Jose Panganiban, Camarines Norte (Nobyembre 26, 2014) – Inisa-isa ni Mayor Ricarte “Dong” Padilla ang mga magiging benepisyo ng planong dredging operation sa Mambulao Bay sa bayan ng Jose Panganiban sakaling matuloy ito.
Sa panayam ng Camarines Norte News kay Mayor Padilla, kinumpirma nito na may investor na nakikipag-ugnayan sa kanyang tanggapan para sa posibleng kasunduan hinggil sa isasagawang pagpapalalim ng karagatan malapit sa baybayin.
Aminado ang alkalde na walang kakayahang pinansyal ang Pamahalaang Lokal ng Jose Panganiban kung kayat kinakailangan nila ang investor para sa nasabing proyekto.
Isa ang kumpanya ng pamilya ni Governor Chavit Singson na nagpapahayag umano ng interes na magsagawa ng dredging na sa ngayon anya ay nagsasagawa na ng feasibility study at pagsusuri ng lupa sa nasabing huhukaying bahagi ng karagatan.
Ayun kay Mayor Padilla, sinabi nito na maraming benepisyo ang magiging epekto sa kanilang bayan sakaling maisagawa na ito:
- Maiiwasan ang pinangangambahang malakihang pagbaha sa mga barangay na nakasasakop sa mga baybayin ng nasabing karagatan.
Ayun kay padilla na sa tuwing nagkakaroon ng malalakas na pag-ulan ay tuluy-tuloy sa mga kailugan ang tubig mula sa kabundukan tungo sa karagatan, at sa tuwing magsasalubong ang “high tide” at ang pagdalisdis ng tubig, malaki ang itinataas ng tubig mula sa karagatan patungo sa mga kabahayan malapit sa dalampasigan.
- Karagdagang income – Isa sa magiging kasunduan ng pamahalaang lokal ng Jose Panganiban ay ang hatian sa kung anong mineral ang makukuha sa lupang mahuhukay mula sa naturang bahagi ng karagatan. Sa inisyal na usapin, 70:30 ang magiging hatian sa anumang mineral o yaman na makukuha ng kumpanyang magtatrabaho sa dredging. 70% para sa kumpanya at 30% para naman sa Lokal na Pamahalaan ng Jose Panganiban.
Ang baybayin ng Jose Panganiban ay sinasabing punong puno ng mineral dahilan sa dito umano naideposito ang mga tailings ng mga mina noong mga unang panahon na mayabong pa ang pagmimina ng bakal at ginto sa nasabing bayan.
- Matatanggal ang mga lason sa karagatan na dulot ng mga kemikal katulad ng mercury na ginamit noong unang panahon ng mga minero.
Ayun sa pag-aaral ng mga dalubhasa, lumalabas na 49 times unsafe na ang sahig ng karagatan sakop ng malapit sa baybayin dulot ng naturang mga nakalalasong kemikal na idineposito ng mga malalaking mining companies noong panahon.
- Karagdagang espasyo na gagawing commercial o economic enterprise area sa gagawing reclamation mula sa mga mahuhukay na lupa.
Umaabot sa 780 thousand metric tons ng lupa ang huhukayin na syang gagamitin para sa naturang reclamation na magagamit ng pamahalaan at mamamayan sa kanilang mga kabuhayan o paghahanapbuhayan. Siyam hanggang labinwalong talampakan (9-18ft) ang magiging taas/lalim ng reclamation na may sukat na apatnapung ektarya (40 ha) ang gagawin malapit din sa mismong baybayin.
- Tourist destination – Dahilan sa ito ang magiging kauna-unahang reclamation area na may lawak na 40 ektarya sa lalawigan, possible din itong dayuhin ng mga turista at makapaglagak pa ng puhunan para sa pagnenegosyo sa nasabing lugar.
Sinabi ni Mayor Padilla na sakaling magkaroon ng development hinggil sa nasabing proyekto ay agaran din nyang ipapaabot sa publiko upang magkaroon ng malayang pagpapahayag ng mga opinyon ang bawat sektor sa kanilang bayan.
Binigyan-diin ni Mayor Padilla na tanging investors lamang ang maaaring makapagsagawa ng napakalaking proyektong ito dahilan sa kawalan ng sapat na pondo ng pamahalaang lokal na nagkakahalaga ng multi-milyong piso.
Bukod sa wala nang gagastusin ang LGU Jose Panganiban para sa development na ito sa kanilang bayan, meron pang papasok na halaga mula sa makukuhang mineral sa nasabing proyekto.
(Photo credit: Coun. Artem Andaya)
Rodel Llovit
Camarines Norte News