PERA AT MGA ALAHAS, NAKULIMBAT SA NAGANAP NA ROBBERY-HOLD UP SA 2 KABAHAYAN SA BAYAN NG PARACALE!

PERA AT MGA ALAHAS, NAKULIMBAT SA NAGANAP NA ROBBERY-HOLD UP SA 2 KABAHAYAN SA BAYAN NG PARACALE!

Paracale, Camarines Norte (Nobyembre 21, 2014) – Ninakawan at hinoldap ng 7 hindi pa nakikilalang kalalakihan ang isang sari-sari store at isang bahay sa Sitio Ligua, Barangay Tawig, Paracale, Camarines Norte bandang 6:30 ng gabi nitong nakaraang Martes (Nobyembre 18, 2014).

Batay sa ulat ni PCI Wilmor G. Halamani, Officer In-Charge ng Paracale Municipal Police Station (MPS), namataan umano ng mga Barangay Tanods sa naturang lugar ang pagdaan habang nagmamadali sa paglalakad sa madamong bahagi ng Barangay Tawig ng 5 hindi nakikilalang kalalakihan na may mga bitbit na 2 bag pack patungo sa direksyon ng Barangay Dagang sa parehong bayan.

Agad namang magsagawa ng hot pursuit operation ang mga otoridad na rumesponde sa naturang krimen ngunit bigo ang mga ito na mahuli ang mga suspek.

Kinilala ang mga biktima na sina Gloria Baytan y Ibita, 64 na taong gulang, balo, businesswoman, at residente ng Sitio Ligua, Barangay Tawig, Paracale, Camarines Norte; Ilyn Galero y Bulanan, 43 years old, may asawa, businesswoman, at residente ng Sitio Ligua, Barangay Tawig, Paracale, Camarines Norte; at Ronilo Poche y Dela Rosa, 38 na taong gulang, may asawa, magkakabod, at residente ng Sitio Ligua, Barangay Tawig, Paracale, Camarines Norte.      

Sa isinagawa namang panayam sa mga biktima, bandang 6:30 ng gabi umano habang si Gloria Baytan ay nagbabantay ng kanyang sari-sari store sa naturang lugar ay bigla na lamang umanong pwersahang pumasok ang 5 kalalakihan na may suot ng itim na bonnet. Agad umanong tinutukan ng baril ang biktima at nagdeklara ng hold up. Dalawa pa umanong suspek ang nagsilbing look-out sa labas ng kanyang tindahan.

Nakuha kay Baytan ang pera na nagkakahalaga ng P90,000.00,  7.5 gramo ng ginto, 1 pares ng gintong hikaw, 2 piraso ng gintong singsing, 1 piraso ng gintong kuwintas, 2 pakete ng sigarilyo, at 6 na iba’t ibang cellphones.

Matapos nito ay 4 umano sa 7 suspek ay agad na lumipat sa katapat na bahay na pagmamay-ari ni Ilyn Galero y Bulanan. 3 umano sa mga ito ay may suot ng itim na bonnet at armado ng caliber 38 revolver, samurai at kutsilyo. Kasunod nito ay binugbog umano ng mga suspek ang live-in partner nitong si Ronilo Poche y dela Rosa pagkatapos ay itinali ang mga kamay nito gamit ang lubid.

Natangay naman sa mga biktima ang pera na nagkakahalaga ng P110,000.00, 30 gramo ng ginto, 4 na pirasong gintong kuwintas, 1 piraso ng gintong pulseras, 1 piraso ng gintong hikaw, 1 unit ng cellphone, at 1 piraso ng black jacket.

Agad umanong tumakas ang mga suspek na nakapaa dala ang mga nakulimbat na gamit patungo sa direksyon ng Brgy. Tawig patungo sa Brgy. Dagang, Paracale.

Patuloy naman ang pagsasagawa ng follow-up investigation ng Paracale – MPS sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek. Nagsagawa rin ng mga otoridad ng koordinasyon sa Camarines Norte Provincial Public Safety Company (CN-PPSC) na naka-base sa Sitio Nico, Barangay Dalnac, Paracale, kalapit na municipal police station, at iba pang mga otoridad upang makakalap pa ng kaukulang impormasyon.

Edwin Datan, Jr.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *