Vinzons, Camarines Norte (Nobyembre 25, 2014) – Seryoso si Mayor Agnes Diezmo-Ang ng bayan ng Vinzons, Camarines Norte para labanan ang mga napapaulat na pagbabalik na naman ng illegal fishing activities sa nasasakupan ng kanilang munisipalidad.
Kamakailan lang, naging laman ng mga balitaan sa media ang umanoy muling pagsakyada ng mga boli-boli operation sa karagatang malapit sa Calaguas Island habang nasa kalakasan ng hangin at alon nitong mga nakatalikod na araw.
Reklamo ng mga maliliit na mangingisda, nasisira ng nasabing boli-boli operation ang mga coral reefs dulot ng “galadgad” na ginagamit umano sa nasabing fishing operation.
May mga pangalan din na binabanggit ang impormante na mga nagmamay-ari ng mga boli-boli na nag ooperate sa naturang bahagi ng karagatan na naiparating na rin sa tanggapan ng Alkalde.
Matapos na makarating sa kaalaman ni Mayor Agnes Ang ang impormasyon, sinabi nitong agaran syang makikipag ugnayan sa Philippine Coastguard at PNP Maritime command upang mabigyan ng mabilisang aksyon ang nasabing ilegal na gawain.
Inatasan na rin ng alkalde ang kanyang bantay dagat at nakahanda din anya ang Vinzons PNP upang rumisponde kung kinakailangan.
Ngayong umaga lamang, pinadalhan na rin ng sulat ang Punong Barangay ng Brgy Pinagtigasan para sa pakikipag pulong ng alkalde kung ano ang maaaring maging gawin para matiyak na matitigil na ang nasabing illegal fishing operation.
Hinihintay din ni Mayor Agnes na personal na makipag ugnayan sa kanya ang impormante upang makatulong nila sa pag aksyon hinggil sa usapin.
Tiniyak ni Mayor Agnes na hindi nila titigilan ang kankilang pagkilos hanggat hindi nila napapatigil ang nasabing ilegal na pangingisda sa kanilang bayan.
Ang pangisdaan ang isa sa mga pangunahing hanap-buhay ng mga residente ng Vinzons Camarines Norte kung kaya’t gayun na lamang ang pagkilos ng alkalde dito na mabantayan ang kanilang karagatan.
Camarines Norte News