KAUNA-UNAHANG VISUALLY IMPAIRED SA BUONG REHIYONG BIKOL NA PUMASA SA LICENSURE EXAMINATIONS FOR TEACHER, PINARANGALAN NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN!

KAUNA-UNAHANG VISUALLY IMPAIRED SA BUONG REHIYONG BIKOL NA PUMASA SA LICENSURE EXAMINATIONS FOR TEACHER, PINARANGALAN NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN!

Daet, Camarines Norte (Nobyembre 6, 2014) – Binigyang pagkilala ng Sangguniang Panlalawigan ng Camarines Norte sa pamamagitan ni Bokal Jay Pimentel si Princess Necy Gonzales, ang kauna-unahang visually impaired na pumasa sa Licensure Examinations for Teachers (LET) nitong Agosto 2014 sa buong Bikol.

Sa appearance ni Gonzales kahapon sa sesyon ng SP, nagpasalamat ito sa pagtulong at pag-alalay na ibinigay ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan sa kanya sa kabila ng mga pinagdaanan nito mula sa kanyang pag-aaral hanggang sa pagpasa sa board examinations.

Partikular din na pinasalamatan ni Princess si Bokal Teresita Malubay dahil umano sa pagtulong nito sa kanyang scholarship bago pa man siya makapag-aral.

Ayon pa kay Princess, may panghahawakan na rin umano siyang kredibilidad pagkatapos ng 5 taong pag-aaral at hindi nasayang ang lahat ng paghihirap ng lahat nang umalalay sa kanya.

Inihayag din ng ama ni Princess na si Nonito Gonzales ang naging karanasan nila bago ito makakuha ng examination. Pahayag nito, last minute na umano sila nakapag-asikaso ng mga kinakailangan sa LET, dahil dito ay nawalan pa umano sila ng tutulugan at muntik nang matulog sa terminal ng bus nang kukuha na ng pagsusulit si Princess sa PRC National Office. Sa kabutihang palad ay nakahanap din anya sila ng tutulugan nang makarating sila sa Cubao.

Dagdagpa ni Mr. Gonzales, hindi pa umano rito natapos ang ibinigay na pagsubok sa kanila dahil nang magpapasa na si Princess ng application sa naturang ahensya ay ayaw na itong tanggapin dahil sa lagpas na umano sila sa deadline. Dito na umano umiyak si Princess kasabay ng pakiusap ng kanyang ama na payagan itong makapagpasa pa ng aplikasyon, at dahil nakita ng mga kinauukulan ang kagustuhan ni Princess na makakuha ng pagsusulit ay pinayagan na rin ito.

Lubos din ang pasasalamat ni Mr. Gonzales sa lahat ng tumulong sa kanila, partikular ang Sangguniang Panlalawigan. Dagdag pa ng kanyang ama ay nakausap na rin ni Mrs. Melissa Suarez, Regional SPED Supervisor si Princess dahil siya umano ang kauna-unahang visually impaired na nakapasa ng LET sa buong Rehiyong Bikol.

Sa ngayon ay nagtuturo si Princess sa 6 na visually impaired sa Sta. Elena Central Elementary School at nakatakdang mag-oath taking sa mga susunod na linggo.

Si Princess Necy C. Gonzales ay nagtapos ng Bachelor in Elementary Education Mabini Colleges at kasama rin sa isang performing arts group ng naturang paaralan dahil sa talento nito sa pagtugtog ng keyboard o organ at pag-awit.

Edwin A. Datan, Jr.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *