SANGGUNIANG PANLALAWIGAN, DISMAYADO SA HINDI PAGSIPOT NI PD PAGADUAN SA KANILANG IMBITASYON SA SESYON; ILANG BOKAL, PINAGBIBITIW NA ANG PNP PROVINCIAL DIRECTOR!

Daet, Camarines Norte (Nobyembre 20, 2014) – Nadismaya ang ilang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan matapos na hindi makadalo sa kanilang paanyaya si PS/Supt. Moises Cudal Pagaduan, Acting Provincial Director ng Philippine National Police – Camarines Norte sa sesyon ng Sangguniang Panlalawigan nitong nakatalikod na Martes (Nobyembre 18, 2014) kaugnay ng isyu hinggil sa pagpapahinto ng small scale mining sa Sitio Maning, Brgy. Casalugan, Bayan ng Paracale.

Sa naging sulat ni PD Pagaduan sa Sangguniang Panlalawigan, sinabi nito na mayroon umano siyang dinaluhang mahalagang lakad sa PNP National Headquarters dahilan upang hindi ito makapunta sa naging paanyaya sa kanya ng SP.

Nagmungkahi naman si Bokal Gerry Quiones na muling imbitahan si PD Pagaduan sa susunod sesyon ng SP. Ito rin umano ay kaugnayan sa naging sulat ng opisyal sa kanya kung saan binabanggit umano nito na tila sa kanyang pakiramdam ay inaatasan na siya ni Pagaduan na pamunuan ang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng DENR, PENRO, MGB, Local Government Units (LGU’s) at Chief of Police ng Paracale dahil hindi na nito kayang mapahinto ang illegal mining activities sa naturang lugar at bigyan ito ng solusyon.

Ayun pa kayo BM Quiones, ito ay batay sa kanilang resolusyon hinggil sa pagpapahinto sa mga illegal small scale mining operation sa lugar sapagkat may mga balita na rin umano na nasasawi na hindi nailalagay sa blotter report.

Dagdag pa nito Quiones, nakalagay pa rin anya sa naturang sulat na mayroon namang mga ginawa ang mga kapulisan, subalit nahihirapan daw ang mga ito sa kabila ng kanilang effort na masawata ang naturang ilegal na aktibidad. Bagay na hindi naman pinaniniwalaan ng bokal.

Wala naman umanong manpower ang kanyang tanggapan upang ipatupad ang ganitong uri ng panuntunan at hindi rin saklaw ng kanyang tungkulin bilang board member na pag bubuo ng isang task force upang mapahinto ang ilegal na pagmimina.

Sinabi naman ni Vice Governor Jonah Pimentel na kaya namang gawin ito ng isang board member sa pamamagitan ng paghingi ng tulong sa headquarters ng PNP sa Camp Crame kung hindi talaga kaya ng Provincial Police Office (PPO). Maaari rin anyang dumulog sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) o National Bureau of Investigation (NBI) upang makatulong kung hindi na talaga kayang mapahinto ang ilegal na operasyon ng lokal na npulisya sa lalawigan.

Nais din ni VG Pimentel na tuluyan nang maisakatuparan sa lalawigan ang Minahang Bayan na syang magbibigay laya sa mga small scale miners na makapag hanapbuhay ng legal at matiwasay. Nilinaw din ni Pimentel na hindi nila nais na permanenteng mapahinto ang pinagkukunan ng hanapbuhay ng mga mamamayan sa naturang lugar, bagkus ay gusto lamang nilang mapaloob ang mga ito sa minahang-bayan ng sa gayon ay mapangasiwaan sila ng maayos ng Pamahalaang Panlalawigan para na rin sa kanilang kaligtasan.

May pagkilos na rin umanong ginawa si Pimentel para sa kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na si Ramon Paje upang mapirmahan na ang composition ng Provincial Mining Regulatory Board (PMRB) na siyang bubuo sa minahang-bayan ngunit nagiging mabagal umano ang pag-apruba ng naturang kawani.

Ayon naman kay Bokal Gerry Quiones, nagkausap na sila ni Gov. Egay Tallado kaugnay ng naturang usapin at handa naman anya ang gobernador na magbigay ng permit gamit ang minahang-bayan na konsepto kung masusunod ang mga kinakailangang panuntunan.

Samantala, ikinadismaya naman ni Bokal Senen Asis Jerez ang naging sulat ni PD Pagaduan kay BM Gerry Quiones na tila hindi naisama ang buong Sangguniang Panlalawigan. Anya, hindi naging propesyonal ang opisyal sa pagpapahayag na ito dahil tanging si BM Quiones lamang ang sinulatan nito.

Ayon pa kay Bokal Jerez, baka nga talaga hindi nito kayang pamunuan ang PNP sa Camarines Norte batay na rin sa naging sulat nito kaya’t pinanukala niyang magbitiw na umano ang naturang pinakamataas na opisyal ng pulisya sa lalawigan sa kanyang tungkulin.

Isa rin anya itong pag-amin na hindi na nito kayang magpatupad ng mga batas. Hiling din ni Bokal Jerez na sana ay daluhan na ni PD Pagaduan ang kanilang paanyaya sa susunod upang mapag-usapan, at mabigyang linaw ang mga naging pahayag nito at ilan pang mga isyung dapat mabigyan ng karampatang kasagutan mula sa nasabing opisyal ng pulisya.

Edwin Datan Jr.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published.