JOSIE TALLADO, LUMUTANG NA SA PUBLIKO! PERSONAL NA ISSUE, DAHILAN NG PAGLAYAS; KAMPO NI GOB. TALLADO, SINAGOT ANG ISYU!

JOSIE TALLADO, LUMUTANG NA SA PUBLIKO! PERSONAL NA ISSUE, DAHILAN NG PAGLAYAS; KAMPO NI GOB. TALLADO, SINAGOT ANG ISYU!

Away mag-asawa ang dahilan ng paglalayas ni Camarines Norte 1st lady Josie Tallado. Matapos ang ilang araw na pagkawala simula pa noong araw ng Biyernes, lumutang na rin si ginang Tallado ngayong umaga sa mga national TV at sa mga National Radio Stations sa Metro Manila, kasama si Darlene Francisco at Atty. Lorna Capunan bilang legal counsel.

Sinabi ni Ginang Tallado na isang babae na inuugnay sa gobernador ang dahilan ng kanyang matinding galit na nagbunsod ng kanyang paglalayas. Sinabi pa nito na mas lalong tumindi ang kanyang galit nang makita nya ang isang sex video ng asawa. Subalit lahat ng galit unang ginang ay napalitan ng takot matapos ang komprontasyong ginawa ni Gob. Tallado nitong nakatalikod na Miyerkules (Okt. 15, 2014)

Lalo umano syang nangamba nang sa kanilang pagtatalo ay pinakitaan sya ng baril ng gobernador, na kauna-unahan na kanyang naranasan sa kanilang pagsasama na nakadagdag sa kanyang dahilan ng pag-alis. Natakot umano ang unang ginang na maaari ring manganib ang kanyang buhay dahil na rin sa bugso ng damdamin ng kanyang asawa. Nauna rito, pinagbintangan na rin diumano si Gng. Tallado na syang nag-post ng malaswang larawan sa internet na itinanggi naman nito. Sa tindi ng galit, pinag-sisira din umano ng gobernador ang linya ng internet sa kanilang bahay at kinumpiska ang kanyang mga telepono maging ang tablet (portable electronic computer gadget) at sinira din ang laptop gamit ang baril. 

Minarapat umanong lumayas ni ginang Tallado sa kanilang bahay dahilan sa pakiramdam nya ay hindi na sya ligtas sa kanyang sariling tahanan dahil may ibang tao na rin na pumapasok sa kanilang kwarto. Mahirap anyang kalaban ang gobernador dahil hawak nito maging ang pulisya. Maging sa nakatalaga sa kanyang police escort ay hindi na rin buo ang tiwala ng ginang.

Gayunpaman, sinabi ni ginang Tallado na hindi naman sya sinasaktang pisikal ng gobernador sa loob ng matagal na nilang pagsasama. Ngayon lang anya nya nakitang magalit ng husto ang kanyang mister na tila may maaaring gawin masama laban sa kanya. 

Sa ngayon ayun kay Atty Capunan, inihahanda na nila ang pagsasampa ng kasong paglabag sa R.A. 9262 o Anti Violence Against Women and Their Children laban sa Gobernador.

Samantala, hiniling naman ni Atty. Capunan kay Gob. Tallado na pag-usapan na lang ang anumang suliraning namamagitan sa kanilang mag-asawa sapagkat ito’y isang domestic problem. Nanawagan din ang abugada kay DILG Sec. Mar Roxas na mamagitan upang tuluyan nang maresolba ang hindi pagkakasunduan ng mag-asawa.

BASAHIN ANG MGA NAUNANG PANGYAYARI I-CLICK

PRESS CONFERENCE

GOVERNOR TALLADO’S SIDE ON WIFE’S ALLEGATIONS:

608---atty.-botor

Dumipensa naman si Governor Edgardo Tallado hinggil sa mga pahayag ng kanyang ginang sa pamamagitan ni Atty. Marcelo Adan Botor, provincial legal officer ng pamahalaang panlalawigan.

Kaninang tanghali, nagpatawag ng Press Conference si Atty Botor para mag bigay ng linaw sa ilang mga usapin hinggil sa mga ipinahayag ng asawa ng gobernador sa telebisyon.

Sinabi nito na tumungo sa Lungsod ng Maynila si Gov. Tallado upang kausapin ng maayos ang kanyang maybahay at sisikapin na maayos ang gusot na namamagitan sa mga ito.

Nilinaw ng abogado ni Tallado na hindi umano ito pamumulitika sa panig ng gobernador bagkus ay isang personal na usaping pang pamilya.

