Cebu City, Cebu (Nobyembre 10, 2014) – Dadalo si Gov. Egay Tallado sa Partnership Against Hunger and Poverty (PAHP) National Workshop sa ika-11 hanggang ika-12 ng Nobyembre 2014 sa Cebu City, upang ibahagi ang mga kaalamang nakuha sa epektibong implementasyon nito sa Camarines Norte na isa sa napiling pilot area sa Bicolandia nitong nakalipas na taon hanggang sa kasalukuyan.
Ang proyektong PAHP ay isa sa mga hakbangin ng pamahalaan upang tugunan ang pangangailangan ng mga pamayanan sa pamamagitan ng pag-uugnany ng mga programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Agriculture (DA), at sa tulong ng lokal na pamahalaan bilang sagot sa “poverty reduction, hunger mitigation, and food security” sa mga komunidad.
Ipinahayag ni Gov. Egay Tallado na ang ipinapakitang suporta at pakikiisa ng pamahalaang panlalawigan sa proyekto ay upang masiguro na ang bawat CamNorteno ay “may pagkain sa kanilang hapag kainan, tatlong beses sa isang araw.”
Ang PAHP framework ay hango sa epektibong programa ng gobyerno ng Brazil na Zero-Hunger Plan and the Food Purchase Program.
Napili ang Camarines Norte bilang pilot area sa LGU level bunsod sa matagumpay na pakikipag-ugnayan nito sa iba pang programa katuwang ang mga nabanggit na ahensya ng pamahalaan. Layunin ng national workshop na alamin ang mga epektibong hakbang na ginawa sa mga pilot areas at maibahagi ito sa iba pang lalawigan.
Maliban kay Gov. Egay Tallado ay magbibigay rin ng kanilang mga kaalaman tungkol sa PAHP sina Camarines Sur Congresswoman Leni Robredo, kakatawan sa congressional district level; Dipolog City Mayor Evelyn Uy, para naman sa city government level; at ang mula sa Castilla, Sorsogon para sa municipal level.
Norj Abarca
CNNews Correspondent