DRY GOODS AREA NG PAMILIHANG BAYAN NG BAYAN NG JOSE PANGANIBAN, NILAMON NG APOY!

DRY GOODS AREA NG PAMILIHANG BAYAN NG BAYAN NG JOSE PANGANIBAN, NILAMON NG APOY!

Jose Panganiban, Camarines Norte (Disyembre 8, 2014) – Nilamon ng apoy sa kalagitnaan ng paghambalos ng malalakas na hangin ng Bagyong Ruby kaninang madaling araw ang bahagi ng Pamilihang Bayan ng Jose Panganiban.

Ayon kay PC/Insp. Victor E. Abarca, Officer in Charge ng Jose Panganiban Municipal Police Station (MPS), mga bandang alas 2 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa hilera ng mga dry goods sa pamilihang bayan sa bahagi ng South Poblacion Street.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Bureu of Fire Protection – Jose Panganiban (BFP), sa pamumuno ni SFO2 Woody A. Lanzuela, umaabot sa 39 pwesto ang natupok sa naturang sunog. Tinitignan na rin nila ang anggulo ng faulty electrical wirings sa loob ng isang tindahan na siyang sanhi ng naganap na sunog.

Bagamat may pag-ulan, malaki umano ang naging epekto ng malakas na hangin sa  mabilis na pagkalat ng apoy.

Dismayado naman ang ilang mga residente at mga may-ari ng tindahan matapos na magkaroon ng aberya ang trak ng bumbero ng BFP – Jose Panganiban sa siyang naging dahilan kaya hindi ito naka-responde agad.

Ayon pa sa ilang mga nakakita, naging mabagal din ang naging responde ng naturang ahensya na naging dahilan upang marami pang madamay na tindahan.

Rumesponde rin ang BFP – Daet at BFP – Paracale na siyang nag-apula sa apoy. Bandang alas 5 na ng umaga kanina nang ideklara itong “fire-out”. Wala namang naitalang sugatan o nasaktan sa nangyaring sunog.

Samantala, umaabot sa humigit-kumulang na P5,000,000.00 ang halaga ng mga kagamitan at panindang natupok. Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng kinauukulan sa tunay na dahilan ng sanhin ng sunog

(photo credits: Leonardo Galleta/Rowell Pila)

Edwin Datan, Jr./Orlando L. Encinares

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *