MGA TRICYCLE DRIVERS NG DAET, SUMASAILALIM SA ASSESSMENT EXAM SA TRU, KAUGNAY NG SAMPUNG ARAW NA SEMINAR!

MGA TRICYCLE DRIVERS NG DAET, SUMASAILALIM SA ASSESSMENT EXAM SA TRU, KAUGNAY NG SAMPUNG ARAW NA SEMINAR!

Sumasailalim ngayon sa pagsusulit ang mga Tricycle Drivers dito sa bayan ng Daet bilang bahagi ng assessment na isinasagawa ng Tricycle Regulatory Unit (TRU), kaugnay ng nakatalikod na sampung araw na seminar sa mga ito.

Magugunitang simula noong Oktubre 13 hanggang 24, 2014 ay sumailalim sa seminars ang tricycle drivers/operators ng umaabot sa limang libong mga tricycle na pumapasada sa bayan ng Daet na ginanap sa Daet Heritage Center.

Naglalayon itong muling maipaalala at matalakay ang mga umiiral na batas trapiko na sumasaklaw sa nasabing uri ng transportation business.

Pinangunahan ito ni Konsehal Rosa Mia L. King bilang Chairman ng Public Utilities, Transportation and Communications ng Sangguniang Bayan ng Daet at bilang Chairman na rin ng Tricycle Regulatory Unit (TRU). Katuwan ni Konsehal King si Ginoong Ramon Ramos ng Public Safety and Traffic Management Office, PSTMO.

Sa pamamagitan ng Power Point presentation, tinalakay ni Ginoong Ramos ang mga kadalasang paglabag na nagagawa ng mga Tricycle Drivers, at gayundin  ang nilalaman ng Daet Traffice Code of 2011.

Tinalakay naman ni Konsehal King ang may kaugnayan sa ilang mga updates sa TRU katulad ng proposed amendment sa Tricycle Code, gayundin ang kontrobersyal na JAO o DOTC Joint Administrative Order No. 1-2014, at ang ordinansa may kaugnayan sa citation tickets na ipatutupad na sa mga susunod na araw.

Dumalo din si Bokal Pol Gache ng Sangguniang Panlalawigan at tinalakay din ang pinoprosesong pagpapatayo ng Government Owned Smoke Emission Testing Center at ang mga magiging benepisyo nito sa mga tricycle operators.

Base sa record, umaabot sa humigit kumulang limang daang (500) tricycle drivers pa ang hindi nakadalo sa nasabing seminar at ayun kay konsehal King ay wala pa silang itinatakdang schedule para sa special seminar sa mga hindi nakapagdalo. Nilinaw nito na hindi makapagrerenew  ng kanilang mga minamanehong tricycle ang mga hindi nakadalo sa naturang seminar.

Ayun kay King, napakahalaga ang taunang seminar na kanilang isinasagawa sa mga tricycle drivers  upang maipaalala sa mga ito ang kanilang mga obligayon bilang mga Public Utility Transportation Drivers na nag seserbisyo sa mga mamamayan.

Samantala, Oktubre 27, 2014, sinumulan na rin ang isinasagawang assessment/examination para sa mga dumalong drivers. Tatlong sets ng questionnaires ang inihanda ng TRU para sa mga sasailalim sa pagsusulit upang matiyak na malalaman nila sa pamamagitan nito ang tunay na kaalaman ng mga drivers sa pagmamaneho, batas trapiko at sa mga ordinansang sumasaklaw sa kanila. Sa pinakahuling tala, (Oct. 30) umaabot na sa 1,230 drivers na ang sumailalim na sa pagsusulit o assessment.

Sa panayam ng Camarines Norte News kay Ginoong Ramon Ramos, inamin nito na napakababa ng resulta ng eksaminasyon ng mga drivers. Marami pa rin anya na matagal nang driver ang hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin alam ang mga simpleng bagay at panuntunan sa pagmamaneho sa lansangan.

Sinabi naman ni Konsehal King na assessment lamang ito at hindi na kinakailangang malaman pa ng mga tricycle drivers at ng publiko resulta ng assessment sa bawat isang drivers. Bagamat dito nila ibabatay sa resulta ang kanilang mga magiging hakbang upang tugunan ang mga umiiiral at makikitang problema sa sector ng traysikel sa bayan ng Daet.

Ang bayan ng Daet, sa buong rehiyong bicol ang may pinakamaraming bilang ng mga pumapasadang tricycle na umaabot sa dalawang libo at limang daang (2,500) units sa bilang lamang na dalawamput limang barangay. Sa dami ng bilang ng mga ito, dito lamang din nagkaroon ng coding scheme ng tricycle sa buong rehiyon.

Rodel Macaro Llovit

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *