Daet, Camarines Norte (Nobyembre 12, 2014) – Tumungo sa Sangguniang Bayan ng Daet kahapon ng umaga (Nov. 11, 2014) ang mga nagtitinda ng prutas sa paligid ng palengke at ilang mga mobile/ambulant vendors ng Daet kaugnay sa kaatasan na tuluyang nagpapaalis sa kanila sa kanilang mga pwesto.
Reklamo ng mga Vendors na hindi napapanahon ang pagpapaalis sa kanila dahilan sa nalalapit na kapaskuhan at bagong taon kung saan ito ang panahon na kumukita sila na maayos o makabawi sa isang buong taong mahina ang kita.
Hindi rin umano sila magkakasya sa paglilipatan sa Brgy IV dahil sa dami nila at napakaliit ng pwesto doon, sa bahagi naman ng Central Terminal, wala din naman anyang maayos na pasilidad at nagkakasakit lamang anila ang kanilang mga kasamahang magtitinda sa sobrang init ng lugar at walang maayos na bubong.
Hiling ng mga magtitinda na pagkatapos na lamang ng eleksyon ipatupad ni Mayor Tito Sarion ang kautusan ng Market Administrator na tuluyang paglilinis ng mga illegal vendors sa bisinidad ng pamilihang bayan ng Daet at sa buong commercial district ng munisipalidad. Ang nasabing kautusan ay alinsunod sa ipinalabas na kaatasan ni Municipal Administrator Elmer Nagera na may bilang EO 0758-2014 na may petsang Sept. 31, 2014 na nag aatas kina Mun. Engr. Jesus Fernandez, Market Administrator Joey Cerilo, PSTMO Head Ramon Ramos at MENRO Head Rene Rosales para sa clearing operation sa mga lugar ng Felipe II St., Pineapple St. at sa buong bisinidad ng pamilihang bayan ng Daet bilang implementasyon
naman ng E.O. 028-1014 ni Mayor Tito Sarion na una na ring inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan sa pamamagitan ng resolution No. 466-2014. Ito ay ang pagbubuo ng “Task Force maaliwalas na Daet”.
Simula pa nooong Nobyembre 8, 2014 nang iatas ni Market Administrator Joey Cerilo sa kanyang mga tauhan ang pagpapaalis sa mga ambulant Vendors at inirekomenda ang isang bakanteng lote sa may Vicente Basit St. sa may kanto ng tulay, malapit sa 101 Dept. Store at gayundin sa Daet Central Terminal kung saan ay may nakatalaga na ring pwesto para sa mga magtitinda. Magtatapos ang palugit hanggang sa Nobyembre 15, 2014 na lamang para sa nasabing mga magtitinda.
Tiniyak ni Cerilo na magiging patas ang kanilang implementasyon nila dito at siguro din na maayos ang paglilipatan ng mga ito.

Samantala, sa naging pahayag naman ni Municipal Administrator Elmer Nagera sa Sangguniang Bayan En Bank Session kahapon, inilatag nito ang tatlong mga kadahilanan ng naturang clearing operation; una ay ang reklamong tinatanggap ng pamahalaang lokal mula sa mga lehitimong may pwesto sa palengke na nagbabayad ng sapat na buwis, na halos naaapektuhan na rin ang kinikita bunsod ng mga ambulant vendors sa labas at paligid pa lamang ng palengke; pangalawa ay ang hindi na madisiplinang mga magtitinda na hindi na sumusunod sa mga alituntunin ng palengke, katulad ng pag eextend ng kanilang mga stall sa labas ng kanilang mga tindahan, na ang iba ay ginagawa nang tirahan ang stall kung kayat nagiging magulo na ang sitwasyon sa nasabing paligid ng palengke; at ang pangatlo ay ang isasagawang pagsasaayos ng drainage sa bahagi ng Felipe II St. at Pineapple St sa mga darating na linggo. Sa parte naman ng Sangguniang bayan, una nang hiniling ni Acting Mayor Ahlong Ong na hintayin na muna ang pag dating ni Mayor Tito Sarion bago ipatupad ang nasabing kautusan. Sinabi naman ni Konsehal Felix Abaño na nagawa na ng Sangguniang Bayan ang kanilang trabaho sa usaping ito at may nailatag nang ordinansa kung kayat
nasa kamay na ito ng ehekutibo. Ayun naman kay konsehal Sherwin Asis, marapat na sa alkalde na sila makipag-dayalogo o sa tanggapan ni Mun. Admin Nagera at Market Administrator Cerilo at upang doon mapag-usapan ang maaaring maging sulusyon na papabor sa magkabilang panig. Anya, hindi din nagkulang ang pamahalaang lokal sa usaping ito dahilan sa may inilalatag namang alternatibong paglilipatan ang mga vendor sa pagpapatupad ng clearing operation.
Samantala, sa pinakahuling paglilinaw ni Mun. Admin. Elmer Nagera, sinabi nito na pahihintulutan na nila na hanggang January 6, 2015 pagbibigyan nila ang nasabing mga manininda sa bahagi ng Felipe II St. at Pineapple St bilang konsiderasyon para sa kapaskuhan at bagong taon.
Kaakibat naman ng pagpapahintulot ng LGU – Daet ang pangako ng mga magtitinda na pananatilihin nilang malinis at maayos ang nasabing mga pwesto.
Samantala, sa ngayon ay isinasaayos pa lamang ang magiging laman ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng may ari ng lupa sa Brgy IV, malapit sa 101 Dept. Store, sa Vicente Basit St. at ng pamahalaang lokal ng Daet upang maging malinaw kung hanggang kailan naman maaaring magamit ang nasabing pwesto bilang paglilipatan ng mga mapapatalsik na mga ambulant vendors sa pamilihang bayan ng Daet kasama na ang mga Fruit vendors.
Gian Grijalvo
Camarines Norte News