Labo, Camarines Norte (Nobyembre 14, 2014) – Nasawi si Jeffrey N. Ibale, 25 taong gulang, may kinakasama, construction worker, may ari ng student license No. E01-13-S05582 may bisa hanggang September 16, 2016, driver ng itim na motosiklo na may “For Registration” plate, at residente ng Purok 4, Barangay Macogon, Labo, Camarines Norte matapos itong masangkot sa isang vehicular accident sa Purok 4, Barangay Malatap, Labo, Camarines Norte, nitong Nobyembre 12, 2014 (Miyerkules) bandang alas 4 ng hapon.
Batay sa ulat na ipinadala ni P/Supt. Geoffrey Navida Fernandez, Acting Chief of Police of Labo Municipal Police Station (MPS), lumalabas sa inisyal ng pagsisiyasat ng Labo MPS na isang Superlines Bus na may body number 676 at plate number UWN 607 na minamaneho ni Juanito Bardon, nasa wastong gulang, at residente ng Barangay Sta. Cruz, Labo, Camarines Norte, ang nag-overtake sa isang tricycle dahilan upang sakupin ang kabilang linya sanhi upang magkaroon ng head-on collision ang kasalubong na motorsiklo na sinasakyan ni Ibale.
Dahil dito, nagtamo ng iba’t ibang sugat sa ulo at katawan ang biktima at dinala sa Labo District Hospital ngunit idineklara na itong “Dead On Arrival” ng umasikasong duktor.
Samantala, pinaghahahanap na ngayon ng otoridad si Bardon na nakita umanong sumakay ng jeep na biyaheng Daet, Camarines Norte matapos ang insidente.
Nanatili naman sa kustodiya ng Labo MPS ang nasangkot na Public Utility Bus (PUB), habang ang motorsiklo naman ay pansamantalang nasa ilalim ng pangangalaga ng Camarines Norte Public Safety Company (CN-PSC) sa detachmeng ng Bagong Silang.
Dinala naman ang labi ni Ibale sa Funeraria Belmonte sa Bayan ng Labo upang magsagawa ng otopsiya
Patuloy pa rin ang pagsasagawa ng follow up investigation ng mga otoridad upang madakip ang tumakas na driver ng Superlines Bus habang inihahanda na rin ang mga kaukulang dokumento sa pagsasampa ng kasong kriminal laban sa suspek.
Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News