ESTUDYANTE, PATAY SA PAMAMARIL SA BRGY. GUBAT SA BAYAN NG DAET!

ESTUDYANTE, PATAY SA PAMAMARIL SA BRGY. GUBAT SA BAYAN NG DAET!

Daet, Camarines Norte (Nobyembre 21, 2014) –  Hustisya ngayon ang sigaw ng pamilya ng isang estudyanteng biktima ng pamamaril kagabi sa Brgy. Gubat sa bayan ng Daet.

Dead on the Spot ang estudyanteng si Mark Evan Abasolo, 21 anyos, residente ng Holiday Homes Lag-on matapos itong pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek gamit ang kalibre 45 baril, alas 10:20 kagabi habang nag iinuman sa bahay ng kaibigan nito sa Purok Ubas, Brgy. Gubat sa nasabing bayan.

Ayun sa ulat ng pulisya, umalis ang ilang mga kaibigan ng biktima upang ihatid sa motorsiklo ang isa pang kaibigang babae sa bahay nito sa Brgy 8, Daet, Camarines Norte.

Sa kanilang pagbalik sa Brgy Gubat ay nakapagkwentuhan pa ang magkakaibigan at habang pasakay na ng motorsiklo para umuwi, isang nakaputing lalaki na nakasuot umano ng sombrero ang tumawid mula sa kabilang kalsada at kinuha ang baril sa dala nitong sling bag tsaka pinaputukan ng sunod sunod si Abasolo sa iba’t ibang parte ng katawan.

Matapos nito ay dali-daling tumakas ang suspek at sa pagtakas nito ay nakasalubong ang isang by stander na kinilalang si Enrique Abiera na pinaputukan din ng baril, bagamat hindi naman napuruhan.

Agad na isinugod sa pagamutan si Abiera samantalang Dead on the Spot naman si Abasolo.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang limang empty shells ng kalibre 45.

Nagtamo ang biktima ng mga tama ng bala sa kamay, likod at ilan pang parte ng katawan na naging sanhi ng agarang kamatayan nito.

Sa panayam ng Camarines Norte News kay Daet Chief of Police S/Supt. Paul Abay, sinabi nito na sa mga unang pagsisiyasat ay nahihirapan ang kanilang mga imbestigador na tukuyin ang motibo dahilan sa base sa kanilang mga pagtatanong tanong ay napakabait na bata ang biktima. Labis din anya ang pagtataka ng mga kaibigan nito dahil wala umano itong nakakaaway o nakakaalitan man lang. Tanging libangan lamang umano nito ay ang paglalaro ng League Of Legends (LOL), isang computer online game.

Hanggang sa ngayon ay patuloy naman ang mga awtoridad sa pagsasaliksik kung ano ang motibo ng pamamaslang at kung sino ang responsable dito.

Ang biktima ay kasalukuyang estudyante sa Mabini Colleges, 3rd year irregular, kumukuha ng kursong Bachelor of Science in Computer Science at pangalawa sa apat na magkakapatid.

Ricky Pera

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *