3 ESTABLISYIMENTO SA BAYAN NG DAET, NAHULIHAN NG MGA CHRISTMAS LIGHTS NA WALANG ICC/PS STICKERS NG DEPARTMENT OF TRADE AND INDUSTRY!

3 ESTABLISYIMENTO SA BAYAN NG DAET, NAHULIHAN NG MGA CHRISTMAS LIGHTS NA WALANG ICC/PS STICKERS NG DEPARTMENT OF TRADE AND INDUSTRY!

Daet, Camarines Norte (Disyembre 3, 2014) – Kasong paglabag sa RA 4109 o “Philippine Standardization Law” ang posibleng harapin ng 3 malalaking establisyimento sa Bayan ng Daet matapos isagawa ang pag-iinspeksyon ng Regional Enforcement Team ng Department of Trade and Industry (DTI) at DTI – Camarines Norte nitong nakatalikod na Nob. 19 – 21 matapos na makitaan na walang Import Commodity Clearance (ICC) at Philippine Standard (PS) stickers ang mga nakatindang christmas lights.

Sa naging panayam ng Camarines Norte News kay Mrs. Elenita Avila, Head, Business Regulation and Consumer Welfare Division, naipadala na umano ang mga suportadong dokumento at mga ebidensya na nakalagay sa selyadong kahon na pirmado ng DTI Representative at may-ari ng tindahan sa Regional Office ng DTI sa Lungsod ng Legazpi.

Tumanggi namang pangalanan muna ang mga naturang establisyimento hangga’t nasa proseso pa umano ng imbestigasyon ang naturang ahensya.

Nakatakda rin umanong magkaroon ng preliminary conference sa susunod na linggo kaugnay ng naturang paglabag kung saan magpapadala ang DTI – Region V ng kinatawan nito at bibigyan ng pagkakataon ang mga may-ari ng tindahan na maidepensa ang kanilang sarili.

Nagbigay din ng paalala si Avila sa lahat ng mamimili na tignan maigi at hanapin ang ICC o PS sticker sa mga bibilhin nilang christmas lights upang makasiguro sa kalidad ng mga produkto at makaiwas sa anumang uri ng sakuna.

DISKWENTO CARAVAN SA PARACALE; MONITORING NG NOCHE BUENA PRODUCTS

Samantala, isasagawa naman ang taunang Diskwento Caravan sa Bayan ng Paracale sa darating na Disyembre 8-9, 2014 na gaganapin sa Ginintuang Bulwagan.

Ayon kay Avila, ito ay hiniling ni Mayor Romeo Moreno upang maisabay na rin sa isasagawa nilang ceremonial switching of christmas lights sa naturang naturang bayan.

Ang Diskwento Caravan ay 2 beses sa isang taon na ginagawa ng DTI – Camarines Norte na nagbibigay ng malaking diskwento sa mga produktong kinakailangan batay sa napapanahong pangangailangan ng mga mamamayan. Ang unang Diskwento Caravan ay isinasagawa umano sa buwan Mayo bago ang pasukan ng mga mag-aaral, at ang pangalawa naman ay buwan ng Disyembre sa panahon ng kapaskuhan.

Kaugnay naman sa mga presyo ng mga produktong pang-noche buena, siniguro ni Avila na tuloy tuloy ang isinasagawa nilang monitoring ukol dito. May mga nakapaskil rin umanong mga poster sa mga supermarkets na naglalaman ng mga Suggested Retail Price (SRP) ng mga produkto.

Dagdag pa ni Avila na sa kasalukuyan ay wala pang naitatalang tindahan na lumabag sa SRP ng DTI. Ito ay dahil na rin umano sa nakikitang nilang dahilan na pagbaba ng sales ng mga negosyante bunsod ng mababa ring purchasing activities ng mga consumer na nagreresulta sa pagkakaroon ng marami pang stock ng mga negosyante na maaari pa nilang ilabas sa merkado.

Pahayag pa ni Avila, naging praktikal na ang mga mamimili ngayon sa pagbili ng produkto batay sa presyo at pagkukumpara ng mga ito sa iba pang tindahan dahil na rin sa marami na silang pamimiliang supermarkets sa Bayan ng Daet at sa iba pang bayan sa lalawigan.

Nagbabala rin ang DTI – Camarines Norte sa kaukulang multa sa mga mahuhuli nilang lalabag sa itinakda nilang SRP sa mga produkto.

Edwin Datan, Jr.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published.