BATANG NAGSAULI NG P11,500, BINIGYAN NG PAGKILALA SA SANGGUNIANG BAYAN NG DAET!

BATANG NAGSAULI NG P11,500, BINIGYAN NG PAGKILALA SA SANGGUNIANG BAYAN NG DAET!

Pinarangalan kaninang umaga sa ginanap na sesyon ng Sangguniang Bayan ng Daet si John Lennon Morales, 13 years old, residente ng Barangay Calasgasan, Bayan ng Daet dahil sa pagsasauli nito ng pera na nagkakahalaga ng P11,500 na kanyang nakita noong Oktubre 23, 2014.

Ayon kay Morales, pauwi na siya ng kanilang bahay sakay ng kanyang bisikleta ng mapansin niya ang isang wallet sa kalsada, at ng buksan niya ang wallet ay nakita niyang may laman itong pera.

Inuwi ni Morales ang naturang wallet at pinagbigay alam sa kanyang tatay ang tungkol dito. Agad namang napagpasyahan ng kanyang tatay na isauli ang wallet dahil baka umano pambayad, pambili ng gamot, o may mahalagang pagkakagastusan ang perang laman nito.

Dahil din sa mayroong ID sa wallet ay agad naman umanong nakausap at naisauli sa may-ari nito na napag-alamang si Joel Balanse ng CNTV.

Kasalukuyang nag-aaral si John Lennon Morales sa Calasgasan Elementary School at nasa ika-anim na baitang, pangkat dalawa (VI-2). Ang kanyang mga magulang ay sina Lydia Morales, housewife, at Jose Morales, karpintero,

mga residente ng Purok 3, Happy Homes Greenwood, Brgy Calasagasan, Daet, Camarines Norte at mayroong sampung anak kung saan pangwalo si John Lennon.

Sa naging programa at panayam ni Ivy Consuelo – Garcia, sa pamamagitan ni Ric Palacio Jr. sa Radyo ng Bayan – Camarines Norte, inihayag ni Christine Bacerdo – Nebres na masaya umano ito sa nagawa ng kanyang estudyante. Dagdag pa ni Gng. Nebres na mabait na bata, walang kaaway, at leader pa ng klase si Morales, ngunit may mga pagkakataon umanong naipatatawag ang kanyang magulang dahil hindi umano ito nakakapasok sa klase dahil sa kahirapan. Kahit umano ang pambili ng bigas ng pamilya ay kinukulang pa.

Subalit nitong mga nakaraang linggo ay madalas na ang pagpasok nito dahil pinalalahanan siya ng kanyang guro sa siya ay graduating student.

Napag-alaman din na hindi miyembro ng 4P’s ang kanyang pamilya.

Umani naman ng mga papuri si Morales dahil sa nagawa nito na hindi nasilaw sa halaga ng salapi sa kabila ng dinaranas na kahirapan.

(photo credits: Councilor Sherwin Q. Asis/Councilor Joan Kristine Tabernilla – De Luna)

 Edwin Datan, Jr.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published.