Nilagdaan na ang isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Provincial Government of Camarines Norte at ng Department of Labor and Employment (DOLE), kalakip ang mga ahensya ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Philippine Overseas Employment Administration (POEA), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ngayong araw (Nobyembre 4, 2014) sa Camarines Norte Provincial Capitol.
Ito ay sa katauhan nina Gov. Edgardo “Egay” Tallado, DOLE Regional Director Nathaniel Lacambra, OWWA Director Jocelyn Hapal, at TESDA Provincial Director Conrado Maraan. Nilagdaan din ni Mayor Tito Sarion ang parehong MOA upang magpakita ng suporta ng LGU – Daet kung saan nagmumula ang karamihan sa mga migrant workers sa buong lalawigan.
Nakasaad sa naturang MOA ang pagbuo ng isang Overseas Filipino Workers (OFW) Help Desk sa Kapitolyo Probinsya ng Camarines Norte, gayundin sa ilang munisipyo sa lalawigan na magbibigay ng mga programa at serbisyo ng mga katuwang na ahensya. Layunin din nitong makapagbigay proteksyon sa kapakanan at itaguyod ang kabutihan ng mga OFWs at kanilang pamilya na nasa lalawigan.


Batay sa Migrant Workers’ Act, RA 8042 na sinusugan ng RA 10022, isinasaad dito ang kahalagahan ng lokal na pamahalan sa pagbibigay ng mandato ng pagkakaroon ng OFW help desk o kiosk sa naturang bayan na may layuning magbigay ng mga kasalukuyang impormasyon sa publiko sa iba’t ibang pamamaraan at aspeto ng paghahanapbuhay sa ibayong dagat.
Sa naging pahayag ni DOLE Director Lacambra, inihayag nito ang kahalagahan ng pagbibigay-daan sa mga programa at serbisyo ng pamahalaan sa mga OFWs at kanilang mga dependents upang magkaroon ng OFW help desks sa bawat munisipalidad, partikular na sa mga naninirahan sa malalayong dako.
Binigyang-diin naman ni OWWA Administartor Rebecca Calzado ang kahalagahan ng mga help desks sa bawat munisipalidad upang mapagbigay ng tulong sa mga OFW communities sa mga remote areas lalo na sa mga panahon may pangyayaring hindi inaasahan.
Pinangunahan naman ni Governor Tallado ang ribbon cutting ceremony para sa OFW help desk.


Samantala, namigay din ang DOLE – Region V ng P750,000 worth of projects, partikular ang Negosyo-Cart o Nego-Cart sa bahagi ng Mercedes na tinanggap ni Vice Mayor Brenda Salalima.
Kasabay din nito ang umaabot naman sa P375,000 worth of projects sa Sta. Elena, na tinanggap ni Mayor Dina Borja, at magsisilbing tulong sa mga naapektuhan ng nakaraang bagyo at ilang mga organisasyong magsasagawa ng mga proyekto sa naturang bayan.
Edwin Datan, Jr/Ricky Pera
Camarines Norte News