LALAKING NAHULI HABANG GUMAGAMIT NG IPINAGBABAWAL NA DROGA SA BAYAN NG PARACALE, ISINUPLONG NG KAPATID

LALAKING NAHULI HABANG GUMAGAMIT NG IPINAGBABAWAL NA DROGA SA BAYAN NG PARACALE, ISINUPLONG NG KAPATID

Paracale, Camarines Norte (Nobyembre 28, 2014) – Huli sa akto habang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ang isang lalaki matapos na isumbong ito ng kanyang kapatid kahapon (Nobyembre 27, 2014), bandang 8:30 ng umaga sa Purok Emerald, Barangay Poblacion Sur, Paracale, Camarines Norte.


Ayon sa ipinadalang ulat ni PCI Rommel B. Labarro, Acting Chief of Police ng Paracale Municipal Police Station (MPS) sa Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO), kinilala ang suspek na si Von Edward Velasquez y Lamadrid, 31 taong gulang, may asawa, walang trabaho at residente ng Purok Emerald, Barangay Poblacion Sur, Paracale, Camarines Norte.


Sa pangunguna ni PO3 Michael Surla, inaresto ang suspek na si Velasquez bunsod na rin ng sumbong ng kapatid nito na si Vincent Paul Velasquez. Ayon sa kay Vincent, nahuli niya ang kanyang kapatid habang gumagamit ng ipinagbabawal na droga sa loob ng kwarto sa kanilang tahanan.


Agad namang tumulak ang mga operatiba sa naturang lugar at doon nga nahuli sa akto ang suspek habang nagsasagawa ng ilegal na gawain.
Nakumpiska sa suspek ang 1 bukas na transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu, 1 heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu, 1 bukas na transparent plastic sachet na

naglalaman ng mga tirang ipinagbabawal na droga, at mga drug paraphernalia tulad ng aluminum foil, gunting, tooter, at improvised burner.

Nakuha rin sa naturang kwarto ang isang homemade 12 gauge shotgun o sumpak, at 1 piraso ng bala.

Samantala, inihahanda na ang kasong paglabag sa RA 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” at RA 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” laban sa suspek, habang ang mga nakumpiskang gamit ay nakatakdang dalhin sa Crime Laboratory Office para sa magsagawa ng pagsusuri.

Edwin Datan, Jr.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published.