PANAWAGAN PARA SA PAGPAPABABA SA PWESTO KAY GOV. TALLADO, ISINAGAWA SA BAYAN NG DAET; GOBERNADOR, NASA PAHP NATIONAL WORKSHOP NAMAN SA CEBU!

I-click -> Detalye ng opisyal na lakad ni Gov. Tallado sa Cebu

Daet, Camarines Norte (Nobyembre 10, 2014) – Nagsagawa ng kilos-protesta ang humigit-kumulang sa 500 katao at kinabibilangan ng ilang grupo tulad ng Tallado Resign Movement, Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) – Camarines Norte Chapter, Samahan ng mga Kababaihan – Daet Chapter, Urban Poor AssociationUni – Lakan Lakas ng Kababaihan – Labo Chapter, World Collegiate for the Research of Principles (W-CARP), at Federation of Tricycle Operators and Drivers Association (FETODA), kaninang umaga upang ipanawagan ang pagbibitiw sa pwesto ni Gob. Edgardo Tallado kaugnay ng mga kontrobersiyang kinasangkutan nito.

Panawagan ng iba’t ibang mga nagsalita ang pagbibitiw sa pwesto ni Gob. Tallado dahil umano sa kahihiyang idinulot nito sa Lalawigan ng Camarines Norte.

Mula Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH) kung saan nagtipon-tipon ang mga naturang grupo ay naglakad ang mga ito hanggang sa bahagi ng Jose Rizal Street kung saan sila nagprograma gamit ang isang truck na nagsilbing entablado at mga speakers.

Hindi naman nakapasok sa loob ng Provincial Capitol Compound ang mga nagpoprotesta matapos na i-padlock ng mga guwardya ng kapitolyo ang mga gate. Paliwanag ni Warden Rey Pajarillo, kinakailangan nilang pigilan papasok ang mga demonstrador dahilan na rin sa posibleng makaabala sa mga nagtatrabaho at transaksyon sa kaptolyo ang nasabing rally. Nabatid din na tanging sa Jose Rizal Street lamang pinahintulutan sa kanilang permit ang mga raliyista upang magpahayag.

Subalit, sa kabila nito ay lumipat pa ang mga demonstrador sa isang bakanteng lote sa bahagi ng F. Pimentel Street cor. Dasmariñas Street dahil na rin sa paglalabas ng kapitolyo ng malalaking mga speakers upang magpatugtog na malakas dahilan upang hindi marinig ang mga pagpapahayag ng mga nagprotesta. Ipinahayag din ng mga nagpo-protesta ang kanilang mga saloobin sa pamamagitan ng pagsusulat sa mga pader ng mga katagang “Tallado Resign”.

Ilan sa mga nagsalita ay kumakatawan sa sektor ng kabataan at kababaihan na nanawagan din sa Sangguniang Panlalawigan hinggil sa pagdinig ng kaukulang aksyon na kinasasangkutan ng gobernador.

Isang nagpakilalang pari na si Rev. FR. Sofronio Albana na umano’y nakatalaga sa Bayan ng Sta. Elena ang napaulat na hindi naman miyembro ng kaparian sa Diocese ng Daet . Ayon sa pagkakakilala ng ilang mga nagsipagdalo, isang miyembro ng simbahang katoliko si Rev. Fr. Albana kung kaya’t mas nahikayat silang sumama. Nilinaw ng source mula sa Diocese ng Daet, wala silang kasamahan na Sofronio Albana sa simbahang katoliko sa lalawigan.

Bandang alas-11 ng umaga ay natapos din ang protesta.

Bago pa ito, naglakad kahapon ang Tallado Resign Movement mula sa Bayan ng Sta. Elena, Camarines Norte hanggang sa First Rizal Monument sa Bayan ng Daet na may mga dalang streamers na may nakasulat na “Ibangon ang dangal ng Camarines Norte” at Magresign ka na”.

Sa naging panayam naman ng Camarines Norte News kay Jho Villa, mula sa W-CARP, inihayag nito na ang binibigyang pansin ng kanilang grupo ay ang ginawa anya ni Gob. Tallado na dahilan upang magkakaroon ng problema ng kanyang pamilya at hindi ang panawagang pag-reresign nito. Naniniwala umano ang W-CARP sa kahalagahan ng kasal na lubhang sagrado. Isa rin sa binabatikos ng W-CARP ay ang pagkakaroon umano ng sex scandal ng isang public official dahilan upang madawit ang lalawigan ng Camarines Norte. 

Leave a Reply

Your email address will not be published.