Nabawi na ng Civil Service Commission – Camarines Norte ang mga kagamitang ninakaw sa kanila noong madaling araw ng ika-18 ng Setyembre sa kalakasan ng ulan.
Naitala sa pulisya ang mga natangay ng mga magnanakaw ang 2 scanner, 2 printer, 1 Uninterrupted Power Supply, UPS, 1 malaking Computer Monitor, 1 set ng speaker, 2 fire extinguisher at maging ang water dispenser.
Kinabukasan din nakuha sa mismong tapat ng opisina ang mga Central Processing Unit (CPU) na hindi na nabitbit ng mga kawatan.
Sa panayam ng Kadamay Network PBN-DZMD sa CSC – Camarines Norte Provincial Director, Cecilia Balmaceda, agaran ding nakuha ang naturang mga gamit ilang araw matapos ang panloloob sa kanilang opisina.
Ilan sa mga ito ay nakita sa ilang pinagtaguang lugar at iniulat na lamang ng mga residente sa pulisya. Maging ang mga bahay na pinag iwanan at pinag bentahan ng nasabing mga ninakaw na kagamitan ay kusa ring ibinalik sa pulisya.
Hindi rin naman nasampahan ng kaso ang mga sangkot sa pagnanakaw matapos na mabatid na pawang mga menor de edad na kabataan ang may kagagawan ng nasabing krimen.
Sinabi ni Balmaceda na kinakailangan talaga anyang palakasin ang mga programa ng lokal na pamahalaan sa mga kabataan upang maiwasan na masangkot ito sa ganitong uri ng mga Gawain sa kanilang murang edad hanggang sa pag laki ng mga ito.
Sa ngayon, tiniyak na rin ng naturang opisyal na maayos na ang mga lock ng kanilang opisina upang hindi na maulit pa ang naturang panloloob.
Camarines Norte News