Patuloy ang ginagawang pagpapaigting ng kampanya ng Camarines Norte Provincial Police Office (CNPPO) sa pangunguna ni PS/Supt. Moises C. Pagaduan ukol sa illegal mining sa lalawigan, partikular na sa mga bayan ng Labo, Paracale, at Jose Panganiban. Sa inilabas na datos ng CNPPO, umaabot na sa 78 katao ang naaresto at 21 kaso na ang naisampa laban sa ilegal na pagmimina sa naturang 3 bayan.
Ayon pa rin sa ahensya, isa sa kanilang pinagtutuunan ng pansin ngayon ay ang Sitio Maning, sa Brgy. Casalugan, Bayan ng Paracale na kung saan mayroong bagong minahan ng ginto ang ginawa. Kaugnay nito, 10 operasyon na ang isinagawa ng Paracale Municipal Police Station sa naturang lugar kung saan 26 na katao ang naaresto at pitong kaso na ang naisampa sa korte dahil sa illegal small scale mining.
Naglabas naman ang Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Resolution Number 430-2014 na nag-uutos sa Acting Provincial Director ng CNPPO na agad na mapahinto ang small scale mining sa Barangay Casalugan, Paracale. Dahil dito, nagsagawa ng pagpupulong nitong Setyembre 29, 2014 na dinaluhan ng ilang matataas na opisyal ng Provincial Police Office, ilang hepe ng kapulisan, at investigation team ng Police Non Commission Officer (PNCO) ng tatlong bayan na may pangunahing kabuhayan na pagmimina.
Sa naturang pagpupulong ay pinag-usapan ang mga kaukulang hakbang na kailangang gawin upang ma-resolba ang mga nabatid na ilegal na paghahanapbuhay. Kaugnay nito, kasalukuyan nang bumubuo ang CNNPO ng Localized Anti-Criminality Action Plan (LACAP) na tututok sa mga ilegal na pagmimina sa buong lalawigan, partikular na sa Sitio Maning katuwang ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) na siyang ahensyang mangunguna nito. Ito rin ang tutukoy sa mga ahensya ng pamahalaan na magpapatupad sa mga naturang resolusyon, katuwang ang Local Government Units at ang Provincial Mining Regulatory Board ayon sa nakasaad sa LACAP.
Nakatakda namang isagawa ang isa pang pagpupulong kasama ang mga ahensya ng pamahalaan na kasama sa LACAP upang pag-usapan ang mga posibleng maging aksyon laban sa ilegal na pagmimina sa probinsya.
Matatandaang nauna nang itinanggi ni PS/Supt. Moises C. Pagaduan ang isyu ng suhulan hinggil sa ilegal na pagmimina. Pinatunayan ito ng ilang kampanyang isinasagawa ng kanyang tanggapan tulad pagkakaroon ng information dissemination campaign ng Paracale – MPS na nagpapaabot sa mamamayan ukol sa panganib na dala ng hindi maingat na pagmimina. Patuloy din nitong hinihimok ang publiko na kaagad na iulat sa kanilang tanggapan ang anumang uri ng ilegal na Gawain.
Bukod sa illegal mining, Mariin din naging paninindigan ni Pagaduan na labanan ang iba pang ilegal na aktibidad, tulad ng illegal logging at illegal use of explosives.
(photo credits: Camnorte Ppo Facebook account)
Camarines Norte News