LALAKI, PINAGBUBUGBOG AT BINARIL SA BAYAN NG PARACALE; BIKTIMA, NAKALIGTAS!

LALAKI, PINAGBUBUGBOG AT BINARIL SA BAYAN NG PARACALE; BIKTIMA, NAKALIGTAS!

Paracale, Camarines Norte (Disyembre 3, 2014) -Nagpapagamot ngayon sa Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH) ang isang lalaki matapos itong pagbabarilin sa Purok 7, Brgy. Tugos, Paracale Camarines Norte bandang alas 9:30 ng gabi nitong nakatalikod na Nobyembre 30, 2014 (Linggo).

Batay sa ulat na ipinadala ni PCI Rommel B. Labarro, Acting Chief of Police ng Paracale Municipal Police Station (MPS) sa Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO), kinilala ang biktima na si Armando Abanes Jr., 28 taong gulang, may asawa, magkakabod, at residente ng Purok 5, Sitio Padanlan, Brgy Bagumbayan, Paracale, Camarines Norte. Ayon sa inisyal na pag-iimbestiga ng Paracale – MPS, kasama ni Abanes ang dalawa nitong kaibigan na kinilalang sina Mercedes Torzar y Biblañas at Rolly Delos Reyes y Arandia habang bumabyahe sakay ng motorsiklo sa barangay road ng Casalugan patungong Barangay Tugos.

Pagdating umano sa Purok 7 ng Brgy. Tugos ay nakasalubong nila ang suspek na kinilalang si Ruel Sapico y Adane, 36 na taong gulang, may asawa, at residente ng Purok 7, Brgy Tugos, Paracale, Camarines Norte at bigla na lamang umanong naghamon ng suntukan sa biktima. Dito na lumabas ang isa pang suspek na kinilalang si Arnel Villamar y Montalban, 57 taong gulang, walang asawa, at residente ng Purok 7, Brgy Tugos, Paracale, Camarines Norte at apat nitong kasama at sinimulang bugbugin si Abanes.

Agad namang nakatakas ang 2 kasama ng biktima at iniulat ang naturang insidente sa himpilan ng pulisya. Mapalad ding nakatakbo papalayo si Abanes subalit bigla na lamang itong pinaputukan ng 5 beses ng isa sa mga suspek gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril.

Tinamaan ang biktima sa kanang braso nito at agad na nagtungo sa Paracale Health Center upang lapatan ng paunang lunas na kinalaunan ay inilipat sa Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH) para sa karagdagang paggamot sa tinamong tama nito.

Samantala, sa isinagawang pag-responde ng mga operatiba ng Paracale MPS kasama ang 2 testigo, nahuli ang 2 sa mga suspek na positibong kinilala ng mga nakakita.

Dinala muna ang 2 suspek sa Rural Health Unit ng Paracale (RHU) para magsagawa ng medical examination dahil na rin sa mga tinamo nitong minor injuries.

Kasalukuyan na ngayong nasa kustodiya ng Paracale MPS ang mga suspek para sa karampatang disposisyon habang patuloy na nagsasagawa ng follow-up investigation ang himipilan sa ikadarakip ng 4 pang pinaghahahanap na suspek.

Edwin Datan, Jr.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *