Posibleng masuspinde si Gov. Edgardo Tallado kung mapapatunayang nagkasala ito sa pagiging imoral dahil sa mga sex photos na kumalat sa internet at mga social media nitong mga nakaraang araw.
Ito ay kahit na humingi na ng tawad si Gov. Tallado nitong nakaraang Lunes sa taumbayan maging sa kanyang pamilya sa isinagawang flag ceremony sa kapitolyo probinsya.
Sa naging pahayag ni Civil Service Commission Chairman Francis Duque sa media kaugnay nang kinasangkutang kontrobersiya ng gobernador, sinabi nitong maaaring maharap si Gov. Tallado sa legal na usapin hinggil sa eskandalong kinasankutan nito. Ayon pa kay Duque, Isa umano itong kahihiyan hindi lamang sa tanggapan ng CSC kundi maging sa buong probinsya ng Camarines Norte dahil sa naging asal ng gobernador
Nakasaad umano Administrative Code of 1987 – Chapter 7, Sec. 46, “No officer or employee in the Civil Service shall be suspended or dismissed except for cause as provided by law and after due process. (5) Disgraceful and immoral conduct.
Dahil dito, maaaring masuspinde umano sa pagiging gobernador si Gov. Tallado ng (6) anim na buwan at (1) isang araw hanggang (1) isang taon kung mapapatunayang guilty sa kasong Disgraceful and immoral conduct na maaaring isampa sa kanya.
Dagdag pa ni Duque, pwede umanong maghain ang sinumang taxpayers sa tanggapan ng Ombudsman o sa tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas. Maaari rin umanong gamiting ebidensya ang mga naging pahayag ni Ginang Tallado sa media, gayundin ang mga larawang kumalat sa internet.
Samantala, ayon naman kay Sec. Mar Roxas, pinag-aaralan na rin ng Department of Interior and Local Government (DILG) kung may nilabag din si Gov. Tallado sa ilalim ng Republic Act 6713 o “Code of Conduct and Ethical standards for Public Officials and Employees” dahil unang pagkakataon pa lamang nangyari ang ganitong eskandalo.
Camarines Norte News
Edwin Datan, Jr.