Daet, Camarines Norte (Nobyember 3, 2014) – Sinalakay ng Camarines Norte Criminal Investigation and Detection Team (CN-CIDT) na pinangunahan ni PCI Calvin Quisumbing Cuyag, mga kinatawan ng Regional Special Operations Group (RSOG), RIU5, CN-PPSC, Daet MPS, PSWDO, at RHU II ng Bayan ng Daet ang 4 D’Boys KTV Bar sa bahagi ng Central Plaza Complex, Barangay Lag-on, Daet, Camarines Norte bandang 11:30 ng gabi nitong nakatalikod na Oktubre 29, 2014.
Ang isinagawang entrapment operation ay kasunod ng impormasyong nakarating sa mga otoridad hinggil sa pagtatrabaho ng ilang babaeng biktima ng illegal human trafficking.
Dahil dito, nahuli sina Dexter Alano y Queaño, 23 taong gulang, walang asawa, residente ng Purok 1, Barangay Gahonon, Daet, Camarines Norte, tumatayong Club Manager, at si Clarissa Vega y Nabo, 34 taong gulang, walang asawa, residente ng Purok 2, Barangay Alawihao, Daet, Camarines Norte, at nagsisilbing Floor Manager.
Na-recover din ang marked money na nagkakahalaga ng One Thousand Eight Hundred Pesos (P1, 800.00) na ginamit sa operasyon.
Kasama namang na-rescue ang 7 club workers na nasa mga wastong gulang at mga pawang biktima na agad sa isinama sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) – Daet sa pamamagitan ni Mr. Normanuel Eboña, Social Worker, upang kuhanan ng ilan pang mga impormasyon.
Samantala, nasa kustodiya na ng Daet – MPS ang mga suspek at inihahanda na ng CN-CIDT ang kasong paglabag sa RA 10364 o “Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012” sa mga ito.
Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News