Sa ginanap na sesyon ng Sangguniang Bayan ng Daet kahapon, Oktubre 20, 2014, ipinaliwanag ng Area Coordinator ng KALAHI-CIDSS-NCDDP sa katauhan ni Maria Estinelle Amaro Salimbuhay ang mahahalagang impormasyon tungkol sa KALAHI CIDSS-NCDDP o Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan- Comprehensive and Integrated Delivery of Social System- National Community-Driven Development Program, na isa sa mga programa ng Gobyerno ng Pilipinas na naglalayong tugunan ang kahirapan, na ipatutupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon pa kay Ginang Salimbuhay, ang NCDDP ay kasalukuyang iniimplementa sa 847 munisipalidad, 43 lalawigan, at 14 na rehiyon ng Pilipinas. Dagdag pa niya na ang NCDDP ay ekspansyon ng Community Driven Development (CDD) approach na isinasagawa na ng KALAHI-CIDSS simula pa noong taong 2003.
Ang focus aniya ng NCDDP ay Community-Driven Development(CDD) kung saan ay magkakaroon ng community empowerment. Ang DSWD ay nagrecruit ng mga kawani o mga technical staff na binubuo ng area coordinator, deputy area coordinator, financial analyst at community empowerment facilitator na siyang magiging katuwang ng lokal na pamahalaan upang magpadaloy sa bawat barangay at alamin ang kanilang mga pangangailangan.
Aniya, dito sa Daet ay nakatutok sa disaster preparedness ang nasabing programa at nagpasimula na rin sila ng mga gawain. Sa kasalukuyan ay nagkakaroon ng disaster needs analysis at katuwang nila ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa gawaing ito.
Magkakaroon ng Municipal Orientation sa October 28, 2014 na magaganap sa Little Theater sa bayan ng Daet. Ito ay dadaluhan ni Mayor Tito Sarion, Vice Mayor Ahlong Ong, Sangguniang Bayan Members, miyembro ng Municipal Inter-Agency Committee (MIAC), mga civil society organizations (CSO) at iba pang mga stakeholders upang mas maunawaan ang programang KALAHI-CIDSS-NCDDP at upang maging maayos ang pagpapatupad ng mga proyekto. Iminungkahi naman ni Konsehal Felix Abaño na maimbitahan din ang mga Barangay officials para dumalo sa nasabing orientation.
Pinahayag din ng area coordinator na ang nasabing programa ay may nakalaang 26 Milyong piso na magmumula sa DSWD (Department of Social Welfare and Development) at ang pamahalaang lokal ng Daet ay may counterpart na umaabot sa tatlong porsyento (3%) para sa nasabing programa. Ang Sangguniang Bayan ng Daet ay inaasahan naman na magpapasa ng mga resolusyon na kaugnay sa pagpapatupad ng programa sa Bayan ng Daet para sa KALAHI-CIDSS NCDDP.
Ang team ng KALAHI-CIDSS-NCDDP na pinadala ng DSWD Regional Office 5 para sa bayan ng Daet ay kasalukuyang nag-oopisina sa Municipal Hall Building ng Daet na sadyang inilagak ng munisipyo na kabilang sa magiging local counterpart para sa programang nabanggit.
Itinanong nman ni Konsehal Sherwin Q. Asis kung anu-anong mga specific na proyekto ang isusulong at ilang mga barangay ang makikinabang dito.
Sagot naman ni Area Coordinator Salimbuhay na ang 25 barangay sa bayan ng Daet ang tinitingnan niyang makikinabang subalit depende pa rin ito sa kung ano ang matutukoy na pangangailangan ng bawat barangay. Ibinigay niyang halimbawa ng mga posibleng proyekto na may kaugnayan sa restoration ay ang Farm to Market Road , Day Care Center na maaari naman gawing Evacuation Center kung kinakailangan, Drainage System upang maiwasan ang pagbaha, at iba pang proyekto na mapipili ng bawat barangay.
Ipinaliwag din ni Ginang Salimbuhay na ang 26 milyon na pondo para sa mga proyekto ay hindi equally divided sa lahat ng barangay ng Daet, ito ay magbabase sa kung anong uri ng proyekto ng bawat barangay ang nais nilang tugunan. Magkakaroon din anya ng Project Prioritization upang matukoy ang ranking ng bawat barangay at kung aling mga proyekto lamang ang mapopondohan.
Inalam naman ni Konsehal Elmer Bacuño kung kakayanin ba na maipatupad sa loob lamang ng isang taon ang mga magiging proyekto ng KALAHI-CIDSS sapagkat ayon aniya kay Ginang Salimbuhay ay nakatutok sa disaster response ang programa, at sa tuwing may kalamidad ay mga paaralan ang karaniwan ginagawang evacuation center at sa kasalukuyan maraming mga paaralan dito sa Daet ang nangangailangan na maisaayos o magkaroon ng rehabilitasyon.
Ayon naman kay Ginang Salimbuhay titingnan munang mabuti dahil baka dito na mangyari iyong tinatawag na mitigation kung hindi ito kayanin ng isang taon ay maaari silang humingi ng extension para maibigay ang pangangailangan ng iba pang barangay. Lalong higit kung hindi sasapat ang 26 milyong pondo at marami pa talaga ang pangangailangan na dapat tugunan.
Nagtanong naman si Konsehal Atoy Moreno, bilang Chairman ng Committe on Senior Citizens and PWDs, kung maaari bang mabigyan ng proyekto na tutugon sa mga pangangailangan ng mga senior citizens at PWDs kaugnay sa disaster response sapagkat ang mga ito ang labis na nahihirapan tuwing may kalamidad. Tinugon naman ni Ginang Salimbuhay na maaaring mabigyan ng proyekto ang mga miyembro ng Senior Citizen at PWDs ngunit nakadepende pa rin aniya ito sa mga dapat bigyang pansin sa bawat barangay at kung ito ba ang proyekto na nanaisin nilang tugunan.
Samantala, si Konsehal Joan De Luna naman ay nagpasalamat at nakasama na ang Daet sa mga munisipalidad na mayroong iimplementa ang KALAHI-CIDSS lalong higit ngayon na nakatutok sa disaster concerns ang nasabing programa. Ipinagbigay alam rin niya na ang bayan ng Daet ay marami ng ibat-ibang proyekto at pagkilos na isinagawa at kasalukuyang isinasagawa kaugnay sa disaster preparedness.
Bilang Temporary Presiding Officer, nagpasalamat naman si Konsehal Concon Panotes sapagkat ang KALAHI-CIDSS ay nasa bayan na ng Daet. Ipinahayag rin niya ang suporta ng pamahalaang lokal ng Daet sa pagpapatupad ng nasabing programa.
Samantala, ayon naman sa follow-up na isinagawa ng Camarines Norte News sa KALAHI-CIDSS Regional Office 5 ng DSWD, napag-alaman na ang bayan ng Daet ay kabilang sa grupo ng NCDDP na mag-iimplementa sa loob lamang ng isang taon sapagkat kabilang ang Daet sa mga non-poor municipalities ngunit Yolanda-affected area.
Ang local counterpart contribution naman ng Daet sa nasabing programa ay umaabot sa 15% at hindi ang naunang nabanggit ng area coordinator na 3% lamang. Ito ay gugugulin para sa mga Capability Building and Implementation Support (CBIS) na mga aktibidad tulad ng mga trainings.
Gian Grijalvo
CN News