PAGPAPASUSPINDE SA MATATAAS NA OPISYAL NG CAMARINES NORTE, IBINASURA NG OMBUDSMAN!

PAGPAPASUSPINDE SA MATATAAS NA OPISYAL NG CAMARINES NORTE, IBINASURA NG OMBUDSMAN!

Hindi pinayagan ng Ombudsman ang kahilingan na pansamantalang masuspinde sina Governor Edgardo Tallado, Vice Gov. Jonah Pimentel at anim pang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.

Ang Motion for Preventive Suspension ay kaakibat ng kasong Grave Abuse of Authority and Grave Misconduct na isinampa ni Ginoong Agapito Sale, may ari ng smoke emission center sa lalawigan ng Camarines Norte matapos na magpasa ng isang resolusyon ang SP na nagpapahintulot sa Pamahalaang Panlalawigan na makapagtayo ng kahalintulad na edipisyo.

Ayun sa nagrereklamo, ang pagtatayo ng government-owned smoke emission testing center ay paglabag sa umiiral na Temporary Restraining Order na ipinalabas ng Regional Trial Court sa pagtatayo ng nasabing edipisyo sa lalawigan ng Camarines Norte at sa polisiya ng Department of Trade and Industry na naglilimita sa bilang ng pribadong smoke emission testing center na makapag operate sa bawat probinsya.

Nais ipasuspinde ng kampo ni Sale sina Gobernador Edgardo Tallado, Vice Gov. Jonah Pimentel, Board members Rodelfo Gache, Romeo Marmol, Gerardo Quiñonez, Renee Herrera, Pamela Pardo, Joaquin Emmanuel Pimentel at dating SK Provincial President Gladiola Villagomez. Ito ay sa paniniwalang ang reklamo laban sa mga ito (a) ay may malakas na ebidensya, (b) na ang mga ebidensya ay maaaring mapakialaman o mabago ang (c) sa posibilidad na matakot o maimpluwensyahan ang mga testigo laban sa mga ito.

Ang mga rason na ito at ang kahilingan ay tuluyang ibinasura ng Ombudsman sa kawalan ng sapat na kadahilanan at batayan.

Ayun sa Ombudsman,  sa ilalim ng Section 20 ng RA 6770 (The Ombudsman Act of 1989), na ipinatutupad ng Section 9, Rule III of Administrative Order No. 7 (Rules of Procedure of the Office of the Ombudsman), ang mga inirereklamo ay ay maaari lamang na masuspinde habang dinidinig ang kasong administratibo kung at kung lamang ang ebidensya ay malakas at (a) kung ang kaso laban sa akusadong kawani o opisyal ay may kaugnayan sa dishonestyoppression o gross misconduct, o gross neglect of the performance of duty; o (b) kung ang reklamo ay nangangailangan ng pagkatanggal sa serbisyo (c) kung ang pananatili ng mga nasasangkot sa tungkulin ay makakaapekto sa patas na pagdedesisyon sa kaso laban sa kanila. Sinabi ng Ombudsman na ang tatlong nabanggit na usapin ay kinakailangang presente upang maipataw ang preventive suspension.

Patungkol naman sa ipinalabas na writ of preliminary injuction ng RTC Daet, Camarines Norte, iginigiit ng kampo ni Ginoong Sale na malakas umano ang kanilang ebidensya. Gayunpaman, ayun sa Ombudsman na ang nasabing kaatasan ay didirekta sa Department of Trade and Industry at papatungkol sa operasyon ng smoke emission testing centers. At gayung ang mga akusado ay hindi naman mga kawani ng DTI at ang emission testing center na kanilang binibigyan ng awtorisasyon base sa kanilang resolusyon ay lumalabas na isang pag-aari ng gobyerno, ang alegasyon na may malakas na ebidensya laban sa akusado ay nangangailangan pa ng kumpirmasyon.

Bilang karagdagan, ang reklamo ay nabigong magkaroon ng sapat na batayan na ang pananatili sa posisyon ng mga inirereklamo ay makakaapekto sa isinasagawang imbestigasyon sa kaso. Wala rin umanong nakikitang indikasyon na ang mga akusado ay tinangkang i-tamper o pakialaman ang mga ebidensya, o pinagbantaan ang nagrereklamo o/at ang kanyang saksi na huwag magsalita laban sa kanila. Sa katunayan umano, nagawa pang makakuha ng mga ebidensya na kanyang mga kinakailangan ng nagrereklamo.

Kung kayat, bunsod nito, ang kahilingan para sa pansamantalang pagpapasuspinde sa mga nasasangkot ay ibinasura sa kawalan ng sapat na batayan.

Ang naturang desisyon ay nilagdaan ni Margie G. Fernandez-Calpatura, Reviewing GIPO III and head, Zero Backlog Unit na inaprubahan naman ni Ombudsman Conchita Carpio Morales.

Samantala, hanggang sa kasalukuyan ay nagpapatuloy pa rin ang pagdinig sa naturang kasong administratibo at umaasa ang mga akusado na tuluyan na ring maibabasura ito, kasunod ng hindi pagkatig ng Tanod-bayan sa Motion for Preventive Suspension laban sa kanila.

Magugunitang nagpasa ng resolusyon ang Sangguniang Panlalawigan na nagbibigay pahintulot sa pamahalaang panlalawigan na makapagpatayo ng smoke emission testing center bilang tugon sa matagal nang reklamo ng mga motorista hinggil sa kakulangan ng nasabing edipisyo sa lalawigan na nagiging dahilan ng mabagal na proseso ng pagrerehistro ng mga sasakyan sa lalawigan ng Camarines Norte.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published.