TULAY NG KABULUAN NG STA ELENA, WALANG KABULUHAN, AYON SA MALAYANG PAMAMAHAYAG NI BOKAL QUIÑONEZ!

TULAY NG KABULUAN NG STA ELENA, WALANG KABULUHAN, AYON SA MALAYANG PAMAMAHAYAG NI BOKAL QUIÑONEZ!

Umalma na ang Sangguniang Panlalawigan ng Camarines Norte hinggil sa patuloy na pagkabalam ng pagsasaayos ng tulay sa Barangay Kabuluhan sa bayan ng Sta Elena.

Sa pamamagitan ng Privilege Speech ipinahayag ni Bokal Gerry Quiñonez, SP Committee chairman on Infrastructure ang kanyang mga pagkwestyon hinggil sa patuloy na pagkaantala ng naturang proyekto na labis nang nakakaapekto sa mga mamamayan ng lalawigan.

Inilatag sa naturang malayang pamamahayag ang iba’t ibang katanungan hinggil sa naturang proyekto na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin malinaw sa publiko.

Tumagal lamang ng humigit kumulang sampung minuto ang pamamahayag ni Quiñonez subalit inabot naman ng halos dalawang oras ang deleberasyon hinggil dito.

Narito ang kabuuan ng Privilege Speech ni Quiñonez, at ang naging daloy ng talakayan:

“TULAY NG KABULUAN, HANGGANG NGAYON WALANG KABULUHAN

                SA ATING GINAGALANG NA TAGA PANGULO, VICE GOV. JONAH PIMENTEL, SA MGA KASAMAHAN KONG MGA BOKAL, SA MGA MEDIA, SA LAHAT NG NARITO SA BULWAGANG ITO, MAGANDANG UMAGA PO SA INYONG LAHAT.

                NOONG NAKARAAN SEPT.19 TAONG KASALUKUYAN, ANG PROBINSYA NG CAMARINES NORTE AY ISA SA MGA PROBISIYA NA NAAPEKTUHAN NG TROPICAL DEPRESSION NA SI MARIO. NA KUNG SAAN ITO AY NAG IWAN NG MALAKING PINSALA SA AGRIKULTURA AT IMPRASTRAKTURA DITO SA ATING PROBINSIYA, AT ISA NA NGA DIYAN SA LUBHANG NAAPEKTUHAN AY ANG DETOUR NG KABULUAN BRIDGE SA BRGY. KABULUAN SAKOP NG BAYAN NG STA. ELENA. ANG KABULUAN BRIDGE AY KASALUKUYANG ISNASAGAWA NG DPWH NG MASIRA ANG NATURANG DETOUR.

             ANG DETOUR AY ANG PANSAMANTALANG DINADAANAN NG MGA MOTORISTA HABANG KASALUKUYANG GINAGAWA ANG PAG REPAIR O CONSTRUCTION NG ISANG TULAY. ANG NATURANG DETOUR HANGGANG SA KASALUKUYAN AY HINDI PA DIN MADAANAN NG MGA SASAKYAN SA NGAYON.

                SA KASALUKUYAN, ANG MGA MOTORISTA NA NANGGALING DITO SA ATING LALAWIGAN AY UMIIKOT SA CAM.SUR PARA MAKARATING NG METRO MANILA O SAAN PANG PANIG NG SOUTHERN O NORTHERN LUZON. ITO PO AY NAGDUDULOT NG MALAKING PERWISYO SA ATING PROBINSIYA LALO NA SA EKONOMIYA AT TURISMO.

         ANG TULAY AY LUBHANG NAPAKAHALAGA SA LAND TRANSPORTATION SAPAGKAT ITO ANG NAGDUDUGTONG UPANG MAKATAWID ANG MGA SASAKYAN SA ISANG ILOG. NOONG NAKARAANG UNDAS MARAMI AKONG MGA NAKAUSAP NA MGA KAIBIGAN AT MGA KAMAG-ANAK NA UMUWI DITO SA ATING PROBINSIYA AT LABIS ANG KANILANG PAGKADISMAYA SA TAGAL NG BIYAHE DAHIL NGA SA ANDAYA HIGHWAY DUMADAAN IMBES NA SA BICOL SOUTH LUZON ROAD. BUKOD PA DIYAN, MAY ADDITIONAL CHARGE ANG MGA BUS SA PAMASAHE SAPAGKAT DAGDAG DAW SA KUNSUMO NG KRUDO ANG PAG IKOT SA ANDAYA HIGHWAY.

                AKO PO AY SADYANG NAGTUNGO SA KABULUHAN BRIDGE UPANG ACTUAL NA TINGNAN ANG TUNAY NA KALAGAYAN NG NASABING TULAY. NASAKSIHAN KO NA KASALUKUYANG GINAGAWA ANG ISANG BAGONG DETOUR SA MAY BANDANG KANAN BAGO DUMATING NG KABULUAN BRIDGE. AT ANG KAPANSIN PANSIN DITO AY MAY MGA HEAVY EQUIPMENT NG PROVINCIAL GOVERNMENT NA TUMUTULONG SA GINAGAWANG DETOUR. AKIN PONG KINAUSAP ANG MGA HEAVY EQUIPMENT OPERATOR AT NALAMAN KO NA SILA AY IPINADALA NI GOV. EGAY TALLADO KINABUKASAN LANG NG MASIRA ANG DETOUR PARA TUMULONG SA PAG REPAIR NG NASIRANG DETOUR. PAGKATAPOS, AKO PO AY NAGTUNGO NA SA KABULUAN BRIDGE, AT NAKITA KO PO NA HALOS KAUNTI PA LAMANG ANG ACCOMPLISHMENT NG NASABING TULAY. DALAWANG POSTE PA LAMANG ANG NAKITA KONG NAKATAYO AT ITO’Y VERTICAL REINFORCEMENT PA LAMANG AT WALA PANG BALOT NG KONGKRETO. SA PUNTONG ITO,

          MARAMING KATANUNGAN ANG SUMAGI SA AKING ISIPAN, KELAN KAYA MATATAPOS ANG TULAY NG KABULUAN? MAGKANO KAYA ANG HALAGA NG PROJECT NA ITO AT ILANG PORSIYENTO NA ANG NAKOKOLEKTA NG CONTRACTOR NITO? KELAN KAYA ITO NAUMPISAHAN AT SINO ANG CONTRACTOR NITO? ITO KAYA AY HINDI NA MAUULIT PA SA MGA TULAY NG ATING MAHARLIKA HIGHWAY? MGA KASAMAHAN KONG BOKAL, MARAPAT LAMANG PO NA IPATAWAG NATIN ANG KINATAWAN NG DPWH UPANG MALAMAN NATIN ANG TUNAY NA SITUWASIYON NG PROYEKTONG KABULUAN BRIDGE, NG SA GANON AY MAGKAKAROON NG KASAGUTAN ANG MGA KATANUNGAN PARA MAIBSAN NA ANG PAGHIHIRAP NG ATING MGA KABABAYAN, AT KUNG ANO ANG PUWEDENG GAWING HAKBANG O TULONG NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN SA PROBLEMANG ITO.

                HANGGANG DITO NA LAMANG PO AT MARAMING SALAMAT SA INYONG PAKIKINIG. MAGANDANG UMAGA PONG MULI SA INYONG LAHAT.” – Bokal Gerry Quiñones

<End of PS>

Labis din ang hirap umano na dinaranas ng mga pasahero ng isang Superlines Bus Company na nag tatransfer ng pasahero mula sa kabilang kabilang bahagi ng tulay tungo sa naghihintay na bus mula naman dito sa kabilang bahagi. Lalo na anya ang may maraming bahage. Lubha ring mapanganib sa pag akyat at baba sa matarik na hagdan.

Matapos ang mahabang deleberasyon, napagkasunduan sa sesyon ang pagimbita kay Dist Engr. Elmer Redrico, Regional Director ng DPWH, BEMKAR Construction, PB Tatoy De Guzman ng Brgy Kabuluhan at ang Opisyal ng Pamahalaang Lokal ng Sta Elena sa susunod na sesyon, alas 10 ng umaga.

D.E. REDRICO’S INTERVIEW:

Samantala, sa eksklusibong panayam ni Jun Quibral ng Kadamay Network, PBN-DZMD kay DPWH Camarines Norte Dist. Engr. Elmer Redrico, sinabi nitong pananagutin ang kontratista ng naturang tulay sakaling hindi ito umabot sa itinakdang araw para sa pagtatapos ng Phase 1 ng naturang proyekto.

Ngayong Nobyembre 24, 2014 dapat anya ay tapos na ang nasabing pagawain (Phase 1) matapos na humingi ng dalawampung (20) araw na extension dulot ng mga pag-ulan ang BEMKAR Construction, na syang may hawak ng kontrata.

Ayun kay Engr. Redrico, dalawa ang may hawak ng kontrata sa nasabing tulay, ang BEMKAR Construction para sa Phase 1 at ang EUS Construction para naman sa Phase 2. Hindi pa anya makapagsimula ang EUS, dahilan na rin sa hindi pa din naman natatapos ang phase 1 kung saan naman ito magsisimula para naman sa phase 2.

Tinukoy ng naturang opisyal ng DPWH ang isinasaad sa Republic Act. No. 9184 na magpapataw ng kaukulang multa sa sinumang kontratista na hindi susunod na nilalaman ng kontrata. Bukod sa multa, magbabayad pa ang kontratista para sa liquidated damages sa pamahalaan.

Kung sa mga naunang pamunuan ng DPWH sa lalawigan ay walang napanagot sa mga depektibong kontrata, “This time, we mean business!” pagbabanta ng opisyal.

SP DELIBERATION:

Pagkatapos ng pamamahayag ni Quiñonez, unang nagbigay ng reaksyon si bokal Pol Gache, at ipinahayag din ang pagkadismaya sa sitwasyon. Subalit karugtong nito ang pagtatanong kung may nakikita bang karatula ang privilege taker. Katulad din anya ito ng mga road widening na isinasagawa sa mga lansangan ng ikalawang distrito ng lalawigan na wala ring makikitang karatula. Wala rin anya syang nakikitang “pula” sa nasabing mga pagawain, na palaisipan naman sa ilan kung ano ang tinutukoy na pula ng naturang bokal.

Sagot ni Quiñonez, na maging sya ay ito din ang unang hinanap kung kayat nag bunsod nga sya sa privilege speech dahil sa kawalan ng billboard na maaari sanang sumagot sa kanyang mga katanungan.

Tanong naman ni bokal Mike Canlas kung ang karatula ba ay makatutulong para masulusyunan ang suliranin. Nilinaw din nito na wala talagang pulang makikita dito sa ikalawang distrito dahil berde naman ang kulay ng mga karatula ni Congressman Eming Panotes ng 2nd District. At ang hinahanap na pula na nasa unang distrito.

Binatikos naman ni PCL President Bokal Jay Pimentel ang naging katanungan ni Bokal Canlas hinggil sa karatula. Aminadong napikon si bokal Pimentel sa nasabing katanungan na anya’y hindi na kailangan pa ang nasabing tanong dahil alam naman ng lahat na hindi makakatulong ang karatula sa pagpapatapos ng isang proyekto, bagamat kailangan pa rin ito upang magbigay ng impormasyon at detalye ng isang pagawaing bayan.  Sa dakong huli ng deleberasyon, humingi naman ng paumanhin si Bokal Mike dahilan sa anya’y hindi dapat nya itinanong sa privilege taker ang hinggil sa karatula dahil wala naman itong tinuran bagkus ay nagmula kay bokal Gache ang naturang usapin. Tinukoy din ni Bokal Pimentel ang hinggil sa krisis na kinakaharap ngayon ng mga magsasaka sa lalawigan na labis na apektado ng nasabing sitwasyon. Bumabagsak na anya sa ngayon ang presyo ng mga produktong agrikultura dahilan na rin sa bumababa ang kalidad nito sa haba ng biyahe palabas ng lalawigan. Gayun din ang dagdag na gastusin

sa transportasyon. Sang-ayun din si Pimentel sa mungkahi ni Bokal Gerry Quiñonez na kausapin na ng SP ang lahat ng mga ahensya ng pamahalaan na makakatulong sa mabilisang pagpapaayos ng tulay.

Samantala, kinuwestyon naman ni Liga ng mga Barangay President Bokal Ramon Baning ang matagal nang pananatili ng mga heavy equipment ng pamahalaang panlalawigan sa brgy Kasalugan. Tanong ng punong barangay kung bakit ang pamahalaang panlalawigan ang gumagawa nito.

Nilinaw naman ni Vice Governor Jonah Pimentel na base sa kanilang paguusap ni Governor Edgardo Tallado, wala na itong ibang inisip pa kundi ang makatulong sa mabilisang paraan dahilan sa ang mga mamamayan ng Camarines Norte ang nakasalalay dito, maging ang ekonomiya ng lalawigan.

Dagdag naman ni bokal Quiñonez, base anya sa DPWH, ubos na ang pondo ng kontratista para sa nasabing nasirang detour at dahil ang pagkasira ay dulot ng kalikasan, obligasyon din ng DPWH na tumulong sa pagsasaayos nito. Sa ngayon ay nanggagaling na umano sa maintenance fund ng DPWH ang ponding ginagamit dito.

Naging kontrobersyal naman ang usapin na binuksan ni bokal Bong Quibral. Anya, hindi tama na gamitin ang salitang “Walang Kabuluhan” sa privilege speech ni Quiñonez dahil may kabuluhan naman anya ang mga tao sa nasabing lugar. Anya, bilang district representative ng bayan ng Sta Elena, ipinagtatanggol lamang nya ang mga mamamayn doon na nagsasakripisyo 24 oras para lamang mag bigay ng impormasyon sa mga motorista hinggil sa kalagayan ng bagong detour raod/spillway kung mataas o mababa ang tubig. Maging ang punong barangay din anya doon na si PB Tatoy De Guzman at ang mga tanod nito ay puspusan din ang pagbabantay at pag tulong sa mga nababalahong motorista tuwing tumataas ang tubig.

Nilinaw ni Quibral na passable na sa isang detour sa lugar ang mga light vehicles/SUVs at maging ang mga malalaking sasakyan kung hindi mataas ang tubig ilog. Malaking tulong anya ang ilang mga personalidad sa lugar na nag lagay sa karatula ng kanilang numero ng cellphone upang mag silbing information center sa mga motorista hinggil sa kalagayan ng ilog. Boluntaryo din itong magbibigay ng honorarium sa nag sisilbing reporter upang mabigyan naman ng kompensasyon sa kanilang sakripisyo. Hiniling din nito na magkaroon ng kahalintulad na karatula sa mga lugar ng Daet, Talobatib at Tigbinan na may numero ng mga impormante ng kalagayan ng ilog.

Hindi naman naging katanggap tanggap kay Vice Governor Jonah Pimentel ang naging pahayag ni bokal Quibral hinggil sa terminong ginamit ni Bokal Gerry sa kanyang Privilege Speech, partikular ang “Walang Kabuluhan”. Muling pinabasa ni VG Pimentel ang titulo ng malayang pamamahayag kay Quiñonez at malinaw naman anyang hindi ang mga tao doon ang tinutukoy na walang kabuluhan kundi ang tulay lamang.

Hindi na rin naman nakatiis si Bokal Pamela Pardo sa pagsasabing itigil na ang pagtatalo sa walang kabuluhang usapin.

Nababahala si Bokal Pardo hinggil sa epektong idinudulot ng naturang suliranin sa turismo ng Camarines Norte. Anya, maging sya ay nakakaranas din ng matinding epekto nito sa tuwing sya bibiyahe palabas ng lalawigan. Tinanong ni Pardo kung ano naman ang ginagawa na ng kinatawan ng unang distrito ng lalawigan na si Representative Catherine B. Reyes. Anya marapat lamang na gumalaw din si Cong. Reyes dahilan sa ito ay kanyang nasasakupan.

Nais naman magpahayag ni Bokal Bong Quibral ng mga ginagawa ni Cong. Reyes Hinggil sa suliranin subalit agaran itong hinarang ni Bokal Romeo Marmol. Rason ni Marmol walang awtorisasyon si bokal Quibral para magsalita sa ngalan ni Reyes. Samantalang pinayagan naman ni Vice Governor Jonah Pimentel na magsalita si bokal Quibral matapos na hiniling ni Bokal Pardo na mapakinggan ang sasabihin nito.

Ayun kay Bokal Bong Quibral, personal nyang nalalaman ang maagang pakipag ugnayan ni Congreswoman Barcelona-Reyes mismo kay DPWH Secretary Rogelio Singson isang araw kinabukasan matapos na masira ang tulay. Wala rin anyang tigil ang pakikipag usap ng kinatawan kay sa kalihim upang mapabilis ang pagsasaayos ng tulay, bagay na sinang-ayunan din ni Bokal Mike Canlas.

Sa kabila ng pahayag ni Quibral, hiniling ni Bokal Marmol na imbitahan sa sesyon si Congresswoman Reyes. Hindi komportable dito si Vice Governor Jonah Pimentel dahilan sa tila awkward  o hindi marapat na ipatawag o imbitahan ng Sangguniang Panlalawigan ang kinatawan ng lalawawigan. Malinaw anya ang reyalidad na mas superior ang Kongreso kesa sa SP kung kayat sa kanyang pananaw ay alanganin kung gagawin nila ito, subalit maaari naman na magtanong na lamang sa kongresista sa pamamagitan ng letter of inquiry.

Samantala, iminungkahi naman ni bokal Erwin Lausin na tumungo ang Sangguniang Panlalawigan sa tanggapan ni District Engineer Elmer Redrico upang malaman ang lahat ng mga bagay bagay hinggil sa usapin. Katulad anya ng kanilang ginawa noon sa isyu ng mabulao bridge ay naging makabuluhan at nabigyan sulusyon. Subalit, sa pagtatapos ng sesyon ay binawi na rin ni Lausin ang kanyang panukala matapos na igiit ng kanyang mga kasamahan na kinakailangang sa SP session dumalo ang nasabing opisyal upang mas maging bukas sa publiko.

Katulad nina bokal Canlas at Baning, tinanong din ni Lausin ang matagal nang pananatili ng  heavy equipments sa site gayung dapat din naman itong mapakinabangan ng ibang mga bayan sa lalawigan. Pinasaringan din ni Lausin si bokal Gache na tumutok lamang sa kung ano ang usapin at nang pumasok ng ibang isyung wala namang kinalaman sa tema.

Ang mga produktong agrikultura din ang kinababahala ni Bokal Senen Jerez na kung magpapatyloy ang ganitong sitwasyon ay tuluyang malulugi at kaawa-awa ang mga magsasaka ng lalawigan. May kaugnayan naman sa karatula, sinabi ni Jerez, bilang isa ring kontratista, obligasyon ng kontratista na maglagay ng billboard na may sukat na kasing laki ng isang plywood at nakalagay ang lahat ng impormasyon may kaugnayan sa proyekto.

Bagamat hindi naman anya sya inhenyero, base sa kanyang napagmasdan ay makikita ang malinaw na paglabag ng kontratista sa standards ng isang proyekto. Makikita anya ang sukat ng ginamit na culvert ay tila hindi akma sa sitwasyon doon. Giit nito na managot ang dapat managot o kung sino ang mapatutunayan na may pagkukulang dahilan sa labis na perwisyong idinulot nito sa lalawigan.

Ayun naman kay Vice Governor Pimentel, base sa assessment ng isang pribadong technical person ay lumalabas na mali ang ginamit na culvert, marapat anyang box culvert ang ginamit dito upang makalusot ang mga debris na dala ng tubig ulan mula sa kabundukan.

Pabor din naman sina Bokal Renee Herrera at Tess Malubay na ipatawag sa sesyon ang nabanggit na mga opisyal. Ramdam din ng mga ito ang matinding epekto ng nasabing sitwasyon sa mamamamayan ng Camarines Norte. Hangad din ng mga ito na mapabilis ang pagsasaayos upang ganap na maibalik sa normal ang daloy ng transportasyon papasok at palabas ng lalawigan.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published.