Huli ang dalawang katao sa Barangay Malasugui, sa Bayan ng Labo matapos ang isinagawang Search Warrant sa isang bahay na pagmamay-ari ni Herman Maigue dakong 5:30 ng umaga ng Oktubre 16, 2014.
Sa isinagawang operasyon ng pinagsamang pwersa ng Philippine National Police (PNP) – Labo sa pangunguna ni PSupt. Geoffrey Naavida Fernandez, Acting Chief of Police, Regional Special Operations Group (RSOG), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), CNIDT, ilang personahe ng CNPIS, kinatawan ng Department of Justice (DOJ), media, at Punong Barangay ng Malasugui ay inihain sa mga suspek ang Search Warrant Number D-2014-25 mula kay Hon. Judge Arniel A. Dating, Branch 41, sa Bayan ng Daet.
Ito ay nagresulta sa pagkasamsam ng mga operatiba sa mga sumusunod na kagamitan:
- labing walo (18) na small heated transparent plastic sachets na naglalaman ng white crystalline substance;
- isang (1) pack ng assorted drug paraphernalia na pinaghihinalaang gagamitin sa “pot session” at repacking na nakalagay sa isang bote;
- isang (1) digital weighing scale
- isang (1) cellular phone, at identification cards.
Kinilala ang mga suspek na si Herman Maigue Y Dela Torre ng Barangay Malasugui, Labo, Camarines Norte, at Gasoli Ampaso Y Balindog ng Barangay Malabang, Lanao Del Sur.
Dinala ang mga naturang ebidensya sa Provincial Crime Laboratory Office upang suriin at inihahanda naman upang sampahan ng kasong paglabag sa R.A. 9165 o “Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002” ang dalawang suspek at kasalukuyang nasa pangangalaga ng PNP-Labo. Patuloy naman ang isinasagawang operasyon ng naturang ahensya sa patuloy na pagsugpo sa mga ipinagbabawal sa droga.
(Photo Credits: Pulis Labo Cam Norte Facebook account)
Camarines Norte News