Vinzons, Camarines Norte (Disyembre 7, 2014) – Nakahanda ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Bayan ng Vinzons para sa inaasahang pag daan ng bagyong Ruby sa lalawigan ng Camarines Norte. Ito ang tiniyak ni Mayor Agnes Diezmo-Ang sa kabila ng kawalan na ng Calamity Fund para ngayong huling bahagi ng taon.
Sa pinakahuling tala, kaninang alas 8:00 ng umaga, Dec. 7, 2014, umaabot na sa 2,263 na ang bilang ng mga evacuees ang nasa mga evacuation centers sa Vinzons Pilot High School and Elementary School at Calangcawan Norte Elementary School, mula naman sa mga brgy ng Sula, Sabang, Mantigbi at Calangcawan Norte at ilan pang bahagi ng Vinzons.
Ang hindi pagkakapasa ng annual budget for 2014 sa Sangguniang Bayan ng Vinzons hanggang sa ngayon ang itinuturing dahilan ni Mayor Agnes sa kawalan ng pondo ngayon ng pamahalaang lokal ng Vinzons.
Sa telephone interview ng Camarines Norte News sinabi ni Mayor Ang na 4 Million lamang ang nakalaan para sa calamity fund at ito ay nagamit na sa mga mga nag daang bagyo ngayon taon at gayundin sa mga proyektong may kaugnayan din sa disaster risk reduction, kasama na dito ang break water sa Barangay Sula na kung hindi umano naipagawa ay posibleng mag dulot ng mas malaking disaster para sa mga naninirahan sa nasabing brgy.
Ayun pa kay mayor Agnes na meron pa sana silang umaabot sa 1.2 Million pesos na for reprogramming mula sa 2013 budget na maaari sanang mai-reallign para sa calamity fund subalit hanggang sa ngayon ay nananatili anyang naka tengga sa Sangguniang Bayan ng Vinzons at hindi pa rin naaaprubahan hanggang sa ngayon.
Gayunpaman, sa kabila ng ganitong sitwasyon ng kawalan ng budget ng kanilang bayan ngayong taon, pinag susumikapan naman umano ng alkalde na matugunan pa rin ang mga pangangailangan ng kanyang mga kababayan sa abot lamang ng kanyang kakayanan.
Nakahanda rin anya ang lahat ng mga contingency measures para matugunan ang pangangailangan kasama na ang isasagawang force evacuation kung kinakailangan, rescue teams, at maging ang mga medical assistance at mga gamot ay kumpleto rin sila.
Kahapon, Dec. 6, 2014, ay kaarawan ng kanyang asawa na si Ginoong Jay Ang, at dahilan na rin sa kakulangan ng pondo para sa mga evacuees ng Vinzons, mas minarapat na lang ng mag asawa na ibili na lang ng mga pagkain o pantawid gutom para sa mga nasa evacuation areas ang dapat sana ay para sa selebrasyon ng kaarawan ng unang ginoo ng Vinzons. Subalit sa kabila nito ay aminado pa rin si Mayor Ang na hindi pa rin ito sasapat dahil inaasahan pa nilang dadami pa ang evacuees sa mga susunod na oras.
Alas onse ng tanghali, personal na ring ipinamahagi ni Mayor Agnes ang mga pagkain para sa mga evacuees sa limang evacuation centers.
Ang bayan ng Vinzons ay isa sa mga matinding sinalanta ng Super Typhoon Rosing noong taong 1995 na ikinamatay ng daan-daan nilang mga kababayan, kung kayat ganito na lamang ang kanilang paghahanda sa ngayon na hindi na maulit pa ang minsang delubyong dinanas ng kanilang bayan, ilang taon na ang nakaraan.
COUN. JAY PIMENTEL, NAGPALIWANAG HINGGIL SA SITWASYON NG CALAMITY FUND.
Hindi inaasahan ni Coun. Jay Pimentel ng bayan ng Vinzons na ubos na ang calamity fund ng kanilang pamahalaang lokal.
Sa pahayag ni Coun. Pimentel, nahahati sa dalawa ang paglalaanan ng calamity fund, 70% para sa mitigation at 30% para sa quick response sa panahon na mismo ng kalamidad.
Sinabi ni Pimentel na kung sakaling nagamit man ang 70% para sa mga proyekto para sa mitigations, inaasahan nya na may matitira pa sa 30% na para sa quick response, maliban na lang anya kung dinaanan ang Vinzons ng malakas na bagyo sa mga nakalipas na buwan ng taon ay mauunawaan nya kung talagang wala na ito. Subalit anya, wala namang malakas na bagyo ang dumaan sa probinsya sa nakalipas na mga buwan at isang beses lamang sila nagkaroon ng evacuation. Maaari anyang may nilabag na proseso ang alkalde sa naturang pagkakaubos ng calamity fund.
Taliwas naman dito ang paniniwala ni Mayor AgnesAng. Anya, wala syang anumang nilabag na batas kung sakaling naubos na ang calamity fund dahilan na rin sa liit ng halaga nito at nagamit naman ito ng tama para din sa kanilang mga mamamayan may kaugnayan sa kanilang kaligtasan at pangangailangan.
Kaugnay pa rin nito, nitong mga nakatalikod na araw, hiniling naman ni konsehal Oliver Ferrer, chairman ng Committee on Finance ng SB Vinzons sa tanggapan ni mayor Agnes Ang ang kopya ng financial status ng calamity fund subalit hindi rin anya sila nabigyan ng tanggapan ng alkalde dahilan sa may diperensya umano ang computer kung saan naka save ang nasabing mga dokumento.
Kahapon sa pag bisita nina konsehal Jay Pimentel sa evacuation centers, nakita anya nyang wala pang pagkain para sa mga evacuees kung kayat agaran syang humingi ng asistensya mula kay Governor Edgardo Tallado na pinaunlakan naman sya at mismong ang gobernador, kasama si Vice Governor Jonah Pimentel ang personal na naghatid ng relief goods para sa mga evacuees doon.
ANNUAL BUDGET
Aminado si Konsehal Jay Pimentel na ang pagkakapasa sa Sangguniang Bayan ang dahilan ng pagkabalam ng ilang mga programa ng pamahalaang lokal ng Vinzons. Kasama na sa maaapektuhan nito ang ay kawalan ng bonus ng mga kawani ng pamahalaang bayan ng Vinzons.
Sinabi ni Pimentel na isa sya sa pumayag na para sa pagpapasa ng budget ngayong taon, subalit dahilan sa hindi pa rin umabot sa kinakailangang bilang ng boto para sa pagkakapasa nito, hindi pa rin nailusot ang Annual budget ng Vinzons.
Kalakip anya ng kanyang pagpayag sa pagpapasa ng budget ay ang isang kondisyon na maisasama ang Barangay Aguit-it sa listahan ng mga bebenipisyuhan ng ARCP 2. Subalit dahil hindi na nga rin ito sinang-ayunan ng mayorya ng kanyang mga kasama sa SB Vinzons, hindi na rin umabot pa sa kanyang kundisyon ang nasabing usapin.
Gayunpaman, nauunawaan din naman anya nya na may punto ang rason ng mga komontra sa pagpapasa ng budget kung kayat nirerespeto nya ang opinyon ng mga ito.
MAYOR AGNES’ ON PROVINCIAL GOVERNMENT’S SUPPORT
Nais ni Mayor Agnes Diezmo-Ang na maisantabi muna ang pulitika sa mga panahong ito at unahin na ang pagtutulungan. Ipinagpasalamat nito ang tulong na ipinagkaloob ni Governor Edgardo Tallado sa pamamagitan ng PSWDO sa kanilang mga evacuees sa Vinzons kahapon.
Sinabi din ng alkalde na aminado syang wala silang sapat na pondo sa ngayon dahil nga sa kawalan ng annual budget ng pamahalaang lokal, kung kayat, bukas palad nyang tatanggapin ang tulong mula sa pamahalaang panlalawigan. kasabay ang kanyang pagsusumikap din na matugunan pa rin ang pangangailangan ng kanyang mga kababayan sa abot ng kanyang kakayanan.
Pakiusap lamang ni Mayor Agnes Ang na makipag ugnayan lamang muna sa kanyang tanggapan para naman sa maayos na koordinasyon ng pag didistribute ng mga tulong sa kanilang mga evacuees.
Camarines Norte News