Humarap na sa unang pagkakataon si Gob. Egay Tallado ngayong umaga matapos ang ilang araw na pananahimik nito sa gitna ng isyu na kinaharap ng kanyang pamilya.
Sa isinagawang flag ceremony sa kapitolyo ng Camarines Norte, nagbigay ng mensahe ang gobernador sa harap ng mga empleyado ng kapitolyo. Sa kanyang pahayag, humingi ng tawad si Gob. Tallado sa mga taga-media sa hindi nito pagpapaunlak ng anumang interview, gayundin sa pamilya ni Kaye De Jesus sa pagkakadawit ng pangalan nito. Lubos din ang paghingi ng tawad ng gobernador sa kanyang pamilya, partikular sa kanyang asawa.
Narito ang kabuuan ng kanyang naging pahayag:
“Nong mga nakaraang araw, tayo po ay nabigla lahat sa pagsasalita ng aking asawa sa mga TV stations. Noon araw pong yun at mga susunod pang mga araw, pinilit ko pong hindi magsalita o sumagot… kaya humihingi po ako ng paumanhin sa mga taga Media, dahil sa akin po kase, mahalaga po ang pamilya, gusto ko pong mabuo ang aking pamilya, dahil kung ako po ay nagsalita sa interview baka wala na pong pagasa na mabuo pa ang aking pamilya… so humihingi po ako sainyo ng paumanhin.
Pangalawa po, humihingi din po ako ng paumanhin o tawad sa pamilya po ni ____ dahil nakaladkad po ang kanyang pangalan sa isyu po na ito.
Sa akin naman pong pamilya, sa aking anak, humingi na po ako ng tawad sa kanya, sa pamilya ko po, humingi na po ako ng tawad sa kanila. Ang asawa ko po ay hindi ko pa po nakakausap, pero yung mga apo at anak nya ay nakita na nya… so, kung nakikinig man po ang aking asawa, humihingi po ako sa kanya ng tawad. At sa mga taga camarines Norte, ako po ay humihingi ng tawad dahil nakaladkad ang Camarines Norte sa problemang pamilya namin, sana po ay unawain nyo po ang lahat.
Ako po ay humaharap sa inyo para ipakita sa inyo na ako po ay matatag… dahil ako po ay mayroong mandato na ibinigay po ninyo sa akin na dapat po ay hindi maapektuhan ang aking trabaho.
Sa totoo lang po, marami tayong magandang balita sana, unang una yun pong Lanot to Mangcamagong road malapit na pong umpisahan ang pagsesemento nya at marami pa pong barangay ang sesementuhin na rin ang mga kalsada. At ang mga proyektong hinihingi sa atin ng mga kababayan natin, tuloy tuloy po yan, wala pong tigil po yan
Sa Caravan po, muli nyo po akong makikita, kung hindi nyo po ako nakita noong nakaraang linggo, siguro po, alam nyo po ang dahilan, ang dahilan po, ang problema po ng aking pamilya.
Yung Budget natin sa 2015, makikita nyo naman po yan ay napakadami, napakadami po ng proyekto natin, para sa kabutihan ng ating lalawigan. Pag dating po sa edukasyon, nagdagdag po tayo ng another 5 Million para po sa financial assistance, so hindi po ako naapektuhan sa aking trabaho.
Ako po ay naging matatag dahil sa tulong nyo po, tulong ng aking pamilya, tulong ng mga kaibigan, nagmamahal po sa akin, mga kasama sa pulitika, sa inyo pong mga binibigay na mensahe na maging matatag po ako at yan ay po lilipas din lahat yan. At ang pinaka importante po na hindi kop o makalimutan nay un pong mga text nyo sa akin na ilapit ang aking sarili sa panginoon. Kung ako po ay nagkamali, tao lang po ako, tao lang po ako… may kahinaan din po ako. Ito po ay sana, unawain nating lahat. Dun po sa mga kalaban ko sa pulitika, tigilan na po ninyo ang pagkakalat ng mga, ng mga pinopost ninyo po sa Facebook o anuman, dahil napakalaswa po nyan. Walang kinalaman sa trabaho ko po yan.
Tuligsain nyo po ako kung ang trabaho ko po ang may kinalalaman. Ako po ay humaharap sa inyo at tumutingin sa inyo ng eye to eye, dahil po walang isyu po rito na ako po ay nag nakaw ng kaban ng bayan.
Meron nga po dyan na mga malalaking tao, pero matatag sila na ang isyu po ay kurapsyon, ako po, problemang pamilya lang po ito. Kaya ako po ay nagpapasalamat sa inyo, sa suportang ibinibigay nyo po saakin. Makakaasa po kayo na mas pagbubutihin kop o ang aking pag seserbisyo sa ating lalawigan. At habang po ako ang inyong pinag titiwalaan, ang Egay Tallado po na nakilala nyo na napakabait na mababa ang loob, napakasimpleng tao, nakikita nyo sa lahat na mga barangay pumupunta, mas pagbubutihin ko po, mas ibababa ko pa ang aking sarili sa mga kababayan ko sa Camarines Norte, yun po ang pinapangako ko sa inyo… Sana po itong bangungot pong ito ay matapos na agad. Ibig sabihin po itong nangyaring ito, sana po ay maayos na lahat, dahil ako po naniniwala, na pamilya ang mahalaga, pamilya ang mahalaga po sa akin. Humihingi po ako muli sa inyo ng kapatawaran sa aking pagkukulang, sa aking nagawang kasalanan. Sana naman po, Tulungan nyo po ako, tulungan nyo po muli ako na maging matatag. Sabi ko nga po sa mga mensahe nyo sa akin na muling ilapit ang aking sarili sa panginoon… makakaasa po kayo dun…”
https://www.youtube.com/watch?v=hxHd1kiMtWA
Camarines Norte News