik at maputik na hanggang 3 kilometro kung kayat lubha nga itong mapanganib sakaling malakas ang pag ulan.
Nabatid pa kay Labarro na kinumpirma ng kanyang mga tauhan sa checkpoint base sa mga dumaraan na nanggaling sa nasabing lugar na positibo nga na may gumuho na ilang balon sa minahan subalit wala naman anyang naiulat na natabunan o namatay. Nagbabaan lamang umano ang mga minero dahil sa lakas ng ulan at hangin hanggang sa nasira na ang ilang mga “butukan” o kubol na sinisilungan ng mga minero doon.
Samantala, habang sinusulat ang balitang ito ay napag alaman ng Camarines Norte News na nagbalikan nang muli ang mga minero sa lugar at muling nagpapatuloy ng kanilang pagmimina sa kontrobersyal na minahan.
Camarines Norte News