PAROLA, ELEKTRIPIKASYON, TELEKOMUNIKASYON PARA SA CALAGUAS ISLAND, PINUPURSIGE NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN!

PAROLA, ELEKTRIPIKASYON, TELEKOMUNIKASYON PARA SA CALAGUAS ISLAND, PINUPURSIGE NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN!

PHOTO by: Sherwin Cañamero/Northlink Travel & Tours

Inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Camarines Norte ang resolusyong paglalagay ng lighthouse sa Calaguas Island ng bayan ng Vinzons.

Layunin ng SP resolution No. 256-2014 na humihiling sa Department of Transportation and Communications (DOTC) ng pondo para sa pagtatayo ng isang lighthouse na may view deck sa naturang lugar.

Ito ay upang maiwasan ang mga maaaring aksidente sa dagat kung mayroong lighthouse na magbibigay liwanag at gabay rin sa mga naglalayag sa gabi.

Magiging fog signal din umano ito upang mabigyang babala ang mga mandaragat lalo na sa panahon na mababa ang visibility dahil sa masamang panahon at magsisilbi na ring reference para sa mga mariners.

Maliban pa dito, inaprubahan din ng sangguniang panlalawigan ang Resolution No.. 291-2014 na humihiling sa Smart Communication, Inc. na maglagay ng isang repeater sa Brgy. Mancauayan na sakop pa rin ng naturang bayan.

Inaasahang mas makakahikayat ito ng mas maraming turista dahil kahit malayo sila sa kanilang pamilya at mga kaibigan ay tuloy-tuloy pa rin ang kanilang linya ng komunikasyon.

Sa kasalukuyan ay mahina hanggang sa wala ang signal ng anumang telecommunication line sa nasabing isla. Kinakailangan pang umakyat sa mataas na bundok bago makasagap ng signal ang mga pumunta sa naturang lugar.

Matatandaan na nagkaroon ng pagpupulong ang Sangguniang Panlalawigan at mga tour operators, tourist guide, mga may-ari ng resort at iba pang kinauukulan kung saan nangalap sila ng mga impormasyon, opinyon, ideya at suhestiyon na maaari nilang magamit para sa pagbalangkas ng isang ordinansa na magregulate sa tourism activities sa lugar.

Samantala, idinulog naman kamakailan ni Gobernador Edgardo A. Tallado kay Sec. Carlos Jericho L. Petilla ng Department of Energy (DOE) ang liham panukala upang bigyang prayoridad ang paglalaan ng pondo para sa elektripikasyon ng Calaguas Group of Islands.

Inaasahan ng gobernador na mabigyan ang kanyang kahilingan dahil ang Calagauas Island ay nasa talaan na ng Department of Tourism (DOT) bilang isa sa pinakamagandang isla sa bansa at pinagtutuunan na ng naturang ahensiya kung saan ay nagpapatuloy dito ang kontruksiyon ng Causeway.

Ang Calaguas Island ay nangauna sa Top 10 Philippine Gems sa isinagawang on-line voting noong nakaraang taon ng 2013.

Naging dahilan din ito para mas lalong tumaas ang bilang ng mga lokal at dayuhang turista na dumarayo sa lugar na unang tinaguriang bilang Virgin Island Paradise at isa sa pinakanatatagong likas-yaman ng Camarines Norte.

Sa ngayon ay patuloy ang pagkilos ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan na rin ng Provincial Tourism Office at ng Sangguniang Panlalawigan upang mas lalo pang mapalakas ang turismo sa Camarines Norte na inaasahan ding mag aangat sa kabuhayan ng mga mamamayan sa nasabing lugar at gayundin ang ilang mga lokal na mamumuhunan sa Camarines Norte.

Reyjun Villamonte/Rodel llovit

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *