CITATION TICKET ORDINANCE, PASADO NA SA HULING PAGBASA SA SANGGUNIANG BAYAN NG DAET!

CITATION TICKET ORDINANCE, PASADO NA SA HULING PAGBASA SA SANGGUNIANG BAYAN NG DAET!

Daet, Camarines Norte (Nobyembre 4, 2014) – Lumusot na sa isinagawang 3rd and final reading sa sesyon ng Sangguniang Bayan ng Daet kahapon (Nobyembre 3, 2014) ang Citation Ticket Ordinance na panukalang batas na inakdaan ni Councilor Felix Abaño.

Sa panayam ng Kadamay Network PBN – DZMD kay Councilor Abaño, Committee Chair of Peace and Order, Tourism and Internal Rules, inihayag nito ang nilalaman ng naturang ordinansa na nahahati sa tatlo at may mga kaukulang kulay. Berde ang para sa pagpapatupad ng batas sa Kapaligiran tulad ng pagbabawal sa pagtatapon at pagsusunog ng basura. Pula naman para sa Peace and Order at Public Safety tulad ng trapiko, at Dilaw para sa pagpapatupad ng batas ukol sa mga business permits and licenses.

Ang naturang ordinansa ay ipapatupad ng mga punong barangays, PNP personnel, accredited NGO’s ng LGU – Daet, at ilang ahensya ng pamahalaan.

Ayon pa sa konsehal, ang mga mahuhuli ay bibigyan lamang ng 5 working days para mabayaran ang kaukulang multa o kung hindi man umano mabayaran ay mahalagang magpakita lamang sa munisipyo upang magkaroon ng maayos na pag-uusap.

Sa pagkakataon naman umanong hindi pumunta ang mahuhuli ay maaaring maharap sa legal na aksyon ang naturang personahe mula sa Municipal Legal Officer.

Ukol naman sa multang makokolekta, batay kay Konsehal Abaño, ang 50% umano ay mapupunta sa municipal government na siyang gagamitin para sa pag-iimprenta ng mga tickets, ID’s at uniporme ng mga task forces, at sa mga isasagawang orientation at briefing ng mga tagapagpatupad ng batas.

Ang 25% naman ay mapupunta sa Philippine National Police (PNP) – Daet, at ang huling bahaging 25% ay ibibigay sa mga Non-Government Organizations (NGO’s), barangays, at kung anong grupo ang nag-issue ng naturang ticket violation.

Ang mga naturang pondo umano na makokolekta ay maaaring makuha ng mga naturang grupo sa bawat quarter ng taon at sa mismong Municpal Treasurer’s Office. Ang pondo namang makukuha ng LGU – Daet mula sa naturang ordinansa ay magkakaroon ng kumpletong datos at dokumento na ipapasa sa Sangguniang Bayan upang matiyak ang kaayusan ng dagdag na kita ng lokal na pamahalaan.

Tinataya naman na sa buwan ng Enero 2015 pa ang pagpapatupad sa Citation Ticket Ordinance dahil kinakailangan pa umano itong dumaan sa ilang proseso tulad ng Sangguniang Panlalawigan para sa review, paggawa ng Implementing Rules and Guidelines (IRG), Mass Information Campaign, orientation ng mga miyembro ng task force, publication ng 15 days, at ang huli ay ang pagpirma ng local chief executive sa katauhan ni Mayor Tito S. Sarion.

Nangako rin si Councilor Abaño na padadalhan din ng kopya ng ordinansa ang bawat barangay upang masigurong maipatutupad ito ng maayos.

Edwin Datan, Jr.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *