MAYOR DONG PADILLA NG JOSE PANGANIBAN, IPINALIWANAG SA SP ANG HINGGIL SA PAGKAKALAGAK NG NICKLE ORE SA KANILANG BAYAN!

MAYOR DONG PADILLA NG JOSE PANGANIBAN, IPINALIWANAG SA SP ANG HINGGIL SA PAGKAKALAGAK NG NICKLE ORE SA KANILANG BAYAN!

Ipinaliwanag ni Jose Panganiban Mayor Ricarte “Dong” Padilla sa Sangguniang Panlalawigan sa pamamagitan ng isang sulat ang may kaugnayan sa kontrobersyal na paglalagak ng Nickle Ore mula sa isang barkong napadpad sa sakop ng karagatan ng naturang bayan.

Minsan ng naging mainit ang nasabing usapin matapos na mapalagak ang nasabing mga mineral sa Brgy Larap ng Jose Panganiban na kinukwestyon ng  Sangguniang Panlalawigan sa umanoy kawalan ng koordinasyon sa kanila ng may-ari ng naturang Nickle Ore hanggang sa muli na itong maikarga sa barko palabas ng bansa.

Tinangka ring harangin ng Sangguniang Panlalawigan sa pamamagitan ng Mines and Geosciences Bureau na makalabas ang naturang produkto upang matiyak ang legalidad nito at kung may kinakailangang i-comply ito sa Pamahalaang Panlalawigan subalit mismong ang MGB na rin ang nagpahintulot dito kung kaya’t malaya itong nai-karga sa barko at naibiyahe na sa orihinal na destinasyon nito patungo sa bansang Tsina.

Kahapon, Sept. 16, 2014, sa regular na sesyon ng SP, inimbitahan dito si Mayor Padilla upang makapag bigay linaw hinggil sa ilang mga usapin.

Subalit bunsod ng ilang mga commitment ng alkalde sa nasabing araw, hindi nakadalo si Mayor Padilla sa nasabing sesyon at sa halip ay isang sulat ang ipinadala nito kaugnay ng mga paglilinaw hinggil sa pansamantalang paglagak ng Nickle Ore sa kanilang bayan.

Ayun sa sulat ni Mayor Dong Padilla,  July 7, 2014 nang tuluyang nang makaalis ang MV YUAN SHENG na kinalulunaran ng umaabot sa 55 libong metriko toneladang Nickle Ore patungo sa orihinal na destinasyon nito, sa bansang Tsina, walong buwan mula nang ito ay mailagak sa airstrip ng Barangay Larap ng Jose Panganiban.

Anya, sa loob ng nasabing panahon ng pananatili ng nasabing mineral sa kanilang Barangay wala man lang nagpakita para kwestyonin ang pananatili nito sa pag aapruba ng Pamahalaang Bayan ng ng Jose Panganiban sa paglagak nito sa kanilang bayan.

Hindi rin anya malinaw sa kampo ng alkalde kung ano ang layunin ng Sangguniang Panlalawigan kung bakit kinakailangan magbigay sya ng paglilinaw hinggil sa Nickle Ore gayung halos dalawang buwan na ang nakaraan mula nang ito ay mailabas na.

Muling binalikan ni Mayor Padilla ang simula ng isyu. Anya, noon pang mga unang araw ng buwan ng Disyembre, 2013 nang tumungo sa kanilang tanggapan ang isang Henry Peng na kumakatawan sa BOHAI TOP International Mining Company, kasama ang mga personahe mula naman sa PHILHUA Shipping. Ito ay para humingi ng permiso para makapasok ang isang na MV Ana Bo sa karagatang nasasakupan ng Jose Panganiban dahilan sa nasa bingit ito ng alanganin bunsod ng pagtagilid nito ng pasukin ng tubig ang barko. Karga nito ang umaabot sa 55,000 metriko toneladang nickle ore na mula umano sa bansang Indonesia patungo naman sa bansang Tsina. At dahil ang bayan ng Jose Panganiban ang pinakamalapit na daungan mula sa pinagkakalagyan ng barko, kung kayat sa kanila ito nakiusap na mailagak muna pansamantala ang kanilang mga kargmentong mineral.

Naging batayan ni Mayor Padilla sa kanilang pagtugon sa panawagan ng barko ang isinasaad sa Article 18(2) ng UNITED NATIONS CONVENTION ON THE LAW OF THE SEA (UNCLOS) at SOLAS O Safety of Life at the Sea Regulation V/7, at pagtugon din sa nakasaad sa IMO , International Maritime Organization na ang lahat anyang nabanggit ay pawang ang bansang Pilipinas ay isa sa mga lumagda.

Ayun sa alkalde, sa paniniwala umano ng kapitan ng barko na maibabalik na ang barko sa maayos nitong posisyon mula sa pagkakatagilid sa pag lagak sa Jose Panganiban ng umaabot lamang sa 20,000 metriko tonelada pang patuyuin, naglagak ito sa tanggapan ng ingat yaman ng Jose Panganiban noong December 16, 2013 ng halagang 500,000 piso bilang kabayaran sa Unloading and storage fee ng nasabing 20,000 metriko toneladang  mineral.

Hanggang sa tuluyan na ring pinasok ng tubig ang barko kung kayat panibagong request ang kanilang inarubahan para ibaba na rin sa Brgy Larap ang panibagong 35 MT Nickle ore upang patuyuin sa loob lamang ng 120 araw. Sub alit dahil na rin sa mga pagu-lan ng mga sumunod pang buwan, nito lamang buwan ng Mayo 2014 nang magpadala ang PHILHUA Shipping ng kanilang surveyor para idetermina na maaari na itong ikarga sa panibagong barko upang maipagpatuloy na ang paglalayag patungo ng orihinal nitong destinasyon.

Sinabi pa ni Padilla na bago pa man ito pinayagang maisakay sa panibagong barko na kukuha nito, hiniling pa nila sa DENR/MGB para maberipika o ma validate ang naturang mga mineral. Mismong si Mines and Geosciences Bureau regional director Theodore Rommel Pestaño ang dumating para personal itong tingnan at inspeksyunin.

Matapos itong bigyan ng clearance ng MGB ang mineral, doon lamang muling nagpataw ang ingat yaman ng LGU Jose Panganiban ng karagdagang Php 1,710,000.00. at matapos din na makakuha na ito ng clearance mula sa LGU, binigyan na rin ito ng clearance ng MGB matapos na makapagsumite ito ng Certificate of Origin mula sa Embassy of republic of Indonesia. At matapos din na makapag presenta ng Customs clearance, tuluyan na itong lumayag noong July 7, 2014.

Base anya sa lahat ng mga prosesong pinagdaanan, dokumento at obligasyon ay na-comply mula sa mga kinauukulang ahensya kung kayat wala silang nakikita nang anupamang problema hinggil dito.

Umaasa si Mayor Dong Padilla na natugunan nya ang lahat ng mga katanungan hinggil sa nasabing usapin.

SP TO RE-INVITE MAYOR PADILLA ABOUT THE ISSUE OF “KIKIL ORE”?

Sa kabila ng sulat na ipinadala ni Mayor Dong Padilla sa SP hinggil sa nasabing usapin, hindi pa rin ito naging sapat sa ilang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.

Matapos na basahin ng Secretary to the SP ang sulat ng alkalde, naglatag pa din ng katanungan si bokal Pol Gache hinggil sa kung bakit ito pinahintulutang makapaglayag ng hindi ipinapaalam sa Sangguniang Panlalawigan. Dumipensa naman si Bokal Mike Canlas sa pagsasabing malinaw nang nasagot sa sulat ni Mayor Padilla ang katanungan ni Gache. Hindi rin naman anya obligasyon ng Alkalde na ipaalam pa sa Sangguniang Panlalawigan gayung ito naman ay dumaong sa kanilang bayan, bukod pa sa lahat naman ng mga tamang proseso at obligasyon ay pinagdaanan base sa paliwanag sa sulat.

Tanong naman ni PCL President Bokal Jay Pimentel kung bakit hindi nabanggit ang issue ng “Kikil Ore” sa sulat ng alkalde.

Minsang ibinunyag ni Bokal Bong Quibral nitong mga nakatalikod na sesyon ang hinggil sa issue ng “Kikil Ore” na diumano’y tunanggap daw ng libo-libong halaga ng piso ang ilang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan mula sa kumpanyang nag mamay-ari ng Nickle Ore. Bagay na nais linawin ng Sangguniang Panlalawigan dahil ito anila ay walang katotohanan at makakasira ng institusyon ng SP.

Si Dating Gov. Roy Padilla ang nabanggit ni Bokal Bong na umano’y nagtanong sa kanya ng kung “nakadale” ito.. hindi rin malinaw kung ano ang tinutukoy sa nasabing diumano’y “tinanggap” mula sa diumanoy nakikil sa kung saan man.

Ito ay nagdulot ng samu’t saring espekulasyon at interpretasyon mula sa kung kani-kanino kung kayat minarapat ng SP na ipatawag si Mayor Dong Padilla na sinabi din ni Bokal Bong Quibral na maaaring makapagbigay ng linaw sa usapin.

Matapos nito, minarapat na lamang ng Sanggguniang Panlalawigan na irefer ito sa kometiba upang mapag-usapan ng husto kung kailangan pa ngang ipatawag muli si Mayor Padilla.

Matapos ang committee meeting, kinumpirma na rin sa Camarines Norte News ni Board Member Gerry na muli ngang iimbitahan si Mayor Padilla.

Samantala, minarapat ding kunin ng CN News ang panig ni Mayor Dong Padilla hinggil sa kung ito ay muling dadalo sa ikalawang pagpapatawag ng SP.

Napangiti lamang ang alkalde at sinabi nito na walang binanggit na issue ng “kikil ore” sa sulat-imbitasyon na ipinadala sa kanya ng SP  kung kayat wala naman syang dapat na banggitin hinggil dito sa kanyang sulat.

Wala naman anyang masama kung muli syang iimbitahan  ng iginagalang nyang Sangguniang Panlalawigan subalit wala din naman itong binanggit na kung dadalo o hindi sakaling muling imbitahan, depende na lamang anya ito sa schedule ng kanyang mga mahahalagang trabaho bilang alkalde sa kanilang bayan.

Sa ngayon anya ay nakatuon ang kanyang atensyon sa kanyang mga trabaho bilang alkalde ng bayan ng Jose Panganiban at kung papano makakapagdala ng mga programang mag-aangat sa kalidad ng kabuhayan ng mga mamamayan doon. Marapat lamang anya na dito nya gugulin ang kanyang mahahalagang oras sapagkat ito ang kanyang sinumpaan sa kanyang mga kababayan.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *