MGA NAKUMPISKANG ILEGAL NA DROGA NG PDEA MULA SA MGA OPERASYON SA CAMARINES NORTE, SINUNOG!

MGA NAKUMPISKANG ILEGAL NA DROGA NG PDEA MULA SA MGA OPERASYON SA CAMARINES NORTE, SINUNOG!

Daet, Camarines Norte (Nobyembre 7, 2014) – Sinunog kahapon (Nobyembre 6, 2014) sa isang open field sa likod ng Munisipyo ng Daet ang samu’t saring illegal na droga na mga nakumpiska sa mga nakaraang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency sa lalawigan ng Camarines Norte.

Sa panayam ng Camarines Norte News kay Cotton Yuson, Public Information Officer ng PDEA – Region V, sinabi nito na ang pagsunog sa mga nakuhang droga bilang ebidensya ay bahagi ng batas sa ilalim ng RA 9165 – Sec. 21 mula mga natapos nang kaso, tulad ng pagka-dismiss o nahatulan na.

Kinakailangan din umanong sirain ang mga droga upang hindi lumabas na nagkakaroon lamang ng pag-rerecycle at para hindi na magamit ulit ang mga ito batay na rin sa utos ng korte.

Ayon pa kay Yuson, hindi naman umano masama ang pagsusunog nito dahil mayroon itong permit mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Environmental Management Bureau (EMB). Kalakip din anya ng pagsusunog sa mga droga ay ang panuntunan sa limitadong distansya ng mga magsisilbing saksi at manonood.

Kaugnay naman ng isinagawa ring Family Drug Abuse Prevention Program sa parehong araw na dinaluhan ng mga iba’t ibang barangay officials, pahayag ni Yuson na ito umano’y parte ng mandato ng PDEA upang makapagbigay ng impormasyon at mga kaalaman sa mga kinauukulan at mga mamamayan ukol sa pagsawata ng mga ipinagbabawal na droga.

Katuwang ng PDEA sa naturang programa ang lokal na pamahalaan ng Daet, Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), at mga barangay, layunin din umano nito na tutukan ang pamilya na itinuturing nilang madalas maging biktima ng mga ilegal na droga upang sa simula pa lang umano ay mailayo na ang interes sa paggamit nito.

Sa ngayon umano, ayon sa datos mula sa mga isinagawa nilang mga operasyon ay nasa “manageable side” ang kalagayan ng buong rehiyong Bikol pagdating sa pagsugpo ng mga ilegal na droga. Anya, palaki ng palaki ang quantity ng mga drogang nakukuha nila dahil na rin umano sa mas marami na ang nakikiisa at tumutulong sa kanilang mga panawagan hinggil sa pagsugpo sa ilegal na droga.

Sinaksihan naman ng ilang media, barangay officials, at miyembro ng PDEA ang pagsusunog ng mga droga na may halagang umaabot sa P400,000 na pawang mga shabu na may kabuuang timbang na umaabot sa 55 grams, marijuana na may 100 grams, at mga drug paraphernalia.

Edwin A. Datan, Jr.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *