Jose Panganiban, Camarines Norte (Disyembre 4, 2014) – Brutal na kamatayan ang inabot ng mag-asawang senior citizen sa bayan ng Jose Panganiban kahapon ng gabi.
Kinilala ang mga biktimang sina Leonardo De Vera Y Abierta, 64 taong gulang at Merlita De Vera Y Presado, 60 taong gulang, pawang residente ng Purok 1, Brgy Osmeña sa nabanggit na bayan.
Sa follow up ng Camarines Norte News sa pulisya, alas 7 ng umaga ng tumungo sa kanilang himpilan Punong Barangay Isaias Agua II ng Brgy Osmeña at ipinarating ang naturang impormasyon.
Nabatid din sa ilang mga residente sa lugar na ayun umano mga salaysay ng nagmamaneho ng tricycle ng mag-asawa, nagkausap pa sila ng biktima pagkatapos nyang mag remit ng kanyang boundery sa pamamasada ng tricycle ng mag asawa ganap na alas otso ng gabi.
Napag alaman na nakausap pa ni ginang De Vera ang anak nito sa pamamagitan ng text ganap na alas 11 ng gabi.
Kung kaya’t sa pagtataya ng pulisya, posibleng sa pagitan ng alas onse ng gabi hanggang madaling araw naganap ang krimen.
Natuklasan na lamang ng driver ng pamilya na may nangyari masama sa mag-asawa nang sa kanyang pag pasok kinabukasan para kunin ang pinapasadang tricycle ay nakita nyang bahagyang nakabukas ang pintuan at nasilip nito ang karumal dumal na kalagayan ng dalawang matanda. Agaran inireport ng driver sa Brgy ang insidente kung kayat inireport na din ito sa pulisya ng punong barangay.
Isa namang kapitbahay ang nakausap ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) at nagsabing may narinig syang dalawang putok ng baril alas onse kagabi at narinig nya ang nakababahalang ingay sa loob ng tahanan, sa kanyang pag tingin sa tahanan ng mag-asawa, nakita nito ang dalawang lalaki na nasa bubong ng nasabing bahay. Pinilit nya umanong kilalanin subalit dahilan sa dilim ay hindi nya ito namukhaan.


Sa pag sisiyasat ng SOCO, walang nakitang forced entry sa tahanan ng mga biktima.
Natagpuan sa tahanan ang duguang bangkay ni Mang Leonardo sa sala na may mga saksak sa katawan at may dalawang tama ng bala ng baril, habang ang si Aling Merlita naman ay natagpuang duguan sa master’s bedroom na tadtad din ng saksak.
Ayun pa sa SOCO, nagkalat ang mga kagamitan sa loob ng bahay na tila may hinahanap na bagay ang mga suspek. Isang slug o nagamit na bala din ang natagpuan sa loob ng tahanan.
Bago ang insidente, napag alaman na nag withdraw ng pera ang biktimang lalaki sa Rural Bank of Jose Panganiban kung kaya’t malaki ang posibilidad na pagnanakaw ang motibo ng krimen.


MAYOR PADILLA NAIS HILINGIN SA KONGRESO SA PAMAMAGITAN NG LMP NA MAIBALIK ANG PARUSANG BITAY!

Samantala, labis na ikinalungkot ni Mayor Ricarte “Dong“ Padilla ang pangyayari matapos na makarating sa kaalaman nito ang insidente. Sinabi ni Mayor Padilla na panahon na para ibalik ang parusang bitay sa Pilipinas.
Anya, sa kanyang pag upo bilang pangulo ng League of Municipalities of the Philippines – Camarines Norte Chapter sa darating na Enero, 2015, una una nyang isusulong sa LMP national na hilingin sa dalawang kapulungan ng kongreso na maikunsidera ang pagbabalik ng parusang bitay sa bansa.
Anya, sa dami ng mga krimen na nagaganap sa iba’t ibang panig ng bansa, katulad ng kidnapping, rape, pagpatay at iba pang karumal dumal na krimen, isa ang pagpapatupad ng parusang bitay ang isa sa mga sulusyon para magkaroon ng takot ang mga gumagawa nito.
Naniniwala ang alkalde na sasamahan sya ng kanyang mga kapwa alkalde sa bansa sa hangarin nyang ito bilang tugon sa lumalalang krimen sa bansa.
Camarines Norte News