Nagdudulot ngayon ng diskusyon sa mga mamimili at magtitinda ang hindi na pagtatanggap ng maraming tindahan at establishimento sa lalawigan ng Camarines Norte ng mga may sulat at may punit na perang papel.
Personal na sinubukan ng Camarines Norte News ang pagbibili sa ilang tinadahan sa palengke ng Daet at ilan pang establishimento hanggang sa ilang mga tindahan sa barangay na bumili gamit ang limang daang piso na may punit na pinagdikit sa pamamagitan scotch tape, subalit makailang ulit din itong tinanggihan sa mga sinubukang tindahan.
Rason ng mga magtitinda at kahera, may tagubilin sa kanila ang may ari ng tindahan na wag nang tumanggap ng ganitong perang papel dahil umano sa mga kumalat na balita na hindi na ito tinatanggap maging ng bangko.
Agaran ang naging follow up ng Camarines Norte News sa isang manager ng bangko sa bayan ng Daet at sinabi nitong walang ganitong BSP circular sa kanila.
Subalit sa kabila ng ganitong sitwasyon, sinabi nito na totoong may isang bangko dito sa bayan ng Daet na hindi na talaga tumatanggap ng ganitong mga may sulat at punit na pera.
Posible anyang ayaw lamang na maabala pa ang transaksyon ng ilang bangko sa pagreremit nito sa Bangko Sentral ng Pilipinas, BSP, dahilan sa may ilang mga requirements o/at reports pang hinihingi ang BSP sa ganitong mga remittances.
Ilan din sa posibleng dahilan ng hindi naman pag tanggap sa mga tindahan ay ang natutuklasan na magkaiba ang serial number ng magkabilang bahagi pera kung ito ay pinagdugtong lamang, na minsan ay naeencounter ng mga establishimento.
Gayunpaman, sinabi ng source ng CNNews na sakaling hindi ito tanggapin sa mga tindahan ay maaari naman nila itong ipalit sa Bangko at tiyak naman na ito ay mapapalitan.
Hindi na rin nagbigay pa ng kumento ang hindi tinurang Bank Manager hinggil sa isang bangko sa bayan ng Daet na hindi tumatanggap ng nasambit na mga may diperensyang salapi.
Samantala, kaugnay nito, kamakailan ay nanawagan ang BSP sa publiko na huwag kusutin, paglaruan, sulatan o punitin ang perang papel dahil ipinagbabawal ito sa ilalim ng Presidential Drecree 247 na may multang hindi hihigit sa 20,000.00 pesos at pagkakakulong ng hindi hihigit sa limang taon.
Gayunpaman, binigyan ipinag utos na rin ng BSP sa mga bangko na tanggapin pa rin ang mga sira na at may sulat na mga perang papel.
Gayunman, may kundisyon ang Bangko Sentral hinggil dito, hindi lamang tatanggapin na ng bangko ay ang mga perang wala na ang security thread sa gitna nito, o hindi na mabasa ang mga nilalaman nito.
Subalit maaari pa ring tanggapin at palitan sa bangko ang mga perang sira na o ang mga perang naaksidenteng nabasa ng tubig o kemikal, kinain ng insekto o daga hanggang ito ay malinaw na nababasa pa at nananatili pa rin ang security thread nito.
Camarines Norte News