Naniniwala si Atty Botor na kinakailangan lamang ng tamang panahon upang manumbalik ang sigla ng samahan ng mag asawa at hiniling nito sa publiko na unawain at bigyan ng pagkakataon  na maayos ng dalawa ang kanilang hindi pagkakaunawaan at tumulong sa pagbibigay ng moral support at dasal para sa ikaaayos ng gusot.

Samantala, kaugnay naman sa tinutukoy na malaswang larawan at video sa social media, sinabi ni Atty Botor na hindi pa ito nakikita ng gobernador. Hindi na rin nagbigay ng anupamang komento ang tagapagsalita ni Gov. Tallado dahil sumasailalim na umano ito sa imbestigasyon at inaalam kung ito ay nagamitan ng makabagong teknolihiya o sa pamamagitan ng photo editing lamang (Photoshop).

Tungkol naman sa sinasabing manhunt na iniutos ng gobernador laban sa kanyang misis, ipinaliwanag ni Atty Botor na hindi maaaring gamitin ang salitang “Manhunt” dahil hindi ito akma sa totoong pangyayari.

Natural lamang umanong hanapin at humingi ng tulong sa pulisya at media ang gobernador dahil sa pag aalala matapos na malaman na tinangkang sunugin ang sasakyan ng kanyang maybahay at at natagpuan pa sa isang alanganing lugar sa bahagi ng Lupi, Camarines Sur na madalas may nagaganap na aksidente o krimen.

Lubos din ang pagtataka ni Atty Adan Botor sa naging gawi ng maybahay ng Gobernador. Anya, matagal na nyang kakilala at kaibigan ang mag asawa at kilala nyang mabait, masayahin at mapagmahal na asawa si ginang Tallado.

Base sa kanyang obserbasyon sa mga pangyayari at sa mga pahayag ni Ginang Tallado sa national TV, isa itong maituturing na family matter na dapat ay maisaayos sa loob ng tahanan lamang sa maayos at mapayapang usapan.

Subalit sa kabila nito, hindi rin inaalis ni Botor ang posibilidad na may taong nasa likod ng maybahay ng gobernador na maaaring may kinalaman sa pulitika at maaaring ginagamit lamang ang unang ginang ng lalawigan.

Hindi umano kilalang personal ni Governor Egay Tallado si Darlene Francisco at nito lamang buwan ng Setyembre na unang nakita si Francisco bagamat nagtiwala dito ang gobernador dahilan sa kaibigan naman ito ng kanyang misis. Nauna nang sinabi ni Bb. Francisco sa Telebisyon na sya ang pinaghihinalaang nag upload ng larawan at video sa internet, bagay na pinabulaanan naman nito.

Malabo rin anya, ayun kay Atty Botor ang sinasabing pinagbabantaan ng gobernador ang buhay ng kanyang misis. Galing umano sa ibang personahe ang naturang balita na posibleng nais lamang na paguluhin ang sitwasyon. Wala umano sa personalidad ni Governor Tallado ang pagbantaan ang buhay ng ina ng kanyang nag-iisang anak.

Ayun umano sa gobernador, wala namang away na nangyari sa pagitan ng dalawa bago naganap ang pag alis ng ginang. Posible umanong ayun kay botor na bunga ito ng mga unang mga hindi pagkakaunawaan ng dalawa sa nakalipas na mga buwan at araw at naipon lamang dahilan na rin sa kakulangan ng oras ng gobernador na makapag laan ng quality time para sa kanyang maybahay dahil sa dami ng trabaho, kung kaya’t lumaki ang tampo at sama ng loob ng ginang.

Ikinagulat at nalungkot din umano ng gobernador sa nalaman sa balita na naging pahayag ng kanyang maybahay sa telebisyon. Hindi akalain ni Tallado na ang kanilang away magasawa ng mga nakaraan pang mga buwan ay mauuwi sa ganito kalaking usapin.

Ayun  kay botor, isa umano itong malaking pagsubok na pinagdadaanan ng magasawa bilang isang ordinaryong pamilya na katulad din ng pinagdaaanan ng ilang mga opisyal sa loob at labas ng bansa. Umaasa itong matatapos din ang kasalukuyang pinagdadaanang suliranin ng mag asawa sa tamang panahon.

Umapela din ito sa publiko na irespeto ang personal na problemang pinagdadaanan ng First Couple ng Camarines Norte.

Tiniyak din naman ni Botor na hindi mapababayaan ni Gov. Tallado ang kanyang trabaho bilang ama ng lalawigan at magpapatuloy ang mga sebisyong ipinatutupad nito sa Camarines Norte sa kabila ng ganitong sitwasyon.

Sa katunayan ayun pa kay Botor, babalik din sa araw ng Biyernes si Tallado at dadalo sa Multi Services Caravan na lingguhang programa nito para sa mga mamamayan.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *