Tiklo ang isang Dino Malonzo, may asawa at nasa wastong gulang matapos salakayin ng mga otoridad ang tirahan nito sa Purok 3, Barangay 1, Mercedes Camarines Norte nitong gabi ng Oktubre 8, 2014. Pinangunahan ang operasyon ng mga operatiba mula sa Mercedes Municipal Police Station sa pangunguna ni Senior Inspector Rogelyn P. Calandria at Philippine Drug Enforcement Agency – Camarines Norte sa pamumuno naman ni Enrique Lucero.
Bitbit ang Search Warrant # D-2014-24 na ipinalabas ni Hon. Judge Arniel Dating ng Regional Trial Court (RTC) Branch 41, ay hinalughog ng mga otoridad ang bahay ng suspek. Dito natagpuan ang 6 na piraso na maliliit na plastic sachet ng pinaghihinalaang shabu na may timbang na humigit kumulang .5 na gramo ang bawat isa, 5 piraso ng malalaking plastic sachet ng suspected shabu na may timbang na humigit-kumulang 10 gramo bawat isa, 1 Caliber 45 Pistol Armstrong with magazine, 40 pieces live ammunition of Cal. 45, 1 bundle ng plastic na gagamitin para sa repacking, 1 digital weighing scale, at isang gunting.
Ayon sa mga alagad ng batas ay matagal na umanong inirereklamo ang naturang suspek ng mga kabarangay nito sa Mercedes dahil sa nasabing ilegal na gawain. Napag-alaman namang may nauna nang kaso si Malonzo na paglabag sa Republic Act 9165 – Sec.11 o ang “Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002” ngunit nakalaya ang suspek matapos magpiyansa sa halagang P200,000.
Sa ngayon ay muling sinampahan ng parehong kaso si Malonzo, subalit ngayon ay posible nang maging “No Bail” dahil sa dami nang nakuhang shabu. Sinampahan din ng kasong Illegal Possession of Fire Arms and Ammunition ang suspek dahil na rin sa nakuhang mga bala at hindi lisensyadong baril.
(Note: Ang pahayagang ito ay naniniwalang mananatiling inosente ang akusado hangga’t walang inilalabas na pasya ang korte.)
Camarines Norte News