Pormal nang pinasinayaan nitong nakatalikod na Oktubre 2, 2014 ang bagong gawang gusali ng PNP sa bayan ng Jose Panganiban Camarines Norte. Personal na dumalo si P/Chief Supt. Victor Deona, Regional Director ng PNP sa rehiyong Bicol sa nasabing turn-over ceremony ng nasabing gusali. Bukod sa gusali, pormal na ring ipinagkaloob ni Dir. Gen. Deona ang 7 service pistol (Gloc 17) para sa nalalabi pang kulang nab aril para sa nasabing himpilan ng pulisya.
Sa mensahe ni Mayor Dong Padilla, labis itong nagpasalamat sa mga opisyal ng Pulisya sa suportang ibinibigay ng pulisya sa kanyang mga kababayan sa Jose Panganiban na nagiging dahilan ng patuloy na kapayapaan at kaayusan sa kanyang bayan. Aminado ang alkalde na hindi kaya ng kapulisan lamang at ng pamahalaang lokal lamang ang pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa isang lugar. Naniniwala si Padilla na malaki ang papel na ginagampanan ng lahat ng panig maging ng mga mamamayan para sa isang mapayapang bayan.
Sa kabila ng mga pagsubok ngayon na kinakaharap ng ilang mga miyembro at opisyal ng pulisya sa bansa, dahil sa mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng mga ito, malakas pa rin ang tiwala ng alkalde sa kapulisan at naniniwala din ito na iilan lamang ang mga pulis na nasasangkot sa katiwalian at mas marami pa rin ang mabubuting pulis na patuloy na nag lilingkod ng tapat sa kanilang mga kababayan.
Hindi lang naman anya sa kapulisan ang nasasangkot ngayon sa mga kontrobersiya, kundi maging ang mga kapwa nya mga halal na opisyal katulad ng ilang senador, bise presidente at ilan pang nasa posisyon sa pamahalaan.
Sa ganitong sitwasyon anya, hindi dapat na mademoralized ang pulisya mga lingcod bayan at mamamayan, bagkus ayun kay Mayor Padilla, isa itong hamon para mas lalong pagbutihin ng kanilang mga hanay ang paglilingkod ng tapat sa kapwa. Isa sa nakikitang dahilan ng alkalde sa pagkakasangkot ng ilang pulis sa katiwalian ay ang kakulangan sa kompensasyon. Kung kayat mainam anya ang isinusulong ngayon ng ilang mambabatas na taasan ang kompensasyon sa mga kapulisan upang maitaas ang kanilang dignidad at moral. Ang pagpapatayo ng bagong himpilan ng pulisya ay magdudulot sa kanilang mga kapulisan upang ma-inspire at pagbutihin lalo ang paglilingkod.
Hiniling din ng alkalde na sana ay mawala na ang dating kaisipan ng mga mamamayan na kapag may nakitang pulis ay merong pulis ay nagkakaroon ng takot ang mga mamamayan, sa halip marapat anya na mabago na ito na kapag may nakitang pulis ay mapapalagay ang kalooban ng mga mamamayan.
Buong-buo ang tiwala ni Padilla sa kapulisan na malaki pa ang pag-asa na maituwid ang lahat sa pamamagitan ng napakarami pang miyembro ng kapulisan na matapat sa kanilang mga tungkulin.
Samantala, sa kanyang mensahe, hindi naitago ni P/Chief Supt. Deona, ang pag hanga kay Mayor Ricarte “Dong” Padilla sa suporta at tiwala nito sa kapulisan. Labis ang pag hanga ng nasabing ooisyal sa alkalde dahilan sa tiwala nito sa kapulisan sa kabila ng mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng ilang miyembgro ng kapulisan sa bansa.
Maliban sa gusali at mga baril para sa kapulisan na ipinagkaloob ng kapulisan sa bayan ng Jose Panganiban, dala na rin ng naturang opisyal ang karagdagan pang anim na put apat (64) na service pistol para sa iba pang mga himpilan ng pulisya sa lalawigan.
Umaabot sa kabuuang 71 ang baril na ipinagkaloob ni Deona para sa Camarines Norte. Ayun sa kanya, ngayon buwan din ng Oktubre, darating na rin ang pitumput-walo (78) pang mga baril na kukumpleto na para sa lahat ng mga pulis sa lalawigan na wala pa ring isyu ng baril hanggang sa kasalukuyan.
Maliban dito, inaasahan pa rin ang mga bagong sasakyan na ipagkakaloob din ng pulisya sa mga bayan sa buong rehiyon at kasama na dito ang jose Panganiban at ilang bayan sa probinsya.
Inihahanda na rin ang panibagong gusaling ipatatayo sa Provincial Police Office na nagkakahalaga ng sampung milyong piso (10M).
Sa pamamagitan ng mga programang ito, sinabi ni Police Regional Director Deona na ito ay magsisilbing inspirasyon para sa mga kapulisan ng rehiyon upang tumaas ang kumpiyansa, moral at dignidad ng mga kapulisan upang mas maging epektibong tagapagpatupad ng batas at maproteksyunan ang mamamayan.
Hinikayat nito ang kanyang mga kapulisan na huwag paapekto sa mga nangyayari sa kanilang mga kapwa pulis, bagkus mas lalo pang pagbutihin ang kanilang paglilingkod.
Sa ngayon anya ay patuoy ang kanilang mga isinasagawang pagbabago sa kapulisan at maging sa mga Sistema upang mas maging epektibo sa kanilang trabaho.
Samantala, nagbigay din naman ng kanyang mensahe si P/Supt Moises Cudal Pagaduan at nagpasalamat sa kanyang mga opisyal at mga opisyal din ng bayan ng Jose Panganiban.
Camarines Norte News