JOSE PANGANIBAN EYES MERCURY-FREE MINAHANG BAYAN BY 2017

JOSE PANGANIBAN EYES MERCURY-FREE MINAHANG BAYAN BY 2017

24 October 2014, Jose Panganiban, Camarines Norte –Nagsanib puwersa ang Pamahalaang Lokal ng Jose Panganiban at environmental justice group BAN Toxics (BT) upang patatagin ang kampanya laban sa paggamit ng asoge sa maliitang pagmimina at pagsasaayos ng industriya ng nito sa pamamagitan ng Minahang Bayan sa pagsapit ng 2017.

Alinsunod sa Republic Act 7076 o ang People’s Small Scale Mining Act, ang Minahang Bayan ang magbibigay garantiya upang ideklarang legal ang operasyon ng maliitang pagmimina, at ang magbibigay daan upang maiwasan at tuluyang ipagbawal ang paggamit ng asoge sa operasyon ng pagmimina.

“Kailangan ng mahinto ang iligal na paggamit ng asoge, at ang pinaka-epektibong paraan para ito’y maisakatuparan ay bigyan ng tamang kalalagyan ang operasyon ng maliitang pagmimina sa pamamagitan ng pagdedeklara ng Minahang Bayan,” wika ni Eve Cubelo, artisanal and small-scale (ASGM) program manager ng BT.

Isang malaking hakbang para sa lalawigan ang Minahang Bayan, kung saan 78 na minero ang hinuli nito lamang nakalipas na mga linggo.

“Ang pagtatatag ng isang mercury-free Minahang Bayan pagdating ng 2017 ay hindi maaring ipagsawalang bahala dahil isipan at kaugalian ang babaguhin natin, kasabay ng pagpapakita at pagtuturo ng konretong aksyon at bagong teknolohiya. Dapat magsimula tayo sa mga bata na marunong pang making at sumunod,” ayon kay Jose Panganiban Councilor Sarah Marie Aviado.

“Ito ay isang pro-poor campaign dahil hindi lahat ng small-scale miners ay may kakayahang pondohan at lakarin ang kanilang small-scale mining permits. Malaking tulong ang Minahang bayan dahil mabibigay nito ang mga karampatang tulong para mag-operate ng tama at naaayon sa batas,” dagdag ni Aviado.

Ayon sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng Region V, tinatayang 7,000 katao ang direktang nakikinabang sa direktang pagmimina sa Bicol. Sa bilang na ito, 2,000 katao ang mula sa mga bayan ng Paracale, Jose Panganiban, Labo, Capalonga, at Basud na nagmimina ng ginto, iron, at copper.

Kaakibat ng kawalan ng Minahang Bayan ay ang iligal na paggamit ng asoge at ang banta nito sa kalikasan, seguridad at kalusugan ng mga tao.

 “Ang Minahang Bayan ang maglalayo sa mga small-scale miners sa paggamit ng mercury at ilalapit sila sa mga tamang pamamaraan at bagong teknolohiya sa maliitang pagmimina.” ani Dr. Antonio Fulong, Municipal Health Officer ng Jose Panganiban.

Malaking hamon sa Hilagang Kamarines at sa mga probinsiya sa bansa na may industriya ng maliitang pagmimina ang malawakang paggamit ng asoge. Ayon sa United Nations Environment Program, ang maliitang pagmimina ang nag-iisa at painakamalaking dahilan ng pagkalat ng asoge sa buong mundo. Naitala ng Department of Environment and Natural Resources – Environment Management Bureau (DENR-EMB) ang taunang pagkalat ng mercury sa kapaligiran ang umaabot sa 70 metrikong tonelada.

Ang asoge ay lason sa ating kapaligiran. Sa mga naitalang aksidente ng pagkalason ng tao dahil sa asoge, ang masamang epekto nito sa utak at bato ang dalawa sa napakaraming sakit na maaari nitong idulot. Naitala din ang masamang epekto nito sa mga bata lalo na yaong mga nasa sinapupunan.

Ang proyekto ng BT sa Camarines Norte ay naging posible sa tulong ng Dialogos, ICOEPH, University of Copenhagen, GEUS, Global Environment Facility, at United Nations Industrial Development Organization.

608-toxic-free

___________________

Ang BT ay isang NGO na nagsusulong ng katarungang kalikasan, karapatang pambata at pagsupil sa mga nakalalasong kemikal katulad ng asoge. Sa pamamagitan ng mga pag-aaral, paghahasa ng kakayahan, at adbokasiya, ang BT ay patuloy na nakikipagtulungan sa pamahalaan, komunidad at ibang NGOs sa loob at labas ng bansa upang maisulong nito ang mga programang pangkalikasan at pangkalusugan.

ARLENE B. GALVEZ
ASGM, CN Coordinator

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *