BILANG NG MGA NAGPAREHISTRO PARA SA SK ELECTIONS SA BAYAN NG DAET, INILABAS NA NG COMELEC-DAET!

BILANG NG MGA NAGPAREHISTRO PARA SA SK ELECTIONS SA BAYAN NG DAET, INILABAS NA NG COMELEC-DAET!

Inilabas na ng Commission on Elections (COMELEC) sa Bayan ng Daet ang kabuuang bilang ng mga nagparehistrong kabataan mula Setyembre 20-29, 2014 para sa isasagawang ng Barangay Sangguniang Kabataan (SK) elections sa darating na Pebrero 21, 2015.

Sa datos ng COMELEC-Daet, umabot sa 2,365 na mga kabataang may edad na 15-17 taong gulang ang nagparehistro ngayong taon. Ayon kay Atty. Francis Nieves, COMELEC election officer ng naturang bayan, bahagya umanong bumaba ang bilang na ito kumpara sa 2,585 na nagparehistro noong July 22-31, 2013.

Ang sinasabing dahilan ng pagbaba ng bilang ay ang pagdagdag ng edad ng 1,124 na mga nakarehistro noong 2013 na hindi na maaaring makaboto para sa SK bunga na rin ng pagpapaliban ng COMELEC sa 2013 SK elections.

Sa ngayon ay wala pang inilalabas na impormasyon ang COMELEC hinggil sa pagkakaroon ng dagdag na panahon para sa pagpaparehistro ng mga kabataang nagnanais pa ring makaboto.

Sa naging pahayag naman ni Atty. James Jimenez, tagapagsalita ng COMELEC, magugunitang hiniling nila sa mga mambabatas ang muling pagpapaliban sa 2015 SK elections dahil sa kakapusan sa oras para naman mapaghandaan ang pambansa at lokal na halalan sa taong 2016.

Dagdag pa rito, iminungkahi din ng ilang sektor ng lipunan na muling pag-aralan ang mga probisyon at saligang nakapaloob sa SK dahil sa ilang kontrobersiyang kinasangkutan nito tulad ng katiwalian na hindi dapat umanong maipamulat sa mga kabataan.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *