Matagumpay na naisagawa ang triathlon na isa sa mga inaabangang aktibidad nitong Oktubre 1, 2014 na kabilang sa pagdiriwang ng 13th Mambulawan Festival sa Bayan ng Jose Panganiban.
Ang nabanggit na pampalakasan ay kinabibilangan ng paglangoy na may distansyang 200 metro, pagbisikleta ng 8 kilometro, at pagtakbo ng 4 kilometro. Hinati sa 3 kategorya ang paligsahan na kung saan ang Category A ay nilahukan ng mga manlalarong may edad mula 18-39 na taong gulang, Category B na may edad na 17 taong gulang pababa, at Category C na may edad 40 na taong gulang pataas.
Itinanghal namang wagi sa patimpalak sa Category A si Dave de Vera, 25 taong gulang, mula sa South Poblacion, sinundan naman ito ni Clint Abraham, 18 taong gulang, mula sa North Poblacion, at Kenneth Villanueva, 18 taong gulang ng Barangay Parang para sa ikatlong pwesto.
Si Renzo Abraham naman, 17 taong gulang na mula sa North Poblacion ang nanguna sa Category B, na sinundan ni Namie John Tocunrenre, 17 taong gulang ng South Poblacion, at Jason Dela Rosa, 17 taong gulang ng Barangay Bagumbayan sa ikatlong pwesto.
Nanguna naman sa Category C si Ivan Cano, 40 taong gulang ng Barangay Sta. Milagrosa. Pumangalawa si Ruben Bobier, 49 na taong gulang ng Barangay Sta. Cruz, at Pumangatlo si Eduardo Blanaz, 40 taong gulang ng Barangay Parang.
Ang mga nagwagi ay nakatanggap ng P2,000 para sa unang pwesto, P1,500 sa pangalawa, at P1,000 sa pangatlo.
Lubos namang pinasalamatan ni Mayor Ricarte “Dong” Padilla ang lahat ng nakiisa at lumahok sa paligsahan. Anya, malaki ang maitutulong ng mga ganitong aktibidad upang lalong magbigay sigla sa ating pangangatawan. Kaugnay nito, patuloy na inanyayahan ng alkalde ang mga kababayan sa mga susunod pang mga aktibidad at patimpalak na tatagal hanggang ika-9 ng Oktubre 2014.
Camarines Norte News