MOBILE TEACHERS NG ALTERNATIVE LEARNING SYSTEM – CAMARINES NORTE, BINIGYAN NG PAGKILALA NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN!

MOBILE TEACHERS NG ALTERNATIVE LEARNING SYSTEM – CAMARINES NORTE, BINIGYAN NG PAGKILALA NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN!

Daet, Camarines Norte (Nobyembre 20,2014) – Binigyan ng pagkilala kahapon (Nobyembre 19, 2014) sa ginanap na ika-65 sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ang 12 Mobile Teachers ng Alternative Learning System (ALS) sa lalawigan ng Camarines Norte na nakapagpatapos ng 291 mag-aaral noong Hulyo 10, 2014.

Ang pagbibigay ng pagkilala sa mga naturang guro ay batay sa SP Res. No. 331 – 2014 mula kay Bokal Romeo Marmol, Floor Leader at may akda ng naturang resolusyon. Ayon BM Marmol, ang pagtatapos ng 291 na mag-aaral na produkto ng ALS ay dinaluhan nina Dr. Arnulfo Balane, Division of Schools Superintendent – Camarines Norte, at Ramon Fiel Abcede, Regional Director, Department of Education – Region V.

Ang programa ng DepEd na ALS ay isang paraan upang mabigyan ng pagkakataon ang mga nahinto sa pag-aaral subalit nais makapagpatuloy at makapagtapos ng high school sa loob lamang ng 8 buwan na may edad na 11 taong gulang pataas.

Anya, isa sa mga nagtapos sa secondary level na talagang hinangaan ng marami ay isang 55 taong gulang dahil sa pagsusumikap nitong sa pag-aaral. Karamihan ay mga nanay at tatay, at mayroon ding mga inmates.

Ang mga nakatanggap ng Plaque of Recognition ay sina:

Ms. Roselle T. Florido (Jose Panganiban – East District)

Ms. Cherry M. Macabuhay (Capalonga District)

Mr. Nelson I. Bance (Sta. Elena District)

Ms. Melinda J. Elnar (Paracale District)

Ms. Dionida Z. Abogado (Basud District)

Ms. Mila G. Osea (Talisay District)

Mr. Jonathan F. Rosalinas (San Lorenzo Ruiz District)

Ms. Estrella V. Estrella (Mercedes District)

Mr. Ramin I. Rasco (Labo – East District)

Ms. Emelyn C. Brizuela (Labo – West District)

Ms. Blesilda R. Panotes (Daet – North District)

Ms. Lisa D. Luntok (Daet – South District)

Binigyan din ng pagkakataong makapagbigay ng pasasalamat si Angela Serrano, residente ng Brgy. Del Carmen, Bayan ng Talisay, at isa sa mga nakapagtapos sa programang ALS, nagtapos ng kursong Education, at nakapasa sa nakaraang Licensure Examination for Teachers (LET).

Ayon kay Serrano, kasalukuyan siya ngayon ay ang Guidance CounselorTesting Coordinator, at nagtuturo ng mga asignaturang MAPEH at TLE sa Eugenio Quintela Memorial High School, Brgy. Banocboc, Calaguas Island, Bayan ng Vinzons. Bagama’t siya ay nagtapos ng English Major ay nasa kakayahan at mga kaparaanan naman umano ng guro ang pagiging epektibo sa pagtuturo ng ibang asignatura.

Pinasalamatan din Serrano ang lahat ng naging guro niya sa ALS at ang mismong programa na ito na naging ugat sa kanyang pagtatagumpay bilang isa na ring guro sa kabila ng lahat ng mga pagsubok sa kanyang pinagdaanan sa buhay. Ginagawa na rin umano nya ngayong maging instrument upang mapaabot sa kaalaman ng kanyang mga mag-aaral ang kahalagahan ng pag-aaral sa kanlang mga buhay. Nakatanggap din si Serrano ng Certificate of Appreciation mula sa Sangguniang Panlalawigan bilang pagkilala.

Sa pahayag naman ni Mr. Ramon I. Rasco, Pangulo ng ALS – Camarines Norte, sinabi nito na taong 1999 nang magsimulang magkaroon ng mobile teachers sa lalawigan. 3 pa lamang umano sila noon na nagtuturo sa mga kababayan sa mga barangay at remote areas bilang community-based teachers.

Sa ngayon anya ay 14 na ang mobile teachers sa lalawigan na kung saan ay nakapag-ikot na rin sa ibang panig ng bansa upang magturo. Naging kinatawan na rin ang mga naturang guro mula sa Camarines Norte sa Asia-Pacific Region at nakarating sa bansang Indonesia upang magmasid at pag-aralan ang kaparehong programa. Nakapagturo na rin umano sila sa mga bilangguan at marami na rin ang napagtapos nila sa lalawigan sa pamamagitan ng ALS.

Marami na rin umanong natatanggap na parangal ang ALS – Camarines Norte nitong mga nakalikod na taon tulad ng paggawad ng Most Outstanding Mobile Teacher, at iba pa.

Sa huli ay pinasalamatan ni Rasco ang lahat ng miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na nagkaloob ng tulong sa kanila, partikular sa kanilang programang “Abot-alam” na nakapagbunga na nag 25 mga instructional managers.

Samantala, iminungkahi naman ni Vice Governor Jonah Pimentel na kung maaari ay isama sa kanilang pagtuturo ang kahalagahan at tungkuling ginagampanan ng Sangguniang Panlalawigan at Pamahalaang Panlalawigan sa mga barangay upang lalo pang mabigyan ng kaalaman ang mga mag-aaral pagdating sa pagtugon sa kanilang mga pangangailangan.

(photo credits: Sangguniang Panlalawigan Camarines Norte Facebook Account)

Edwin Datan, Jr.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *