Mahigpit ang naging babala ni Konsehal Felix Abaño, Chairman ng Committee on Peace & Order sa Bayan ng Daet kaugnay sa mga menor de edad na madalas umanong nasusumpungan sa mga bahay-inuman.
Sa ginawang panayam ng Kadamay Network PBN-DZMD kay Konsehal Abaño, sinabi nitong maging siya mismo ay nakakatanggap ng mga impormasyon hinggil sa mga kabataang nag-iinuman habang nakasuot pa ng uniporme sa eskwelahan, partikular sa bahagi ng Barangay Cobangbang kung saan halos tago ang mga bahay-inuman.
Dagdag pa ng konsehal na 4 na beses na umano niyang pinagsabihan ang Philippines National Police (PNP) Daet kaugnay ng naka-aalarmang usapin, subalit nagpapatuloy pa ring nagaganap ang naturang gawain.
Dahil dito, binigyang diin ng konsehal na wala na umanong magiging warning pa sa mga susunod at agad na ipadarakip ang mga estudyanteng mahuhuli at maaaring maipasarado ang establishimento at masampahan ng kaso ang nag mamay-ari nito sakaling mapatunayan na makailang ulit na itong nagiging maluwag sa pagpapainom sa mga menor de edad.
Magpapatupad din umano ng surveillance sa ilan pang mga restobars sa Bayan ng Daet at ang mahuhuli sa unang pagkakataon ay bibigyan ng paunang warning. Papatawan naman ng kaukulang parusa ang mga may-ari ng bahay-inuman na masasangkot sa ilan pang mga pagkakataon ayon na rin sa nakasaad sa existing Municipal Ordinance.
Camarines Norte News