Ipinag-utos na ni PNP Regional Director Gen. Victor Deona ang pagbuo ng isang special investigating body para sa misteryosong pagkawala ng maybahay ni Governor Edgardo Tallado ng lalawigan ng Camarines Norte.
Nawala si Mrs. Josie Tallado at ang kasama nitong si Darlene Francisco matapos na hindi na makauwi ang mga ito mula sa bahay ni Francisco sa Brgy III, Bayan ng Vinzons nitong nakatalikod na Biyernes, Oct. 17, 2014.
Ayun sa police escort ng unang ginang na si PO1 Michael Lubiano Y Cabiles, pinaiwan sya sa nasabing bahay, dahil kakain lamang ang dalawa sa labas, sinabing babalik din naman agaran ang dalawa bago mag alas siete ng gabi, subalit labis ang naging pag alala ni PO1 Lubiano nang lumagpas na ang itinakdang araw ay hindi pa rin nakakabalik si Ginang Tallado At Bb. Francisco. Pilit na tinatawagan ng police escort si Darlene subalit hindi na ito sumasagot sa telepono. Hanggang inabot ng umaga, ay patuloy ang pagtatawag nito, subalit nabigong itong makakuha sa tugon sa kabilang linya.
Alas 9 ng umaga, araw ng sabado isang tawag ang tinanggap ni PO1 Lubiano mula sa Police Escort ni Governor Tallado na si PO3 Rico Asuncion na nagsabing natagpuan ang sasakyan na ginamit nina Ginang Tallado sa Brgy Napolidan, Lupi Camarines Sur subalit wala na ang mga sakay nito.
Ayun sa Lupi PNP, isang bystander ang dumulog sa kanilang himpilan at ipinaabot ang impormasyong may abandonadong sasakyan (Biack Fortuner) sa nasabing lugar na may plakang PRI 774. Sa pagsisiyasat ng pulisya, nabatid na ito ay nakarehistro sa isang Josefina Baning Tallado, Ginang ng Gobernador ng Camarines Norte.
Nakita sa loob ng abandonadong sasakyan ang tatlong palito ng posporo, isang unan (cotton throw pillow) na inilublob sa gasoline (flammable substance).
Hanggang kahapon araw ng Linggo ay hindi pa nagbigay ng opisyal na pahayag sa media si Gobernador Tallado hinggil sa naturang kaganapan. Anya, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya at sinabing possible ngayong araw na, Lunes, alas dies ng umaga ay magpapatawag ito ng press conference upang makapagbigay ng opisyal ng pahayag hinggil dito.
Nabatid din na mismong ang regional office ng Philippine National Police ay pumasok na rin sa imbestigasyon para sa mabilisang pagkakaresolba ng sitwasyon.
Abangan ang update sa Camarines Norte News mamaya lamang pagkatapos ng Press Conference na ipapatawag ng gobernador.
CNNews