Binigyang-daan kahapon sa isinagawang sesyon ng Sangguniang Bayan ng Daet (SB) ang usapin hinggil sa pagkakaroon ng Automated Weather Station sa Bayan ng Daet.
Dumalo sa nasabing sesyong ang kasalukuyang Assistant Civil Defense Officer ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa ngalan ni Mr. Aivin G. Naing.
Ang pag anyaya ay iminungkahi ni Konsehal Joan Kristine De Luna Tabernilla upang sagutin ang mga katanungan sa paglalagay ng Automated Weather Station sa Bayan ng Daet.
Isa ang Daet sa sa napili sa lalawigan ng Camarines Norte dahil malapit ito sa karagatang Pasipiko. Kasama rin sa napagkalooban ang ibang Munisipalidad katulad ng Basud, Mercedes, Paracale, Jose Panganiban, Capalonga, Sta Elena, Vinzons at Talisay.
Tinalakay ng kumatawan sa MDRRMO ang tungkol sa Weather Philippines at kasama dito ang kanilang Community Social Responsibility na maglagay ng Automated Weather Station sa buong bansa na magiging katuwang ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAG-ASA) na makatutulong pagbibigay ng babala sa sa lagay ng panahon.
Tinatayang may isang libong bayan sa buong Pilipinas ang nabigyan na ng Automated Weather Station.
Sa pamamagitan ng dalawang gadgets na nagkakahalaga ng mahigit tatlong libong dolyares na ginawa pa sa bansang Germany, ang mga nasabing instrumento ay may kakayahang magbilang ng patak ng ulan kada minuto, magsukat ng lakas at direksyon ng hangin at init ng panahon.
Ilalagay ang mga kagamitan ng sa isang tubo na may talong metro sukat sa tanggapan ng munisipyo.
Sa panig naman ng Local Government Unit, kinakailangan umanong tutukan nito ang maintainance at seguridad para mabantayan at mapangalagaan sa pamamagitan ng regular na pagtingin sa water container at battery kung gumagana ito ng maayos.
Libre itong ipagkakaloob sa bayan ng Daet ngunit, may pinansiyal na obligasyon ang LGU-Daet sa installation na higit kumulang sa limang libong piso.
Meron din itong sim card na ipagkakaloob umano ng isang telecommuncation company upang magpadala ng impormasyon sa Taguig upang mapag aralan at ang resulta ay makikita sa www.weather.com.ph.
Hindi rin umano ito ang opisyal na resulta dahil ang lehitimong forecast ay manggagaling pa rin sa PAG-ASA, ngunit maaaring maging alternatibong mapagkukunan ng impormasyon tungkol sa lagay ng panahon, lalo na kung mayroong “Internet Traffic” sa panahong marami ang naghahanap ng weather forecast.
Sa pagtatanong naman ni Vice Mayor Noel Ong kung malalaman din ba ng nasabing kagamitan ang pagdating ng Tsunami, sinabi ni Officer Naing na mgkakaroon ng ganong aplikasyon ngunit sa ika-tatlong bahagi ng nasabing proyekto sa darating na panahon.
Sinagot rin ng Civil Defense officer na wala pa siyang ideya sa budget ng MDRRMO matapos maitanong ni Konsehal Felix Abaño kung may sapat na bang pondo ang nasabing ahensya upang makabili ng Automated Weather Station.
Binigyang pansin naman ni konsehal Christopher “Concon” Panotes na kinakailangang maging specific sa pagbibigay ng presyo sa counterpart ng LGU-Daet upang mapangalagaan at hindi abusuhin ang Allocation Fund.
Dagdag pa ng MDRRMO officer na magmumula sa solar panel ang pagkukunan ng enerhiya ng naturang instrumento kaya’t makakatipid sa kuryente at walang kinakailangang renta sa paglalagay nito at hindi rin aabot ng limang libong piso sa pagpapalagay ng mga kagamitan sa opisina ng munisipyo.
Magagamit din ang weather forecast sa Agro Net na makakatulong sa industriya ng pagsasaka, at pangingisda sa Bayan ng Daet.
Sa pagtatanong naman ni Konsehal Renato Moreno tungkol sa Accuracy ng mga resulta ng weather station, sinabi ni Naing na isang daang porsiyento umano ang pagkakatugma ng resulta sa pagsukat ng lakas at direksyon ng hangin ngunit tatlumpung porsiyento ang resulta ng pag–ulan dahil mahirap itong malaman at sanhi nito ang pabago-bagong lagay ng panahon ngunit hindi ito nalalayo sa aktwal na resulta.
Ang mga impormasyon ay ipapadala sa Taguig kada ika tatlong pung minuto para magkaroon ng resulta sa buong araw hanggang limang araw na weather forecast.
Binigyang puri naman ni konsehal Elmer Bacuño ang nasabing gawain dahil makatulong ito sa paghahanda ng MDRRMO at maiwasan ang pagkakaroon ng anumang hindi inaasahang pangyayari sa pagkakataong may sama ng panahon sa Bayan ng Daet.
Gian Jay D. Grijalvo
Camarines Norte News