Vinzons, Camarines Norte (Disyembre 5, 2014) – Timbog ang dalawang babae na parehong residente ng Bayan ng Labo matapos ang isinagawang drug buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency – Camarines Norte (PDEA – CN) sa Purok 4, Brgy. Sto. Domingo, Vinzons, Camarines Norte kaninang umaga.
Sa naturang operasyon, isang undercover agent ng PDEA na may dalang sasakyan ang nagpakilalang buyer at nakipagkita sa isang babaeng kinilalang si Melody Calubag na siyang nagsilbing dealer sa mall sa Bayan ng Daet.
Matapos ipakita ang marked money, nagpasama ang undercover agent kay Calubag upang katagpuin naman ang may hawak ng ilegal na droga sa Brgy. Sto. Domingo, Vinzons na kinilala namang si Nalin Tarusan.
Nang makarating sa lugar, lumapit at ipinakita ni Tarusan ang isang plastic na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu gayundin ang pagbibigay ng ahente ng pera sa mga suspek. Ito na ang naging hudyat upang dakpin ng mga operatiba ng PDEA ang 2 suspek.
Nakuha kay Calubag at Tarusan ang isang cellphone, isang supot na naglalaman ng white crystalline susbstance na pinaghihinalaang shabu na may market value na umaabot sa humigit-kumulang P500,000, marked money, itim na motorsiklo na walang plate number, at isa pang motorsiklo na may plate number na 9779 EO.
Samantala, isa pang suspek ang nakatakas na kinilala lamang sa pangalang “Alex” na siyang kasama ni Tarusan na nagpunta sa lugar.
Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya ng PDEA ang mga nahuling suspek gayundin ang mga ebidensyang nakuha at nakatakdang i-turn over sa mga kinauukulan upang masampahan ng kaukulang kaso.
Ricky Pera/Edwin Datan
Camarines Norte News